Pinoy Mental Health Blog

Self-Harm at Suicide

by , on
Oct 16, 2017

Galing ang salitang Suicide sa mga Latin na kataga na nangangahulugang: [sui] – sarili/pansarili at [cida] – ang pumatay/ang kumitil. Literal na ang ibig sabihin ay ang pag-kitil ng sariling buhay. Ang mga taong sumasagi sa isip ang suicide ay pwedeng, iniisip lamang ito, at iniisip ng matagal, minsan buong buhay, ngunit hindi ito magawa o gagawin, at ang iba naman na nagagawa ito sa isang-kisap mata lang. Ang importanteng maintindihan tungkol sa suicide ay: (1) Una, madalas, ito ay dulot ng isang mental health issue, karaniwan ay depression, at (2) Ikalawa, ito ay nagagamot sa pamamagitan ng psychotherapy (talk-therapy) at anti-depressants(gamot).

Tatlong beses na mas madalas mag-tangka ang mga babae na mag suicide kesa lalaki ngunit apat na beses na mas madalas ang mga lalaki na maisakatuparan ito. Ito ay dahilan sa paraan ng pagtatangka. Madalas ang mga kalalakihan ay gagamit ng baril, pagtalon, o pagbigti, at ang mga ito ay lubos na nakamamatay. Mas bihira ang mag-suicide sa mga teenager, ngunit sa mga nakaraang taon, pataas ng pataas ang bilang nga mga teenagers na nagkakaroon ng pagtatangka o natutuloy ang suicide. Sa mga lalaki, mataas ang bilang na natutuloy na suicide pagkatapos ng edad na 45, at sa mga babae pagkatapos ng edad 55. Ibang mga bagay na nagpapataas ng risk ng suicide ay: walang asawa (kasama ang pagiging hiwalay, diborsaydo, o balo), mataas na antas ng social status o biglang pag-baba ng social status, pagkakaroon ng mental health issue hindi lamang depression.

Ang pinakamataas na risk factor na makapagsasabi sa atin na ang isang tao ay magtatangka na mag-suicide ay ang history na nagkaroon na ng pagtatangka noon. Mas madalas na pagtatangka, mas mataas ang chance na ito ay maganap muli.

Ang mga Mood Disorders (Basahin: Ano ang Depression? Ano ang Bipolar?) ay ang pinakamadalas na dahilan na mag-suicide ang isang tao. Ang social isolation ay nagpapalala ng suicidal tendencies ng isang Depressed. Tandaan na hindi porke’t may nakapaligid na tao sa isang taong depressed ay hindi nila pakiramdam na isolated sila. Maari ring magkaroon ng suicide sa mga taong nakakaranas ng Schizophrenia (Basahin: Ano ang Schizophrenia?), kung minsan, ito ay utos ng kanilang mga bulong (hallucinations), o nagkakaroon rin sila ng depression bukod pa sa schizophrenia dahil sa isolation na kanila dinaranas. Mataas din ang bilang ng mga taong sobrang lasing o high sa drugs na nagpapakamatay. Maaring may dinadala sila ngunit hindi naman talaga magtatangka pero nung naka-inom o high at nagkasabay na sumagi sa isip nila ang suicide ay naitutuloy nila.

Bakit Nakakaisip ang Tao na Magpakamatay?

Maraming theories na nagtatangka na magpaliwanag kung bakit nagpapakamatay ang isang tao. Noon, sinasabing ang suicide ay galit sa iba o sa mundo na ibinaling mo sa sarili (anger turned inward). Paano ito nangyayari? Habang tayo ay lumalaki, gumagawa tayo ng mga internal representations ng mga mahal natin sa buhay sa ating isip. Ang mga imahe na ito at konsepto ay dala dala natin buong buhay. Kapag tayo minsan ay nasasaktan ng isang tao, o isang pangyayari sa ating buhay sinasabi na gusto nating burahin o puksain ang imahe na iyon na nasa isip natin nung tao/bagay/pangyayari na iyon kaya ibinabaling natin ang galit sa ating sarili.

