Karaniwan sinasabi na kapag nagpapatingin sa isang mental health professional ay “baliw” ang isang tao. “May tama” “May sayad,” at iba pa. Pero, ano nga ba yung ibig sabihin ng baliw??
Ang pinaka tinutukoy ng katagang baliw karaniwan ay ang mga pasyente na may Schizophrenia na malala (Basahin: Ano ang Schizophrenia?). Sila yung mga taong pwedeng maging taong grasa kung di magamot. Sila yung may pscyhotic symptoms na malala.
Ano ang psychotic symptoms?
Ang dalawang pinaka karaniwang halimbawa ng psychotic symptoms ay:
Una, hallucinations – may nakikita o naririnig, o nararanasan na sila lamang ang nakakaramdam. Maaring may naririnig silang boses na nagsasabi ng mga insulto sa kanila o di kaya sinasabing papatayin sila kaya sila naprapraning. (Basahin: Mga halimbawa ng hallucinations) Minsan dahil dito nagkakaroon sila nitong pangalawang psychotic symptom na ang tawag ay…
Ikalawa, delusions. Ang delusions ay mga paniniwalang hindi totoo pero kumbinsidong kumbinsido ang taong meron nito. Halimbawa, pinipilit nila na may masamang balak ang kapit bahay sa kanila o di kaya siya ay pinag uusapan ng lahat ng tao. Karaniwan malalaman na ito ay delusions dahil sa tindi ng pagtatanggol nila ng paniniwalang ito. Ipipilit talaga nila na ito ay tunay. (Basahin: Iba’t-ibang klase ng Delusions)
Pag hindi nagamot, maaring lumala ang psychosis at sila yung tatawaging baliw.
Nakikita ang psychosis sa Schizophrenia. Maari rin ito makita sa depression at bipolar kung sobrang malala ng mood disorder.
(Basahin: Ano ang Depression? Ano ang Bipolar?)
Hindi lahat ng nagpupunta sa psychiatrist ay baliw. Tulad ng hindi lahat ng nagpupunta sa internist ay may cancer. Maraming sakit ang ginagamot ng internist, surgeon, ENT, at Ophtha. Yung mag-asawang may problema sa kanilang lovelife dumudulog sa psychiatrist para sa couples therapy. Di naman sila baliw. Yung matandang may memory gap o nag-uulyanin di naman baliw pero pasyente rin namin. Yung millenial na hirap mag-adjust sa bagong trabaho at sabay na nag-aaral di baliw pero tinutulungan din namin. Yung pulis na may nerbiyos di rin baliw, pasyente rin namin.
Ang mga taong nagsasabing baliw ang nagpupunta sa mental health professional ay dapat turuan upang hindi sila manatiling ignorante dito. Huwag agad pagbintangan na makitid ang utak bagkus bigyan ng pagkakataon na mapaliwanagan. Pabasa ninyo kaya ito sa kanila.
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP, FPPA
Department of Psychiatry
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================