Pinoy Mental Health Blog

Ano ang Psychotherapy? (Unang Bahagi)

by , on
Oct 14, 2018

Ang psychotherapy o talk therapy ay isang mabisang paraan ng gamutan sa maraming mental health conditions. Ito ay maaring magdulot ng pagbuti ng pakikisalamuha sa iba, pagbawas ng stress na nararanasan, at mas malalim na pagkilala sa sarili. Nangangailangan ito ng motibasyon, disiplina, trabaho sa panig na pasyente, pamilya, at doktor, upang maging epektibo. Ang isang pasyente ay makikinabang dito depende sa lala ng karamadaman, abilidad na magmuni muni tungkol sa sarili at motibasyon na isabuhay ang mga natutunan sa therapy.

Kailangan tandaan na maaring maungkat ang mga hindi magandang ala-ala habang nasa psychotherapy katulad ng guilt, anxiety, nalimutan ng galit, at lungkot lalo na sa mga unang yugto ng psychotherapy. Kapag nakakaramdam ng mga hindi magandang pakiramdam, importante na ito ay ipaalam sa iyong psychotherapist para ito ay mabigyan ng tamang konteksto at ma-process.

Tandaan, ang tinutukoy kong psychotherapy dito ay ang pormal na mga klase ng psychotherapy na may specific na pamamaraan at technique. Maraming klase ng psychotherapy (See below). Kung sa unang pag-uusap niyo ng iyong doktor ay nagpayo siya sa iyo at may mga itinuro siya sa iyong ilang paraan para gumaang ang iyong pakiramdam, ito ay maaring mapabilang sa tinatawag na brief therapy/crisis intervention o kadalasan, supportive psychotherapy. 

Ano ang ginagawa sa psychotherapy?

Isipin na parating may 3 bahagi ang kahit anong klase ng psychotherapy. Una, ang assessment na bahagi. Dito, kinukuhaan ng background na impormasyon ng therapist ang pasyente. Maari itong magfocus sa mga pangyayari na kasalukuyang nararanasan sa pasyente o magfocus naman sa mga nangyari sa nakalipas ng pasyente. Maaari itong magtagal ng isa hanggang maraming sessions depende sa lalim ng pagkolekta ng impormasyon na kinakailangan. Maaari ring magbigay ng interpretasyon at kuro-kuro ang therapist sa mga ibabahagi ng pasyente at kadalasan magkakaroon na ng mas malalim na pagkilala ang pasyente sa kanilang sarili. Maaari ring madiskubre ng pasyente sa paglalahad ng kanilang talambuhay o kasalukuyang mga karanasan na iba na ang pananaw nila ngayon sa kanilang mga karanasan kumpara noong panahon na naganap ito. Sa ikalawang bahagi, mag se-set ng goals/objectives (layunin) ang therapist at pasyente. Ano ang mga tratrabahuhin nila para isaayos at baguhin. Ikatlo, ay ang mismong mga sessions kung saan isasakatuparan ang mga napagusapang mga plano at layunin. May iba ibang paraan, technique, of methodology ng psychotherapy. Ito ay tatalakayin ng mas malalim sa mga susunod na bahagi. Kadalasan meron ding tinatawag na “termination phase” or pagtatapos na bahagi kung saan binabalikan kung nangyari o nakamit ba ang mga layunin ng psychotherapy at inihahanda ang pasyente sa paghihiwalay nila ng landas ng therapist.

Lahat ba ng Mental Health Condition ay maaring gamitan ng psychotherapy?

Hindi. Ginagawa ang ang psychotherapy sa tamang oras at sa tamang kondisyon ng pag-iisip ng pasyente. Kailangang handa ang isip ng pasyente (receptive) na gawin ang proseso ng psychotherapy. Karaniwan, may mga panuntunan (requirement) na hinahanap ang therapist/psychiatrist upang masabi na ang pasyente ay makikinabang sa gagawing psychotherapy.

