Pinoy Mental Health Blog

Paano Magkaroon ng PWD ID? (Psychosocial Disability)

by , on
Sep 23, 2018

Sino-sino ang may karapatan magkaroon ng PWD ID?

————————————————————————————————–

Para sa mga taong nakakaranas ng mga Mental Health Conditions (Karamdamang Pang-kaisipan), marami ang nagtatanong kung maari ba silang makakuha ng Medical Certificate/Abstract para manging supporting document upang makahingi sila ng PWD ID. Maraming mga impormasyon ang kailangan malaman tungkol sa bagay na ito.

  • Ang karamdaman/kondisyon ko ba ay qualified para magkaroon ng PWD ID?
  • Ano ba ang psychosocial disability?
  • Ano ang mga karapatan o benepisyo ng taong may PWD ID?
  • Saan at paano ako mag-aapply?

1. Ano karamdaman o kondisyon ko ba ay qualified para magkaroon ng PWD ID?

Sa kasalukuyan, sa ating bansa, walang panuntunan (criteria) para ispesipiko na masabi kung anong mga karamdaman na pang-kaisipan o lala (severity) ng mga ito na maaring ma-deklara na disabled. Dahil dito, sa susunod na convention ng mga psychiatrist, ito ay pag-uusapan at pag-meemeetingan upang magkaroon ng pamantayan at uniformity sa pag-issue ng medical certificate for psychosocial disability.

Ang ilan sa mga hindi opisyal na pamantayan na ginagamit ng doktor sa pag-assess kung ang isang tao ay may psychosocial disability ay:

Global Assessment of Functioning (GAF) | Wiki Link |

Personally at bilang propesyonal, dahil walang panuntunan, ginagamit ko ang score na 51 pababa bilang na maaaring ma-konsidera na may psychosocial disability.

Sa pagsalin sa Pilipino:

51-60 Katamtamang mga Sintomas – Katamtamang kapansanan sa  sa pakikisalamuha, trabaho o eskwela (halimbawa: kaunti ang kaibigan, parating nagkakaproblema sa mga katrabaho)

41-50 Seryosong mga sintomas (suicidal, malalang obsessional na mga ritwal) o seryosong kapansanan sa social, trabaho o eskwela (walang kaibigan, hindi mapanatili ang trabaho/parating natatanggal, o hindi talaga makapagtrabaho)

31-40 Kaunting problema sa pagtanggap ng realidad at hirap makipag-usap (illogical, hindi maintindihan, kakaiba ang pananalita, hindi maalagaan ang sarili, hindi makapagtrabaho)

21-30 Halos lahat ng kinikilos ay dulot ng mga delusyon, bulong o, malalang kapansanan sa komunikasyon, pagdedesisyon, o hindi na maka gawa kahit mga simpleng bagay (halimbawa: nasa kama lang buong araw)

11-20 Kaunting panganib na masaktan ang sarili o iba dahil hindi alam ang ginagawa o suicidal o bayolente o wala talagang kakayanan na makipag komunikasyon, paminsan-minsan na hindi mapangalagaan ang pansariling kalinisan

1-10 Lubos na panganib na masaktan ang sarili o ibang tao, madalas na hindi napapangalagaan ang sariling kalinisan.

Malinaw naman siguro kung bakit ang score na 50 pababa ay maaring i-consider na psychosocially disabled.

Sa bagong DSM-5 (ito ay libro kung saan nakikita ang mga pangalan at depinisyon ng mga mental health conditions) merong bagong scale o sukatan na ginagamit para masukat ang disability. Ito ay ang WHODAS 2.0 o WHO Disability Assessment Scale | Link |

Sa aking palagay, ang score na equivalent sa moderate at mas malala pa ay ang maari ring masabing psychosocially disabled.

TANDAAN, hindi base ang pagkadeklara ng psychosocial disability sa ilang mga diagnosis ng mental health conditions kungdi sa level ng functionality ng mga taong dumadanas dito.

Ang mga karaniwang mga karamdaman na nabibigyan ng psychosocial disability ay: Intellectual Disability ( Dating Mental Retardation), Severe/Malalang Schizophrenia, Depression at Bipolar.

