Ano ang Anxiety Disorder?
Ang Anxiety Disorder ay isang grupo ng karamdamang pang-kaisipan (Mental Disorder) kung saan ang tao ay nakakaramdam ng pagkabalisa, kaba o nerbiyos (nervousness) sa mga bagay na maaring nakikita o nararanasan sa totoong buhay, o mga bagay na paulit-ulit nilang naiisip.
Maraming mga karamdaman na kabilang sa grupo ng Anxiety Disorders. Ang mga halimbawa ay: Social Anxiety (Takot na makisalamuha sa ibang tao o mag-tanghal — halimbawa: mag-recite sa harap ng klase); Phobia (nakaka-paralisang takot sa isang bagay — halimbawa: Phobia sa paglangoy); o Panic Disorder (sobrang balisa o kaba na umaatake na lang bigla). Isa isa nating tatalakayin ang mga ito sa iba pang mga posts.
Basahin: Ano ang Panic Disorder?
Basahin: Ano ang Social Anxiety?
Basahin: Ano ang Phobia?
Kailangan ko na bang magpunta sa Psychiatrist?
Kung ang nararamdaman mong kaba ay nakaka-apekto sa mga gawain mo sa araw-araw (halimbawa: di ka na makasakay ng jeep dahil sa takot na atakihin ka ng nerbiyos), mas makakabuti na kumonsulta ka sa mental health professional para ikaw ay matulungan.
Nagagamot ba ang Anxiety Disorder?
Oo. Maraming paraan na ito ay magamot. Ang kombinasyon ng oral medications (tableta, etc) at psychotherapy lalo na ang CBT (Cognitive Behavioral Therapy, isang pamamaraan ng psychotherapy, ay maganda ang epekto para matalo ng isang tao ang kanyang anxiety).
Baliw ba ang mga taong May Anxiety?
Hindi po. Malayong-malayo po sa baliw. (Basahin: Ano ba yung baliw?!)
Nakakahawa po ba ang Anxiety Disorder?
Hindi.
Namamana po ba ang Anxiety Disorder?
Karaniwan, marami sa pamilya ang nerbiyoso rin. Hindi namamana ang sakit mismo kungdi ang potensyal. Mataas ang tsansa (chance) kung meron kang first-degree relative (magulang, kapatid) na merong diagnosed na Anxiety Disorder. Dahil may genetic component (Lahi) ang Anxiety Disorder, kung may partikular na gamot na hiyang sa iyong kamag-anak na may Anxiety, mataas ang tsansa na ito ay maging epektibo rin sa iyo.
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP, FPPA
Department of Psychiatry
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.