Ano ang mga ito? (1) Kapasidad na magmuni-muni tungkol sa sarili (insight and psychological mindedness) (2) Kapasidad na makaisip sa abstract level (capacity to understand metaphors and analogies) o kapasidad na mahango ang tunay kahulugan ng mga kasabihan, salawikain, mga talinhaga, at mga kasabihan; (3) Fair judgment – kapasidad na matukoy ano ang magiging posibleng mga resulta ng isang desisyon at piliin ang mas akmang aksyon; (4) Intact Reality Testing – alam at tanggap ang katotohanan at hindi; (5) Good Impulse Control – hindi mapusok; (6) Meaningful Object Relations – matatag na kakayanang mapanatiling mabuti at buo ang imahe ng mga mahal sa buhay sa loob ng isip (Basahin: Ano ang Object Relations?); (5) Acceptable level of compartmentalization – kakayanang hindi paghaluin ang mga iba’t ibang isyu na hindi magkaugnay; (6) Acceptable Level of Frustration Tolerance – kakayanan na matanggap na hindi agad nakukuha ang lahat ng isang iglap lang.

Madalas, tinitimbang ng isang therapist/psychiatrist ang kakayanan ng isang pasyente/kliyente na mag-benefit sa psychotherapy. Maari nitong baguhin ang pamamaraan base sa mga reaksyon ng pasyente sa mga ideya at test na isasagawa niya sa pamamagitan ng matalinhagang pagtatanong.

Ano ang kaibahan ng Psychiatric Consultation at Psychotherapy Session?

Ang psychotherapy ay isa sa mga paraan ng gamutan sa psychiatry/psychology. Ang panggagamot sa psychiatry ay mahahati sa tatlong aspeto: biological, psychological, at social. Ang pagbibigay ng gamot ay ang biological na parte, ang psychotherapy ay ang sa psychological, at ang mga bagay katulad ng case management (pag asikaso ng social worker ng mga bagay na makakatulong para mapabuti ang kalagayan ng pasyente sa kaniyang lugar na ginagalawan katulad ng pagtulong magkatrabaho, mailipat sa mas akmang eskwela, o mailagay sa tamang tahanan).

Sa unang pagpunta pa psychiatrist o psychologist, karaniwan isang consultation ang ginagawa. Ang layunin nito ay makabuo ng isang diagnosis o matukoy ang mga main problems na kailangang ayusin. Maaring magbigay agad ng lunas at maari ring magtagal ng ilang meeting ang pagtukoy na ito. Maari sa pagkonsulta na ito ay makapagbigay ng payo ang therapist o makapag bigay ng ilang kuro kuro tungkol sa kalagayan ng pasyente ngunit katulad ng sabi ko na, ito ay parte ng “supportive psychotherapy,” pagbibigay lamang ng suporta. Matatawag itong isang klase ng psychotherapy ngunit hindi ito nakakapagbigay ng pangmatagalan na lunas.

Sa madaling sabi, hindi ibig sabihin na nagpunta ka sa psychiatrist at kinausap ka nito ay nakapagpsychotherapy ka na. Pinaplano ito at may tukoy na proseso.

 

Sa mga susunod na bahagi, tatalakayin pa ang…

  • Ano ang mga klase ng psychotherapy?
    • Individual Psychotherapy
      • CBT
      • Psychodynamic Psychotherapy
      • Interpersonal Psychotherapy
      • Brief Interventions at Supportive Psychotherapy
    • Group Therapy
      • Group Therapy para sa Addiction
      • Couple’s Therapy
      • Family Therapy

–Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist

Hirap Matulog (Insomnia)

by , on
Apr 8, 2018

Maraming tao ang nakakaranas ng panandaliang hirap sa pagtulog. Maaring may pagbabagong nangyari kamakailan lang sa buhay, namamahay, o may iniisip.

Iba’t ibang klase ang hirap sa pagtulog. Pwedeng: (1) hirap makatulog, pero pag nakatulog na tuloy tuloy na; (2) parating nagigising (tulog manok); o (3) nagigising ng madaling araw tapos di na makabalik sa pagtulog. Pwede ring kombinasyon ng mga ito at iyon ay minsan nangangahulugang, buong gabi ka ng di makatulog.

