Ikalawang Bahagi – –
Basahin: Paano Malalaman Kung “Mature” ang Isang Tao?
Relationships – Pakikipag-kapwa
Sa usapin tungkol sa Relationships, hindi lamang ito tumutukoy sa mga romantic relationships kungdi sa pakikipag-kapwa sa lahat o ang kapasidad na bumuo ng relasyon sa kaibigan, mga acquaintances (kakilala pero hindi malapit), at kasama nga rin ang mga romantikong relasyon/pag-ibig.
Sa aspetong ito, ang mga bagay na ito ang importanteng isaalang-alang:
- Trust – Tiwala
- Sense of Self and Others –
- Security – Seguridad
- Intimacy – Pagiging Malapit
- Mutuality – Pagbabahagi ng Patas
Trust
Importante sa pakikipag-kapwa ang abilidad na magtiwala sa iba. Ang tiwala ay natututunan natin simula noong tayo ay sanggol pa.
Sense of Self & Other
Ang isang taong mature ay may kakayanan at nakaka-intindi na siya at ang iba ay merong mabuti at hindi magandang mga ugali. Madalas, nakikita natin ang iba o ang ating sarili mismo na “masama talaga ako,” “wala na akong nagawang maganda,” o ang iba, “demonyo ka, wala ka na nagawang maganda,” ngunit sa totoo lang, ang isang tao ay binubuo na meron parehong maganda at hindi mabuting mga ugali at aspeto.
Sa mga taong may sapat na maturity, nakikita nila ang mga tao na merong sariling mga paniniwala, damdamin, emosyon, pangangailangan, at mga dahilan kung bakit nila ginagawa ang mga ginagawa nila. May mga pagkakataon na hindi natin naiintindihan kung bakit ayaw sumama sa libangan natin ang ating mga kaibigan o mahal sa buhay. “Bakit ayaw niya ako samahan manood ng horror movie?” Nakakalimutan natin na sila ay hiwalay na tao at hindi umiikot ang mundo sa atin. Sila ay may mga sariling hilig at damdamin. Ang isang mature na tao ay naiisip at natatanggap ito, at hindi sila madaling masasaktan, at maari nilang maisip, “baka takot siya sa horror, hindi siya nag-eenjoy.“
Security
Ito ay tumutukoy sa pagkaka-intindi na kahit:
- wala sa paligid ang iyong kaibigan o mahal sa buhay
- may hindi pagkakaunawaan
- may iba pang hindi ok sa relasyon
hindi nito ibig sabihin na maglalaho o awtomatikong masisira ang relasyon.
Kung ang tao ay may karakter na pagiging secured, karaniwan sila ay kayang magpanatili ng relasyon kahit na meron isa o ilang bagay na hindi nila partikular na gusto tungkol sa isang tao. Meron silang ilang mga relasyon mapa-kaibigan, pag-ibig, o acquaintance na tumagal, at naglalaan sila ng panahon at enerhiya sa pakikipag-kapwa para mapanatili ang kanilang relasyon.
Intimacy – Pagiging Malapit
Ang pagiging malapit na tinutukoy sa intimacy ay hindi lamang sa aspetong sekswal kungdi ang abilidad natin na makapag-bahagi tungkol sa ating sarili, sa ating mga nararamdaman, sa ating mga karanasan, mga gusto at minimithi, at mga kabiguan (disappointments).
Kung ang relasyon natin sa isang kaibigan o mahal sa buhay halimbawa ay mature, nasa level ito na nakakapagbahagian tayo ng ilang bagay tungkol sa ating sarili. May mga pagkakataon na isang aspeto lang ang ating naibabahagi, halimbawa, mga karanasan natin naikwekwento natin sa mga kaibigan, at ang iba naman ay naibabahagi natin sa ating romantic partner, at ito ay ok lang. Siempre, ang pagiging malapit natin sa iba ay nakasaalang-alang sa level ng tiwala natin sa tao. Kasama ang kapasidad nating kumilatis kung katiwa-tiwala ang isang tao para tayo ay makipag-kapwa sa kanila kung tayo ay magbabahagi ng tungkol sa ating sarili at sa level of maturity natin bilang isang tao.
Mutuality
May mga taong “take ng take,” sa isang relasyon. Karaniwan sa mga taong ito na mababa ang kapasidad na makaramdam kung ano naiisip at nararamdaman ng iba (empathy). May mga taong bigay rin naman ng bigay. Pareho itong hindi “matured” o “healthy.” Ang isang relasyon ay dapat may balanseng pagtanggap at pagbibigay.
Tinitimbang natin sa pangkabuuan ang mga tinatalakay natin tungkol sa ating sarili at relasyon at ang mga susunod pa nating tatalakayin kung ang isang tao ay may sapat na maturity o wala. Walang iisang criteria o pamantayan o bilang para masabi na ikaw ay matured o hindi kungdi, kung mas maraming bagay na nagtuturo na ikaw ay may maturity, ikaw ay matured. Maari rin na halimbawa ikaw ay matured sa iyong pagkakakilala sa sarili ngunit kulang sa maturity sa pakikipagkapwa.
Sa susunod, tatalakayin pa nating ang iba pang mga aspeto.
Abangan: Huling Bahagi – – Adapting, Cognition, Work & Play
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP, FPPA
Department of Psychiatry
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================