Ano ang Schizophrenia?
Ang Schizophrenia ay karamdamang pang-kaisipan (mental disorder) kung saan ang tao ay nakakaranas ng hallucinations (nakakarinig ng mga boses na wala naman talaga) at delusions (mga paniwala na hindi akma sa mga totoong nangyari o mga pangyayari). Ang hallucinations o delusions ay nararanasan halos araw-araw sa loob ng anim na buwan.
Ilan sa karaniwang tema o paksa (theme) ng delusions ay ang paranoia (“naprapraning”). Halimbawa pakiramdam nila may gagawa ng masama sa kanila, lalason, may humahabol o may nagmamanman/nagtitiktik (spying) sa kanila. Minsan sasabihin nila na ayaw nila tumingin sa mga mata ng tao dahil mababasa ang iniisip nila o kaya nangyayari lahat ng kanilang iniisip (tamang-hinala).
Kaakibat ng hallucinations at delusions, meron pang ibang sintomas ang schizophrenia katulad ng disorganized thinking – (magulo mag-isip), naoobserbahan ito sa pamamagitan ng kanilang pananalita, maaring paligoy ligoy silang sumagot o minsan sablay ang mga sagot, at disorganized behavior (kakaiba ang mga kilos), halimbawa, naglalakad ng walang pupuntahan , sinusuot ang underwear sa labas ng short, nakatulala sa pader o puno.
Ang mga taong nakakaranas ng sintomas na ito ay madalas na nahihinto sa karaniwan nilang gawain. Halimbawa, sa trabaho, eskwela, o napapansin ng mga pamilya at kaibigan na hindi na nila nagagampanan ang kanilang mga karaniwang responsibilidad. Isa ito sa mga nag uudyok sa mga kaibigan at kamag-anak na patignan nila ang pasyente.
Nagagamot ba ng Schizophrenia?
Sa pamamagitan ng mga gamot (antipsychotics), maaring maibalik sila sa mga dati nilang gawain. Depende sa kung gaano kalala ang tao o gaano katagal na nakakaranas ng sintomas bago dinala sa doctor kung hanggang saan ito maibabalik sa dating kalagayan. Madalas, kailangan uminom ng pasyente ng antipsychotics sa mahabang panahon (taon ang bibilangin) o di kaya pang-habang buhay ngunit ang kapalit naman nito ay ang pagkakataon na mamuhay sila katulad lang ng ibang tao na may pamilya, trabaho, at libangan.
Nakakahawa ba ang Schizophrenia?
Hindi.
Namamana ba ang Schizophrenia?
Mataas ang potensyal ng mga taong may kamag-anak sa first degree (magulang, kapatid, anak) na magkaroon din ng schizophrenia. Hindi awtomatikong magkakaroon ng schizophrenia ang mga may kamag-anak na schizophrenia ngunit mataas ang kanilang tsansa (chance) lalo na kung may trigger na mangyari sa kanila (halimbawa, gumamit sila ng shabu).
Nakakarinig ako ng mga bumubulong o boses, meron na ba akong Schizophrenia?
Hindi lahat ng nakakarinig ng may bumubulong o mga boses na wala namang ibang nakaririnig (hallucinations) ay may schizophrenia. May mga iba pang karamdamang pang-kaisipan (mental disorder) na nakakaranas ng hallucinations. Halimbawa, ang mga taong sobrang depressed (sobrang lungkot) ay maaring makaranas ng hallucinations. Mahalagang may makausap na mental health professional upang matulungan kayong malaman kung ano ang inyong pinagdaraanan.
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP, FPPA
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.