Maari ring ang problema ay na-iba ang iyong “body clock.” Sa umaga ka na nakakatulog.

Ito ay mga bagay na itatanong sa iyo kung ikaw ay komunsulta sa isang sleep specialist na internist o isang psychiatrist.

Ano ang maari kong gawin para maka-huli ng tulog ng hindi pumupunta sa doktor?

Pagbutihin ang iyong “sleep hygiene.” Ito ay mga habits, o gawi natin bago matulog na dapat ay papagbutihin.

  • Iwasan matulog/umidlip sa umaga.
  • Mag set ng regular na schedule ng pagtulog at pag-gising kahit na weekend dapat pareho ang oras ng iyong gising.
  • Iwasan uminom ng kape, softdrinks, o cobra sa gabi. Pinapayo ko karaniwan sa mga pasyente ko na huwag na uminom ng mga ito lampas ng alas-kwatro ng hapon.
  • Magkaroon ng regular na exercise.
  • Huwag kumain ng marami bago matulog. Kung maghapunan o mag late-snack, iwasan humiga agad, magpalipas ng dalawang oras bago humiga dahil ito ay magdudulot ng heart burn o GERD.
  • Dapat maliwanag ang bahay sa umaga (natural na liwanag).
  • Dapat madilim at medyo malamig ang kwarto o lugar ng tulugan.
  • Iwasan magkut-kot ng cellphone/tablet sa kama.  Sindihan ang “blue light filter” ng iyong cellphone kung gabi. Ang blue light ay nagpapa-gising ng utak.
  • Huwag “magpa-antok” sa kama. Sa silya o sa sahig mag-pa antok (mag-basa ng libro) kapag inaantok na o handa na matulog, tsaka lang lumipat sa kama. Mas maganda kung walang TV sa kwarto. Ituring na ang kama ay gagamitin lang sa pagtulog at romansa. Huwag kumain o gumawa ng iba pang bagay sa ibabaw ng kama.

Pwede ba akong uminom ng gamot?

Pwede uminom ng melatonin (sleepasil), iterax, o diphenhydramine kahit hindi kumonsulta. Ito ay mga over-the-counter na gamot.

Kailan dapat pumunta sa doktor?

  • Ilang araw ka ng hirap matulog at kahit gawin ang mga paraan sa itaas o uminom ng gamot na nabanggit, hindi ka parin makatulog.
  • Ang insomnia mo ay nagdudulot na ikaw ay maging irritable o hindi maka-gawa ng mga dati mong gawain sa opisina, bahay o eskwela. (Apektado ang iyong “functionality”).

Paalala

  • Habang tayo ay nagkaka-edad, sadyang umiikli ng bahagya ang ating pag-tulog. Malalaman mo kung ito ay insomnia sapagkat iniinda mo ito. Kung pakiramdam mo ay hindi ka naman pagod at sapat ang tulog mo, baka nga iyon talaga ang haba ng tulog na kailangan ng iyong katawan. Kung ikaw ay nag-dududa, kumonsulta sa doktor.
  • Kung ang insomnia ay isang komplikasyon ng isang mental health issue tulad ng depression, bipolar, o schizophrenia, maaring hindi ito madala ng mga paraan sa itaas at kinakailangang gamutin talaga. Madalas, isang tanda(sign) ito na susumpungin na ang tao o nag-rerelapse. Kumonsulta agad sa doktor.

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Mga Maling Gawi ng Pag-iisip (Cognitive Distortions)

by , on
Mar 30, 2018

Ang isang sistema na ginagamit sa talk-therapy (psychotherapy) ay ang CBT (Cognitive Behavioral Therapy). Sa CBT, binibigyang importansiya ang mga kahulugan o interpretasyon na binibigay natin sa mga: (1) bagay na nagyayari sa atin sa totoong buhay, at (2) mga bagay na nararanasan natin sa ating pagmumuni o pag-iisip. Ang mga kahulugan o interpretasyon na ito ay nagiging dahilan para makaramdam tayo ng emosyon, at ang mga emosyon na ito ay ang magiging ugat ng kung paano tayo aaksyon, gagalaw, o mag-re-react.

