Pinoy Mental Health Blog

Ang Halaga ng Mental Health Treatment

by , on
Jul 20, 2018

The (Financial) Burden of Mental Health Care in the Philippines

Sensitibong topic parati at madalas nahihiya ang mga tao na magtanong kung magkano ba talaga ang kailangan para mapangalagaan ang kanilang kalusugang pang-kaisipan(Mental Health). Madalas, ako mismo ang nagbribring up at direktang nagtatanong kapag patapos na ang unang konsultasyon, at naibahagi ko na ang nirerekomenda kong strategy ng gamutan, kung ang gamot ba na aking napili ay “affordable” para sa pasyente.

Magkano ba talaga ang kailangan para makapagpacheck-up ng mental health. Ang simpleng sagot: DEPENDE sa setting.

Konsultasyon

  • Private Consultation: Depende sa lugar, mura na ang 1,000 pesos na unang konsulta at 700 na follow-up. Karaniwan nasa mga 2,500 average para sa isang oras.
  • NGO: Katulad ng PMHA (Philippine Mental Health Association sa East Avenue) Meron silang social worker na titimbang ng kakayanan mo magbayad.
  • Government OPD: Minimal na bayad (300-100 or less) o madalas libre.
    • Aling Government hospitals ang may mura/libreng mental health professionals o Psychiatry Units?
      • PGH – Philippine General Hospital
      • Jose Reyes Memorial Medical Center
      • National Center for Mental Health
      • Rizal Medical Center
      • Quirino Medical Center
      • Amang Rodriguez Memorial Medical Center
      • Cavite Center for Mental Health
      • Quezon City General Hospital
    • Mga Private Teaching Hospitals na may out patient services (mura/minimal fee) – Tandaan: may mga trainee na doktor (intern/medical clerks/residents) na magiinterview sa iyo sa mga Private Teaching Hospitals. Huwag mangamba, sila ay sinusupervise ng mga consultants/senior residents. Walang magiging magaling na doktor kung hindi sila magsasanay, isipin na ikaw ay nagbabahagi ng kaalaman sa kanila.
      • UST
      • UERM Memorial Medical Center
      • The Medical City
      • FEU-NRMF

Nakakalungkot lang kung minsan na ang mga taong may kapasidad naman magbayad at nakakagastos para sa mga bagay na mukhang di naman kasing importante ng kanilang Mental Health, ay umaagaw ng oras sa mga totoong indigent na pasyente sa mga government OPD. Sila pa karaniwan ang kumakain ng maraming oras kumpara sa mga totoong nangangailangan ng libreng serbisyo ng gobyerno.

 

Mga Gamot

Marami ang nangangamba na mahal ang gamot na para sa depression, o schizophrenia, at iba pang mental health conditions. Marahil, totoo ito sa puntong, kadalasan kinakailangan na inumin ng matagal na panahon (buwan) o minsan gawing maintenance ang mga gamot na ito, ngunit, ang kadalasan kong sinasabi sa aking mga pasyente: “Ano ba ang halaga ng iyong Peace of Mind?” Isa pa, marami ng available na Generic brands na epektibo naman at ligtas. Sinasabi ko rin nga sa aking mga pasyente: “Minsan mas hiyang pa ang isang tao sa mas affordable na brand. Que colgate o happee toothpaste pareho lang pong nakakalinis ng ipin.”

Mga halimbawa ng mga gamot:

  • Antidepressant/Anti-anxiety: Branded: higit sa 50 pesos ang isa, Generic: 19 pesos ang pinakamurang alam ko.
  • Antipsychotic (new generation): Branded: higit sa 70 pesos ang isa, Generic: 40 pesos
  • Antipsychotic (old generation halimbawa: laractyl, thorazine): mura lang, generic minsan less than 10 pesos, malakas ang side-effect.
  • Antipsychotic injectible/depot: bisa ay mula 2 linggo hanggang isang buwan o higit: mula sa 100+ pesos (lumang klase) hanggang sa 10,000 pesos higit pa sa new generation (Sustenna).
  • Mood Stabilizer: Branded: higit 60 pesos ang isa, Generic merong nasa mga halagang 20 pesos lang.

Importante ring malaman ng mga pasyente at kamag-anak na pwedeng humingi ng tulong para sa gamot sa mga iba’t-ibang ahensiya katulad ng DSWD, PCSO, o mga lokal na pamahalaan. Namamahagi sila ng voucher na pwede ninyo ibili ng gamot. Kailangan lang ninyo ng medical abstract mula sa inyong mga doktor at certificate of indigency galing sa inyong barangay.

Pahabol na payo: Huwag mahiyang magtanong sa inyong doktor tungkol sa mga halaga ng gamot na nirereseta sa inyo, tanungin kung may mairerekomenda ba na mas affordable at epektibo naman na version. Pag follow-up banggitin kung ano ang brand na nabili niyo o nirekomenda ng pharmacist sa inyong doktor. Magtanong. Hindi po maooffend ang inyong doktor sa mga tanong tungkol sa presyo. Naiintindihan po namin ang kalagayan ng lahat. Trabaho po namin yun.


Edit #1: July 22, 2018

Admission sa Ospital

Kung sa pagkakataon na kailanganin ma-admit para obserbahan o para mapa-hupa ang sumpong ng ibang mental health conditions, karaniwang may gastos din.

  • Kuwarto: depende sa klase ng hospital, sa government hospital, maaring ma-cover ng philhealth ang kwarto kung nasa loob pa ng 45 days per year na alloted na libreng room cost. Kung sa private admission o semi-private, magsisimula ito sa mga 700 pesos per day pataas.
  • Professional Fee ng doktor: Sa government, maaring malibre, covered ng philhealth. Sa private setting, magsisimula sa 1,000 per day ang charge.
  • Gamot habang nasa hospital: Sa government, kung available ang gamot sa hospital, maari rin itong ma-cover ng philhealth. Kung sa private, depende sa hospital, maari itong i-charge sa iyong final bill o pwede ring itanong kung pwedeng bibilhin na lang ang gamot sa labas.
  • Custodial Care/Homecare/Pa-alaga: Ang ibang pasyente na may matagal ng karamdaman sa pag-iisip at bumaba na ang functioning ay maari ring ilagak sa isang custodial care facility. Ito ay para makapagtrabaho ang mga kamag-anak, dahil walang maiiwan na kasama nila sa bahay. May mga homecare facility na magsisimula ang bayad sa mga 12-15k per month, kasama ang board and lodging at ang once a month na check-up ng doktor sa loob ng pasilidad, ang mga gamot ay karaniwan naka-atang pa rin sa mga kamag-anak. Sa mas matataas na halaga, maari ring masama na rin ang gamot. Depende rin ito sa mga amenities ng pasilidad. Sa aking mga nakikita, ang mga homecare facilities na nasa mga 25k pataas per month, ay maayos na maayos na ang hitsura. Mga professional ang mga magbabantay sa mga pasyente at rehistrado sa department of health ang mga pasilidad na ito.

–Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist