Pinoy Mental Health Blog

Ano ang mga gingawa natin kapag na stre-stress? Mga bagay para gumaan ang pakiramdam natin. Ang tawag sa mga ito ay mga Coping Mechanisms. Sinasadya natin ang mga ito para mabawasan ang bigat ng mga bagay na ting iniisip o nararamdaman. Ano ang mga halimbawa ng mga ginagawa niyo kapag na-strestress? Ang iba eh nakikinig ng music, o tumatawag sa kaibigan para maglabas ng sama ng loob (venting, sa ingles).

Ang kailangan natin malaman dito ay meron tayong coping na maituturing na “healthy” at meron ding hindi masyadong healthy.

Mga halimbawa ng healthy coping:

  • Ibuhos ang frustration sa gym o mag jogging
  • Magluto
  • Maglinis
  • Pagbaba ng expectations
  • Panghihingi ng tulong
  • Pagset ng takdang oras para talaga magplano at magproblem solving
  • Makipag usap sa mga kaibigan at mahal sa buhay
  • Pag subok ng bagong bagay sa buhay
  • Magbalik loob sa pagiging spiritual o religious

Mga halimbawa ng unhealthy coping:

  • Labis na pagkain
  • Bisyo – manigarilyo ng mas marami pag nastrestress, mag-lasing, mag punta sa casino at ubusin ang pera
  • Maging sexually adventurous, ipanganib ang sarili sa pakikipag sex sa mga hindi kakilala (casual sex o meet-ups)
  • Pagkukulong

Pero minsan mahirap timbangin kung ang isang paraan natin ng coping eh maituturing na healthy o hindi dahil hindi masyadong obvious kung ito ay nakakasama sa atin kung parati nating ginagawa ito. Halimbawa: Pag-ako ng responsibilidad. Minsan ito ay naabuso. Pag-kain sa labas o pagshoshopping. Minsan hindi natin napapansin na lumalabis ang gastos natin sa kakayanan natin. Pagmomobile games. Una harmless, pero pag napasobra minsan wala na tayo natatapos.

Subukan mong mag imbentaryo kung ano ang mga ginagawa mo pag nastre-stress. Mabuti na dapat tayo ay may mahabang listahan ng mga bagay na pwede natin gawin kapag nastrestress. Pag hindi gumana ang isa, subukan ang iba. Minsan kaya tayo napupunta sa puntong pakiramdam natin ay wala na tayong ibang choice sa buhay natin ay dahil hindi natin pinaghahandaan ang mga oras na hindi tayo ok, na dumarating naman sa lahat. Pinagwawalang bahala natin ang mga oras na “ok” tayo. Ito ay panahon para mag muni-muni at alamin ano ang mga healthy coping natin.

Ano ang kaibahan ng Coping Mechanisms sa Defense Mechanisms? Ang mga Defense Mechanisms ay mga bagay na madalas hindi natin alam na ginagawa natin para mabawasan ang mga bagay na mabigat nating iniisip o nararamdaman. Tinatawag na “Unconscious.”

Halimbawa, minsan kapag napagalitan tayo sa trabaho o eskwela, pag-uwi natin at binati tayo ng ating nakababatang kapatid o nanay, bigla natin sila nasusungitan. Babatiin nila tayo, o bakit ang sungit mo. Hindi natin sinasadya na naipapasa natin ang naramdaman nating hindi maganda sa kanila. Ang tawag dito ay: Displacement.

Kung may healthy at unhealthy Coping Mechanisms, meron rin ang Defenses. Pwede rin silang tawaging mature at immature Defense Mechanisms.

Isa sa mga karaniwang immature defense mechanism ay ang “Acting Out.” Ito ay pagwawala, pagsisigaw, pagdadabog, pag hindi maganda ang pakiramdam, naiinis, di nakuha ang gusto, o frustrated. Makikita dito bakit tinatawag na immature defenses ang mga ito, dahil ito ay gawain an ok lang sa bata pero hindi kung ikaw ay may edad na. Kung bigla ka magwala sa gitna ng mall, siempre iisipin ng mga tao ay kakaiba ang iyong kinikilos.