Halimbawa, sinabi ng iyong boyfriend na: “Medyo sunog yung hotdog, ano. Pero masarap gusto ko ‘to tustado!” Halimbawa ng mga maari natin maisip kung mali ang gawi natin:

  • Wala na talaga akong nagawang tama.
  • Sabi niya sunog ako magluto?
  • Hihiwalayan niya na ako dahil dito.

Ang mga bagay na ito ay tinatawang sa CBT na Cognitive Distortions o mga maling gawi ng pag-iisip o pag-bibigay-kahulugan. Ang mga cognitive distortions na ito may maaring magdulot na tayo ay: maainis, madepress, magalit, atbp. Ang mga maling gawi na ito ay natutunan natin at hindi naman natin sinasadya o ginugustong isipin talaga pero naging gawi na nga natin. Dahil ito ay gawi lamang pwede itong mai-tama.

Ang mga Cognitive distortions na ito ay maaring ma-correct/mai-tama sa pamamagitan ng pag-pansin sa ating mga gawi, paglilista, at pag-mu-muni-muni kung paano natin ito maitatama.

Ang mga pinakamadalas na maling gawi ng pagbibigay-kahulugan ay:

  1. “Wala na talaga akong nagawang tama” – BLACK and WHITE THINKING – pag-grupo sa mga bagay sa dalawang mag-kasalungat na pagpipiliian lamang. Gusto niya ako vs galit siya sa akin; Lahat ng gawa ko tama vs lahat na lang mali; matalino siya vs bobo siya. Sa totong buhay maraming mga bagay na hindi mailalagay sa black o white lang, minsan may nakakalimutan tayo o sasabihin natin minsan “tao lang…” hindi natin kailangan maisip na bobo tayo o wala na tayong ginawang tama dahil lang sa nagkakamali tayo.
  2. “Sabi niya sunog ako magluto” – FILTERING – maling gawi na kung saan napapansin lang ang negatibong aspeto at doon lang nag-fofocus. Sabi sa halimbawa sa taas, gusto niya ang tostado pero ang narinig lang ng girlfriend na sinabing sunog ang luto niya.
  3. “Hihiwalayan na ako nito” – CATASTROPHIZING – parating worst-case scenario ang palagay nating mangyayari.

Ang tatlong ito ang mga pinakamadalas natin gawing mga pilipino na maling gawi ng pag-iisip. Ilan pa sa mga Cognitive distortions na ginagawa natin ay:

  1. OVERGENERALIZATION – pag nangyari minsan, parati na lang natin feeling mangyayari ulit sa bawat pagkakataon. Madalas ang mga taong nagkakaroon ng anxiety ay nag-iisip ng ganito. “Hihimatayin ako dun…”
  2. JUMPING TO CONCLUSION – wala pa nga sinasabi pero may interpretasyon na o kahulugan na sa atin. Sa halimbawa sa taas, kunwari walang sinabi si boyfriend, pero nag-isip pa rin siya paulit-ulit na: “sasabihin nito sunog ang luto ko, sasabihin nito…”
  3. DISQUALIFYING THE POSITIVE – sabi ni boyfriend “wow, gusto ko to” tapos ang maiisip pa rin ni girlfriend “nagiging mabait lang siya…”
  4. EMOTIONAL REASONING – “feeling ko ang loser ko, therefore, loser ako.” “nagagalit ako ibig sabihin may ginawa ka ngang mali.” Dahil lamang sa nararamdaman natin nag-co-conclude na tama iyon.
  5. SHOULD STATEMENTS – “DAPAT” “dapat ginawa ko yung hiling niya” “dapat hindi siya masyadong demanding” “dapat huwag siya masyadong sakim”
  6. PERSONALIZATION – bumagsak ang kapatid mo sa school, “wala kong kwentang kuya/ate/nanay/tatay” Inaako mo ang mga pagkakamali ng iba. Hindi lahat ng bagay na mangyayari na mabuti o masama ay sadyang dahil lamang sa iyo kungdi sa maraming kadahilanan.