Sa mga mas makabagong paliwanag, hindi lang iisang dahilan ang makakapagpaliwanag kung bakit nagpapakamatay o nagsu-suicide ang isang tao. Madalas, ang mga nagtatangka ay may mga nais makaganti, magkaroon ng kapangnyarihan, control, mag-parusa, mag-sisi, isang paraan ng sakripsiyo, makatakas sa problema, simpleng makatulog lang, may mailigtas, ipanganak o magsimula muli (kung naniniwala sa reincarnation), o makapiling muli ang pumanaw na mahal sa buhay. Minsan, ang mga ito ay pantasya, ngunit hindi natin masabi sa mga taong nakakaranas ng kalungkutan halimbawa na hindi nila naisin na makuha ang kanilang mga wish na ito o pantasya. Sa mga pagsasaliksik, ang pinakamadalas na dahilan o trigger ng pagpapa-kamatay lalo na sa mga matagal ng nakaka-isip na gawin ito ay ang pagka-wala ng pag-asa o hopelessness.  Importanent maiparating sa mga taong nakakaisip ng suicide na hindi pa huli at may magagawa pa sa mga suliranin na kanilang dinaranas.

Ano ang Gagawin Ko sa Kaibigan Kong Nagbahagi na Gusto Niyang Magpakamatay?

  • Huwag matakot pag-usapan ang suicide. Maling konsepto na ang pag-tatanong o pag-bring-up ng topic na ito ang magbibigay ng ideya sa tao na mag-tangka. Hindi po. Bagkus, madalas hinihintay lang ng iyong kaibigan na marinig na ok lang sa iyo na ito ay pag-usapan para makapag-share sila.
  • Ungkatin kung ano ang mga detalyadong balak niya, kung meron man. Mas konkreto ang plano ng tao, mas mataas ang chance na baka nga talaga gawin niya ito. Pagkwentuhin o pagsalitain lang sila ng pagsalitain. Baka lumipas rin ang suicidal ideations (pag-iisip tungkol sa suicide) nila.
  • Bantayan sila, huwag iwan, sabihin na hindi mo sila iiwan hanggat may iba na silang makakasama. Hindi masama na ma-asiwa o makaramdam na hindi mo alamg ang iyong gagawin ngunit malaki na iyong naitutulong sa hindi pag-iwan ng iyong kaibigan.
  • Samahan sa kaniyang mga pinagkakatiwalaang family member o therapist. May pagkakataon na ang mismong pamilya ng isang taong suicidal ay hindi supportive sa kanila. Samahan sila at bigyang-diin ang importansya ng bagay na nangyayari.

Ano ang Deliberate Self-Harm?

Ang Deliberate Self-Harm (Pananakit ng Sarili) o tinatawag ding Parasuicidal Behavior ay mga taong sinasaktan ang sarili ngunit hindi naman talaga gusto mamatay. Ang karaniwan gawin ay ang paghiwa sa sarili (cutting behavior). Madalas sabihin ng mga taong gumagawa ng self-harm na hindi sila nakakaramdam ng sakit at ginagawa nila ito upang: makaramdam, maalis ang tension, maalis ang galit sa sarili (bilang parausa) o sa iba. Mataas ang tsansa(chance) na merong personality disorder (Basahin: Ano ang Personality Disorder) ang mga taong gumagawa ng self-harmful behavior.

Ano Ang Gagawing Ko Sa Kaibigan Kong May Self-Harming Behvior?

Ipayo na siya ay magpunta sa Psychiatrist/Psychologist upang mag-psychotherapy (Basahin: Ano ang Psychotherapy?).

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Mga Karaniwang Gamot sa Psychiatry

by , on
Oct 16, 2017

Under Construction.

Ano ang mga karaniwang ginagamit na gamot at ano ang mga mabuti at di mabuti (side effects) na naidudulot nila?

Paalala: ang layunin ng akda na ito ay magkaroon ng kaalaman ang mga taong may karamdamang pang-kaisipan at kanilang mga caregivers, hindi para gawin silang eksperto sa mga psychiatric medications.

Mga Grupo ng Psychiatric Medications

Ang mga psychiatric medications ay maigrugrupo sa ilang pamilya. Ngunit (at importante itong maintindihan) hindi nangangahulugan na ito ay maari lamang gamitin sa ganoong pamilya rin ng mga karamdaman. Bakit? Ang mga gamot ay kumakabit sa mga bahagi ng utak na parang susian (ang gamot ang susi) o keyhole upang ibukas ang pinto o isara ang pinto para dumaloy ang signal. Ang mga susian na ito sa utak ay tinatawag na receptors. Ang ibat ibang klaseng susian na ito ay nagkalat sa utak. Minsan ang ibang gamot ay kaya rin kumabit sa susian ng ibang sakit kaya sila rin ay ginagamit.

Ang mga grupo ng gamot na ating tatalakayin ay:

  • Anti Psychotics
  • Anti Depressants
  • Mood Stabilizers
  • Pampatulog

Anti Psychotics

Layunin: mawala o mabawasan ang psychosis – hallucination (Basahin:) at delusions.