Halimbawa ng Healthy/Mature Defenses:

  • Sublimation – hindi natin alam na nagsisipag tayo para mawala sa isip natin ang gumugulo sa isip natin. Pagfofocus sa trabaho o career, Pagfocus sa self improvement. Ito ay magiging defense at hindi coping kung hindi tayo aware na ginagawa natin ito dahil may gumugulo pala sa isip natin na hindi natin alam.
  • Humor – gagawing katatawanan ang hindi magandang bagay. Nadapa ka sa gitna ng office. Nag joke ka nalang “Haha ang dami kong nahuling isda!” Para mabawasan ang pagkapahiya. Imaginin ang isang taong hindi mature ang defenses. Pag natawa yung mga ka opisina niya magwawala siya at magmumura at tatabigin ang mga gamit. “Putang Ina niyo, bakit niyo ako pinag tatawanan!!!”
  • Altruism – pag gawa o pag sisilbi sa iba para mabawasan ang mga mabibigat na iniisip o pakiramdam. Halimbawa ang pagvovolunteer sa simbahan o sa orphanage. Halimbawa, isang may edad na babae ay namatayan ng asawa sa cancer. Ang ginawa niya ay nagvolunteer siya sa cancer society o sa ospital para tumulong at kumausap ng mga pamilya na nakakaranas ng kalungkutan dahil sa cancer. Napaka mature at healthy na paraan ng pag-harap sa sariling pighati.
  • Asceticism (mahirap banggitin hahaha) [[asetisisim]] – parati natin tong ginagawa. Kunwari nasa mall ka may nakita kang sapatos na maganda pag tingin mo napakamahal pala ng presyo. Sasabihin natin bigla sa sarili natin, “Ay hindi naman maganda haha, hindi bagay sa kin.” Ang Asceticism ay pag tanggal ng mga bagay o character ng isang bagay na magaganda para maging katanggap tanggap na ito ay hindi natin makuha o hindi tayo masunod.
  • Suppression (natatangging defense mechanism na sinasadya, ginagawa natin consciously) – sadya natin hindi muna iisiping ang stressful na bagay. “Teka, tatapusin ko muna itong duty ko, hindi ko muna haharapin yang sinabi mong nawala mo yung bigay kong kwintas.”
  • Anticipation – paghahanda sa mga possibleng mangyari bilang paraan sa pagharap sa stress.

Halimbawa ng Unhealthy/Immature Defense:

  • Acting Out
  • Displacement
  • Passive Aggression – pagpapakita ng inis o galit sa pamamagitan ng mga bagay na “hindi natin ginagawa” kumpara sa mga harpang pagpapakita ng galit. Halimbawa, hindi mo kakausapin ang iyong boyfriend, bahala siya i-figure out kung bakit ka galit. Makikitang hindi ito mature. Parati mo nakakalimutan dalin ang hinihiram ng kaibigan mong bagay. Baka unconsciously, hindi mo talaga gusto ipahiram dahil sa isang dahilan na hindi mo masyadong alam. Isa itong paraan ng papakita ng aggression na hindi obvious.
  • Regression – pag balik sa parang bata na pagkilos. Pagyakap sa unan, namamaluktot sa kama. Pag thumb suck. Pag kagat ng mga lapis o ballpen.
  • Fantasy – pangangarap na nanalo ka sa lotto, o character ka sa anime
  • Projection – “Bakit ba galit na galit ka sa akin?” Yun pala siya pala ang galit sa iyo. “May crush ka siguro sa akin ano?!” Hahaha
  • Denial – hindi pagtanggap ng realidad. “Hindi. Hindi tayo naghihirap!”

Magshare naman kayo sa comments ng mga halimbawa ninyo.

Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist

Leave a Reply

Your email address will not be published.