Paano natin maitatama ang mga ito? Dapat tayo ay mag-lista sa araw-araw ng ating mga pagmumuni muni. Pagkatapos, lagyan natin kung anong cognitive distortion ang ginagawa natin at kung ano ang nararamdaman natin dahil doon. Pagakatapos mag-iisip tayo ng alternatibong paraan ng pag-iisip na mas healthy at makakabuti sa pakiramdam natin at pansinin kung pag ganoon ba ang inisip natin ay hindi na tayo makakaramdam ng masama.

“Marami pa namang pagkakataon sa susunod na makakapagluto ako ng hotdog, mas pag-bubutihin ko na”

“Gusto pala niya ng tustado, tatanungin ko kung gaano ka tustado ang gusto niya”

“Iba-iba pala ang gusto ng tao hahaha yung dati kong boyfriend ayaw ng sunog, ito gusto naman sunog hihihi…”

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Mga Karaniwang Gamot sa Psychiatry

by , on
Oct 16, 2017

Under Construction.

Ano ang mga karaniwang ginagamit na gamot at ano ang mga mabuti at di mabuti (side effects) na naidudulot nila?

Paalala: ang layunin ng akda na ito ay magkaroon ng kaalaman ang mga taong may karamdamang pang-kaisipan at kanilang mga caregivers, hindi para gawin silang eksperto sa mga psychiatric medications.

Mga Grupo ng Psychiatric Medications

Ang mga psychiatric medications ay maigrugrupo sa ilang pamilya. Ngunit (at importante itong maintindihan) hindi nangangahulugan na ito ay maari lamang gamitin sa ganoong pamilya rin ng mga karamdaman. Bakit? Ang mga gamot ay kumakabit sa mga bahagi ng utak na parang susian (ang gamot ang susi) o keyhole upang ibukas ang pinto o isara ang pinto para dumaloy ang signal. Ang mga susian na ito sa utak ay tinatawag na receptors. Ang ibat ibang klaseng susian na ito ay nagkalat sa utak. Minsan ang ibang gamot ay kaya rin kumabit sa susian ng ibang sakit kaya sila rin ay ginagamit.

Ang mga grupo ng gamot na ating tatalakayin ay:

  • Anti Psychotics
  • Anti Depressants
  • Mood Stabilizers
  • Pampatulog

Anti Psychotics

Layunin: mawala o mabawasan ang psychosis – hallucination (Basahin:) at delusions.

Mga karaniwang halimbawa: Risperidone, Olanzapine, Clozapine, Aripiprazole, Amisulpride

Iba pang gamit: maari rin gamitin ang mga antipsychotics sa: autism at adhd, dementia, mga nag dedeliryo, bipolar at depressed kung kailangan kontrolin ang kanilang pagiging agresibo o pag may kaunting hallucination na nahahalo o bilang pampatulog.

Ang mga anti Psychotics ay kumakapit sa mga dopamine receptors(susian) para isara ang pinto at hindi makapasok ang dopamine.

Ang dopamine ay isang “neurotransmitter.” Ang mga neurotransmitter ay chemical na ginagamit ng utak para magpadala ng signal. Kunwari may nililigawan ka papadalan mo ng bulaklak. Alam niya na may ibig sabihin iyon. Sinasabing sobra ang dopamine sa ilang parte ng utak kung may psychosis. Ang antipsychotics ay ipipinid ang pinto para hindi makaraan ang dopamine at makapagdulot ng psychosis.

Ano ang kaibahan ng mga iba’t ibang anti Psychotics?

Risperidone – mataas ang dopamine activity. Maaring gamitin sa mga bata at matanda sa mababang dose kumpara sa ibang mga ka-grupo nito.

Olanzapine – nakakaantok, nakakataba, nakaka lakas kumain, nakaka lala ng diabetes, maaring makapag trigger ng epilepsy

Clozapine – karaniwang nirereserba sa mga malalang kaso ng psychosis o matagal ng karamdaman na nakasubok na ng ibang gamot na nabawasan na ng bisa. Ginagamit din sa mga suicidal. Nakaka-antok, nakakataba, at nakaka-lakas kumain rin.