Mga karaniwang halimbawa: Risperidone, Olanzapine, Clozapine, Aripiprazole, Amisulpride

Iba pang gamit: maari rin gamitin ang mga antipsychotics sa: autism at adhd, dementia, mga nag dedeliryo, bipolar at depressed kung kailangan kontrolin ang kanilang pagiging agresibo o pag may kaunting hallucination na nahahalo o bilang pampatulog.

Ang mga anti Psychotics ay kumakapit sa mga dopamine receptors(susian) para isara ang pinto at hindi makapasok ang dopamine.

Ang dopamine ay isang “neurotransmitter.” Ang mga neurotransmitter ay chemical na ginagamit ng utak para magpadala ng signal. Kunwari may nililigawan ka papadalan mo ng bulaklak. Alam niya na may ibig sabihin iyon. Sinasabing sobra ang dopamine sa ilang parte ng utak kung may psychosis. Ang antipsychotics ay ipipinid ang pinto para hindi makaraan ang dopamine at makapagdulot ng psychosis.

Ano ang kaibahan ng mga iba’t ibang anti Psychotics?

Risperidone – mataas ang dopamine activity. Maaring gamitin sa mga bata at matanda sa mababang dose kumpara sa ibang mga ka-grupo nito.

Olanzapine – nakakaantok, nakakataba, nakaka lakas kumain, nakaka lala ng diabetes, maaring makapag trigger ng epilepsy

Clozapine – karaniwang nirereserba sa mga malalang kaso ng psychosis o matagal ng karamdaman na nakasubok na ng ibang gamot na nabawasan na ng bisa. Ginagamit din sa mga suicidal. Nakaka-antok, nakakataba, at nakaka-lakas kumain rin.

Aripiprazole – swabe ang epekto sa dopamine. Bahagya lamang “mag-sara” ng pinto.

Amisulpride

Anti-Depressants

Layunin: tumaas ang mood

Mga Karaniwang Halimbawa: Escitalopram, Sertraline, Fluoxetine, Paroxetine

Iba pang gamit: Ginagamit din ang mga gamot na ito sa Anxiety(Nerbiyos) at OCD (Obsessive Compulsive Disorder)

Ang mga anti-depressants ay kumakapit sa Serotonin receptors. Ang serotonin ay sinasabing mababa sa ilang lugar sa utak kung ang tao ay depressed. Tumataas ang availability ng serotonin sa utak sa pamamagitan ng mga makabagong anti-depressants. Ang mahirap ay mabagal bago ito tumalab, mga 2 hanggang 3 linggo bago magsimulang tumalab ang mga gamot na ito. Magtataka ang mga pasyente kung hindi maipapaliwanag kung bakit matagal bago makaramdam ng ginhawa.

Ano ang kaibahan ng mga anti-depressants?

Escitalopram – mas safe sa mga matatanda o maraming iniinom na gamot, mas konti ang inter-aksyon sa ibang mga gamot.

Sertraline – ginagamit rin sa anxiety

Fluoxetine – matagal ang buhay (duration of action)

Paroxetine – nakaka-antok

Mood Stabilizers

Layunin: dalhin sa gitna ang mood. Hindi masyadong low-batt (depressed), hindi rin hyper (manic)

Mga Karaniwang Halimbawa: Lithium, Valproate (Divalproex Sodium or Sodium Valproate+Valproic Acid), Lamotrigine

Iba pang gamit: Kombulsyon o epilepsy

Hindi pa matukoy ang partikular na mekanismo bakit gumagana ang mga mood stabilizer. Basta, gumagana sila.

Matagal din sila bago gumana. Ang mga taong sobrang hyper (Basahin: Ano ang Bipolar?) minsan tatagal ng 3 linggo o isang buwan bago humupa ng lubos ang sumpong. Madalas kapag matindi ang sumpong sasabayan ng antipsychotic ang mood stabilizer para mas mabilis humupa ang sumpong, pag kalmado na ang pasyente, iiwanan na lang ang mood stabilizer para gawing maintenance.

Lithium – madaling magkaroon ng side-effect kung di pag-iingatan ang pag-inom. Dapat i-test ang dugo kung tama ang levels tuwing magche-check up para masiguradong tama ang levels. Iwasan ma-dehydrate dahil lalabas din ang mga side effects tulad ng pag sakit ng tiyan (karaniwang unang lalabas), pagkahilo, panginginig, pagkatuyo ng bibig, pagsusuka, di mapakali.

Valproate/Valproic – ito ay makikita sa dalawang formulation: ang Divalproex at and Sodium Valproate. Pareho lamang ito. Magkaiba lamang ng paraan ng pag-absorb. Bawal sa buntis ang Valproic lalo na sa unang ilang buwan, mag-dudulot ito na maging abnormal ang pag-develop ng baby. Safe ito sa mga hindi buntis, hindi lang safe para kay baby.