Aripiprazole – swabe ang epekto sa dopamine. Bahagya lamang “mag-sara” ng pinto.

Amisulpride

Anti-Depressants

Layunin: tumaas ang mood

Mga Karaniwang Halimbawa: Escitalopram, Sertraline, Fluoxetine, Paroxetine

Iba pang gamit: Ginagamit din ang mga gamot na ito sa Anxiety(Nerbiyos) at OCD (Obsessive Compulsive Disorder)

Ang mga anti-depressants ay kumakapit sa Serotonin receptors. Ang serotonin ay sinasabing mababa sa ilang lugar sa utak kung ang tao ay depressed. Tumataas ang availability ng serotonin sa utak sa pamamagitan ng mga makabagong anti-depressants. Ang mahirap ay mabagal bago ito tumalab, mga 2 hanggang 3 linggo bago magsimulang tumalab ang mga gamot na ito. Magtataka ang mga pasyente kung hindi maipapaliwanag kung bakit matagal bago makaramdam ng ginhawa.

Ano ang kaibahan ng mga anti-depressants?

Escitalopram – mas safe sa mga matatanda o maraming iniinom na gamot, mas konti ang inter-aksyon sa ibang mga gamot.

Sertraline – ginagamit rin sa anxiety

Fluoxetine – matagal ang buhay (duration of action)

Paroxetine – nakaka-antok

Mood Stabilizers

Layunin: dalhin sa gitna ang mood. Hindi masyadong low-batt (depressed), hindi rin hyper (manic)

Mga Karaniwang Halimbawa: Lithium, Valproate (Divalproex Sodium or Sodium Valproate+Valproic Acid), Lamotrigine

Iba pang gamit: Kombulsyon o epilepsy

Hindi pa matukoy ang partikular na mekanismo bakit gumagana ang mga mood stabilizer. Basta, gumagana sila.

Matagal din sila bago gumana. Ang mga taong sobrang hyper (Basahin: Ano ang Bipolar?) minsan tatagal ng 3 linggo o isang buwan bago humupa ng lubos ang sumpong. Madalas kapag matindi ang sumpong sasabayan ng antipsychotic ang mood stabilizer para mas mabilis humupa ang sumpong, pag kalmado na ang pasyente, iiwanan na lang ang mood stabilizer para gawing maintenance.

Lithium – madaling magkaroon ng side-effect kung di pag-iingatan ang pag-inom. Dapat i-test ang dugo kung tama ang levels tuwing magche-check up para masiguradong tama ang levels. Iwasan ma-dehydrate dahil lalabas din ang mga side effects tulad ng pag sakit ng tiyan (karaniwang unang lalabas), pagkahilo, panginginig, pagkatuyo ng bibig, pagsusuka, di mapakali.

Valproate/Valproic – ito ay makikita sa dalawang formulation: ang Divalproex at and Sodium Valproate. Pareho lamang ito. Magkaiba lamang ng paraan ng pag-absorb. Bawal sa buntis ang Valproic lalo na sa unang ilang buwan, mag-dudulot ito na maging abnormal ang pag-develop ng baby. Safe ito sa mga hindi buntis, hindi lang safe para kay baby.

Lamotrigine – sinasabing mabuti sa mga bipolar depressed. May possibleng side effect na parang nalalaglag ang balat mula sa katawan. Ipapaliwanag ito sa iyo ng doktor.

Pampatulog

Layunin: kumalma ka o makatulog ka

Mga Karaniwang Halimbawa: Zolpidem (Stillnox), Diazepam (Valium), Clonazepam(Rivotril), Alprazolam(Xanor), Bromazepam(Lexotan), —vs—Diphenhydramine(Benadryl), Melatonin (Sleepasil)

Iba pang gamit: para sa nerbiyos, o para sa kombulsyon

Bukod sa Diphenhydramine at Melatonin sa itaas, ang mga binanggit ko ay talagang pampatulog. May mga gamot na may side effect na bahagyang nakaka-antok at ito ay maaring gamitin kahit walang pagkonsulta sa doktor. Ang mga halimbawa ko ay kailangan ng espesyal na reseta para mabili.

Ang mababang dose ng mga gamot na ito ay pampakalma ang mas mataas na dose naman ay pampatulog. Pag ikaw ay umasa lamang sa pampatulog at hindi ginamot ang totoong dahilan ng insomnia o anxiety, hindi mo na matitigilang ang pag-gamit nito at katagalan ay di na ito tatalab. Importante ang pag-uusap niyo ng doktor paano malulunasan ng tuluyan ang nararamdaman mo.

Nagkaka-iba lamang ang mga gamot na ito sa tagal ng epekto nila (ilang oras). Alam ng doktor mo ang akma sa iyo na gamot.

Ang dipehnhydramine ay anti-allergy na gamot na nakaka-antok kaya pwedeng gamitin na pampatulog. Ito ay over-the-counter na gamot.

Ang melatonin ay isang chemical na meron tayo sa utak, habang umaandar ang oras, dumadami ito sa ating utak habang papa-gabi. Pag sapat na ang dami nito, aantukin tayo. Isa itong supplement at over-the-counter na mabibili. Kung hindi melatonin ang problema mo, siyempre hindi ito tatalab.

PAALALANG MULI: Ang mga paliwanag ay payak/simple. Hindi layunin ng akda na ito na maging detalyado at maipaliwanag ng husto ang mga bagay bagay tungkol sa psychiatric medications.

Mga Side-Effects ng Gamot

Tandaan, sa pagbabasa ng pabalat ng gamot, maraming nakalistang side-effects ng mga gamot. Madalas rin tanungin ng mga pasyente at kasama nila ano ang mga side-effects ng isang partikular na gamot. Hindi awtomatiko na mararanasan ng bawat pasyente ang mga nakalistang side-effects.

HINDI AWTOMATIKO NA MARARANASAN NG BAWAT PASYENTE ANG MGA NAKALISTANG SIDE-EFFECTS.

Ito ay mga “possibleng” side-effects lamang. Sa mga pag-aaral iba-iba ang porsyento/chance/tsansa na lumabas ang mga ito at ito ay depende sa maraming kadahilanan.

Hiyang-Hiyang sa Gamot

Totoo ito. Ang tawag sa konseptong ito ay “pharmacogenomics.” Ibig sabihin, maaring kahit parehong generic minsan may partikular na “brand” o gamot na mas “hiyang” sa iyo. Ibig sabihin din, kung ikaw ay may kamag-anak na may kaparehong sakit at gumana ang isang gamot sa kaniya, mataas ang porsyento na tatalab din ito sa iyo. Dapat rin tandaan na kung may ok na brand sa iyo ng gamot, huwag papalit palit ang bibilin mo hanggat maari.

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Ano ang Panic Disorder?

by , on
Sep 19, 2017

Ano ang Panic Disorder?

Ang Panic Disorder ay isang karamdamang pang-kaisipan (mental disorder) kung saan may paulit-ulit o pasumpong-sumpong na atake ng panic — Panic Attacks (sobrang nerbiyos). Isa itong uri ng Anxiety Disorder (Basahin: Ano ang Anxiety Disorder?). Ang Panic attack ay karaniwang biglang darating ng isang bugso, palala ng palala sa ilang minuto lang, na parang pakiramdam mo ay aatakihin ka na o mamatay.

Karaniwan, may kaakibat pa itong ibang pisikal na sintomas tulad ng: palpitations (kumakabog ang dibdib, nararamdaman ang tibok ng puso, mabilis ang tibok); pinagpapawisan ng malamig/malapot, nanginginig/nangangatog; hindi makahinga; sumasakit ang dibdib/nagsisikip ang dibdib; parang nasusuka o sumasakit ang tiyan; parang hihimatayin; nanlalamig; namamanhid ang ilang bahagi ng katawan; at parang nangingilo ang mga kamay o paa. Karaniwan rin, pakiramdam mo para ka ng “mababaliw” o “bibigay na” o “feeling ko mamatay na ako.” Karaniwan, apat dito sa nakalista ay meron sa isang taong nagkakaroon ng panic attack.