Lamotrigine – sinasabing mabuti sa mga bipolar depressed. May possibleng side effect na parang nalalaglag ang balat mula sa katawan. Ipapaliwanag ito sa iyo ng doktor.

Pampatulog

Layunin: kumalma ka o makatulog ka

Mga Karaniwang Halimbawa: Zolpidem (Stillnox), Diazepam (Valium), Clonazepam(Rivotril), Alprazolam(Xanor), Bromazepam(Lexotan), —vs—Diphenhydramine(Benadryl), Melatonin (Sleepasil)

Iba pang gamit: para sa nerbiyos, o para sa kombulsyon

Bukod sa Diphenhydramine at Melatonin sa itaas, ang mga binanggit ko ay talagang pampatulog. May mga gamot na may side effect na bahagyang nakaka-antok at ito ay maaring gamitin kahit walang pagkonsulta sa doktor. Ang mga halimbawa ko ay kailangan ng espesyal na reseta para mabili.

Ang mababang dose ng mga gamot na ito ay pampakalma ang mas mataas na dose naman ay pampatulog. Pag ikaw ay umasa lamang sa pampatulog at hindi ginamot ang totoong dahilan ng insomnia o anxiety, hindi mo na matitigilang ang pag-gamit nito at katagalan ay di na ito tatalab. Importante ang pag-uusap niyo ng doktor paano malulunasan ng tuluyan ang nararamdaman mo.

Nagkaka-iba lamang ang mga gamot na ito sa tagal ng epekto nila (ilang oras). Alam ng doktor mo ang akma sa iyo na gamot.

Ang dipehnhydramine ay anti-allergy na gamot na nakaka-antok kaya pwedeng gamitin na pampatulog. Ito ay over-the-counter na gamot.

Ang melatonin ay isang chemical na meron tayo sa utak, habang umaandar ang oras, dumadami ito sa ating utak habang papa-gabi. Pag sapat na ang dami nito, aantukin tayo. Isa itong supplement at over-the-counter na mabibili. Kung hindi melatonin ang problema mo, siyempre hindi ito tatalab.

PAALALANG MULI: Ang mga paliwanag ay payak/simple. Hindi layunin ng akda na ito na maging detalyado at maipaliwanag ng husto ang mga bagay bagay tungkol sa psychiatric medications.

Mga Side-Effects ng Gamot

Tandaan, sa pagbabasa ng pabalat ng gamot, maraming nakalistang side-effects ng mga gamot. Madalas rin tanungin ng mga pasyente at kasama nila ano ang mga side-effects ng isang partikular na gamot. Hindi awtomatiko na mararanasan ng bawat pasyente ang mga nakalistang side-effects.

HINDI AWTOMATIKO NA MARARANASAN NG BAWAT PASYENTE ANG MGA NAKALISTANG SIDE-EFFECTS.

Ito ay mga “possibleng” side-effects lamang. Sa mga pag-aaral iba-iba ang porsyento/chance/tsansa na lumabas ang mga ito at ito ay depende sa maraming kadahilanan.

Hiyang-Hiyang sa Gamot

Totoo ito. Ang tawag sa konseptong ito ay “pharmacogenomics.” Ibig sabihin, maaring kahit parehong generic minsan may partikular na “brand” o gamot na mas “hiyang” sa iyo. Ibig sabihin din, kung ikaw ay may kamag-anak na may kaparehong sakit at gumana ang isang gamot sa kaniya, mataas ang porsyento na tatalab din ito sa iyo. Dapat rin tandaan na kung may ok na brand sa iyo ng gamot, huwag papalit palit ang bibilin mo hanggat maari.

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Psychiatry at Mga Pelikula

by , on
Oct 15, 2017

Ilan sa mga pelikula na ito ay may tema na tungkol sa mga karamdamang pang-kaisipan. Ilan ito sa mga minumungkahi ko sa mga estudiante ko na panoorin para mapag isipan nila ang mga tungkol sa iba’t-ibang aspeto ng psychiatry at psychology.

Brothers (2009) – Jake Gyllenhaal, Natalie Portman, at Toby Maguire – Istorya tungkol sa isang sundalo na naging prisoner-of-war (POW) sa middle east. Pag balik niya, nakaranas siya ng PTSD o post-traumatic stress disorder. Kitang-kita sa pag-ganap ni Toby Maguire kung ano ang mga nararanasan ng mga taong dumanas ng traumatic life events.

Silver Linings Playbook

Ipagpapatuloy…