Kapag nagkakaroon ka ng mga ganitong atake, lalo na kung dumadalas na, nag-aalala ka parati kung kailan ito ulit darating at gumagawa ka ng mga paraan dahil natatakot ka na dumating ito. Minsan ayaw mo na lumabas dahil baka atakihin ka kung saan na walang makakatulong sa iyo.

Ano ang kaibahan ng Panic Disorder sa ibang mga Anxiety Disorder?

Karaniwan, walang trigger ang mga panic attack talagang dumarating lang ito ng pabugso-bugso ng walang trigger o ispesipikong (specific) dahilan.

Marami bang tao ang may Panic Disorder?

Opo. Nakakagulat na maraming Pilipino na may Panic Disorder, matapang lang ata tayo o takot kumonsulta kaya madalas kung kaya pa hindi pupunta sa doktor. Kahit mga lalaki ay nagkakaroon rin nito. May mga pasyente po akong mga messenger, pintor, at mga nagoopisina na may panic disorder.

Nagagamot po ba ang Panic Disorder?

Oo. Sa pamamagitan ng gamot (anti-anxiety) at psychotherapy. Hindi po agad-agad nawawala ang mga sintomas pero mataas ang tsansa ikaw ay gumaling.

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Ano ang Anxiety Disorder?

by , on
Sep 19, 2017

Ano ang Anxiety Disorder?

Ang Anxiety Disorder ay isang grupo ng karamdamang pang-kaisipan (Mental Disorder) kung saan ang tao ay nakakaramdam ng pagkabalisa, kaba o nerbiyos (nervousness) sa mga bagay na maaring nakikita o nararanasan sa totoong buhay, o mga bagay na paulit-ulit nilang naiisip.

Maraming mga karamdaman na kabilang sa grupo ng Anxiety Disorders. Ang mga halimbawa ay: Social Anxiety (Takot na makisalamuha sa ibang tao o mag-tanghal — halimbawa: mag-recite sa harap ng klase); Phobia (nakaka-paralisang takot sa isang bagay — halimbawa: Phobia sa paglangoy); o Panic Disorder (sobrang balisa o kaba na umaatake na lang bigla). Isa isa nating tatalakayin ang mga ito sa iba pang mga posts.

Basahin: Ano ang Panic Disorder?
Basahin: Ano ang Social Anxiety?
Basahin: Ano ang Phobia?

Kailangan ko na bang magpunta sa Psychiatrist?

Kung ang nararamdaman mong kaba ay nakaka-apekto sa mga gawain mo sa araw-araw (halimbawa: di ka na makasakay ng jeep dahil sa takot na atakihin ka ng nerbiyos), mas makakabuti na kumonsulta ka sa mental health professional para ikaw ay matulungan.

Nagagamot ba ang Anxiety Disorder?

Oo. Maraming paraan na ito ay magamot. Ang kombinasyon ng oral medications (tableta, etc) at psychotherapy lalo na ang CBT (Cognitive Behavioral Therapy, isang pamamaraan ng psychotherapy, ay maganda ang epekto para matalo ng isang tao ang kanyang anxiety).

Baliw ba ang mga taong May Anxiety?

Hindi po. Malayong-malayo po sa baliw. (Basahin: Ano ba yung baliw?!)

Nakakahawa po ba ang Anxiety Disorder?

Hindi.

Namamana po ba ang Anxiety Disorder?

Karaniwan, marami sa pamilya ang nerbiyoso rin. Hindi namamana ang sakit mismo kungdi ang potensyal. Mataas ang tsansa (chance) kung meron kang first-degree relative (magulang, kapatid) na merong diagnosed na Anxiety Disorder. Dahil may genetic component (Lahi) ang Anxiety Disorder, kung may partikular na gamot na hiyang sa iyong kamag-anak na may Anxiety, mataas ang tsansa na ito ay maging epektibo rin sa iyo.

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================