2. Ano ba ang psychosocial disability?

Ayon sa depinisyon ng UN | Reference | ang psychosocial disability ay naglalarawan sa mga nararanasan ng tao na may kakulangan o kapansanan na may kinalaman sa kanilang kaisipan na nagdudulot upang mawala/mabawasan ang kakayanan nila na makapag-isip ng malinaw, mapangalagaan ang sarili, at pamahalaan ang kanilang buhay. (Ako lamang ang nag-salin nito)

Maaring uriin ang psychosocial disability bilang: permanente o temporary at Lubos o Bahagya.

  • Complete Permanent (Permanente at Lubos na Kapansanan) – halimbawa: severe intellectual disability, severe autism, disorganized schizophrenia
  • Complete Temporary (Pansamantala pero Lubos Kapansanan) – halimbawa: acute severe manic episode ng Bipolar, severe depressive episode ng Major Depressive Disorder
  • Partial Permanent (Permanente pero bahagysang Kapansanan) – halimbawa: Bipolar in remission, Dysthymia (Subclinical depresion)
  • Partial Temporary (Pansamantala at bahagyang Kapansanan) – halimbawa: Adjustment, Trauma

Sa kasalukuyan, hindi required na uriin kung anong uri ng kapansanan ang meron ang pinagkakalooban ng PWD ID, dahil dito, karaniwan, nagiging permanent disability ID ang naibibigay sa mga tao samantalang may mga ilan na pansamantala lang ang kanilang kasalukuyang kalagayan at dapat lang na baguhin ang kanilang mga estado at karapatan. Ako ay naniniwala na dapat higpitan ang pag-issue at tagal ng validity ng PWD ID upang maproteksyonan ang mga taong talagang deserving ng karapatan ng PWD ID.

3. Ano ang mga karapatan o benepisyo ng taong may PWD ID? | Reference |

Depende sa lugar, minsan may dagdag na benepisyo. Ang ilan sa importanteng mga benepisyo ay:

  • 20% discount sa gamot
  • 20% sa kainan
  • 20% sa transportasyon
  • 20%  sa mga piling grocery items
  • VAT Exempted sa ilang bilihin
  • Automatic Philhealth enrollment
  • Express Lanes sa mga pila
  • Libre sa parking sa ilang QC Malls

4. Saan at paano ako mag-aapply?

Magpunta sa inyong attending doktor, madalas kailangan iyong nakakita na sa inyo ng matagal. TANDAAN: Hindi mag-iissue ang doktor ng medical certificate para sa kapansanan sa pag-iisip na isang beses lang kayo nakausap.

Dalhin ang Medical Certificate sa Barangay at kumuha ng Barangay Certificate at tanungin ang mga susunod na hakbang.

Dalhin ang mga dokumento at 2 piraso na 1×2 ID Picture sa munisipyo/city hall/DSWD at magfill up ng form.

WALANG BAYAD ANG APPLICATION!

Sa kasalukuyan, kada 3 taon ang renewal ng PWD ID.

============

Karagdagang Sangunian (References):

============

PAALALA at DISCLAIMER : Sa layuning maging payak at simple ang mga paliwanag dito, ang references na ginamit ko ay kung maari ay simple rin katulad ng wikipedia. Ang impormasyon dito ay hindi para sa mga propesyonal. Maaring na-oover simplify minsan ang mga paliwanag upang ito ay maadaling maintindihan. Pasintabi po.

============

Sulat ni:
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist
Centuria Medical Makati
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
Veterans Memorial Medical Center

Mga Karapatan ng Pasyente sa Philippine Mental Health Act RA 11036

by , on
Jun 27, 2018

Sinalin ko sa Tagalog ang Mga Karapatan ng mga Mental Health Patients sa ilalim ng Philippine Mental Health Act:

CHAPTER II
MGA KARAPATAN NG PASYENTE AT IBA PA

Section 5. Mga Karapatan ng Service Users (Pasyente). Ang mga Service Users ay makakatamasa ng pantay at walang halong diskriminasyon na mga karapatang ginagarantiya ng Saligang Batas ng Pilipinas, ng UN Universal Declaration of Human Rights, ng Rights and the Convention on the Rights of Persons with Disabilities, at iba pang mga naaayon na International at Regional Human Rights Conventions and Declarations, kabilang ang mga sumusunod:

  1. Kalayaan mula sa social, economic, at political discrimination at stigma, gawa man ng pribado o pampublikong mga tao o institusyon;
  2. Maisakatuparan lahat ng karapatang sibil, political, social, religious, at kultural. Pagrespeto ng pansariling katangian, at abilidad na walang bahid na diskriminasyon sa mga kakulangan(disabilities), edad, kasarian, sexual orientation, lahi at tribo, kulay ng balat, lengwahe or dialekto, relihiyon, at kalagayan sa buhay(social status);
  3. Karapatan sa makabagong gamutang base sa ebidensiyang mula sa pananaliksik, at pantay na standard at kalidad anuman ang kanilang edad, kasarian, sexual orientation, kalagayan sa buhay, at lahi o tribo;
  4. Karapatan sa abot-kayang mahalagang serbisyong pang-kalusugan at pang-lipunan (social services) para maabot ang pinaka-mataas na antas ng pamantayan ng Mental Health;
  5. Karapatan sa serbisyong pang Mental Health sa lahat ng antas ng national health care system;
  6. Sa pamamagitan ng koordinasyon mula sa iba’t ibang ahensiya at eksperto, mabigyan ng daan sa komprehensibo at magkatugmang gamutan, kasama ang prevention, promotion, rehabilitation, support na naglalayong mapag-tuunan ng pansin ang mga pangangailangang pang-kaisipan;
  7. Access sa psychosocial care at clinical treatment sa paraang di mahigpit (restrictive)
  8. Makataong pagtrato na malaya mula mag-isang pagkaka-lagak(solitary confinement), torture, at iba pang paraan na malupit, mapanganib, hindi makatao, nakapang-hihiya na mga paraan na hindi base sa scientific na ebidensiya;
  9. Access sa aftercare at rehabilitation sa bawat komunidad na naglalayong maibalik ang mga service users(patients) sa kanilang mga tungkulin bilang may silbing mamamayan;
  10. Access sa sapat na impormasyon sa mga serbisyong kalusugang pang-kaisipan (Mental Health)
  11. Lumahok sa adbokasiya na pang kalusugang pangkaisipan (Mental Health Advocacy), pag-paplano ng mga polisiya, batas, paraan ng pamamahagi ng serbisyo, pag-monitor, pananaliksik, at pagsusuri;
  12. Confidentiality sa lahat ng impormasyon, komunikasyon, at records sa ano mang paraan patungkol sa mga impormasyon ukol sa Mental Health ng isang service user(pasyente). Ang mga impormasyon na ito ay hindi maaring masiwalat ng walang nakasulat na pahintulot ng service user o ng kanilang legal na kinatawan (legal representative), liban sa mga sumusunod:
    1. Court Order
    2. May nakasulat na pahintulot ng service user
    3. Isang mapanganib na emergency kung saan ang impormasyon ay makakatulong na mailigtas ang buhay ng service user o ng ibang tao
    4. Ang service user ay isang menor de edad at ang mental health professional ay may hinala na isa siyang biktima ng pag-aabuso
    5. Kailangan ang impormasyon sa isang administrative, civil o criminal na kaso laban sa isang Mental Health Professional
  13. Magbigay ng pahintulot (informed consent) bago makatanggap ng gamutan at ang karapatan na bawiin ang pahintulot na iyon sa kahit anong oras. Ang pahintulot na iyon ay dapat na kasama sa record ng pasyente;
  14. Makibahagi at lumahok sa pagdedesisyon sa paraan ng gamutan;
  15. Makapagtalaga at humirang ng legal representative na kakatawan sa kanila, maliban kung sila ay nalilito o pansamantalang walang kapasidad magdesisyon;
  16. Makatanggap at makapagpadala ng komunikasyon sa ano mang paraan at sa makatwirang oras kabilang ang kanilang legal representative at kinatawan mula sa Commission on Human Rights (CHR);
  17. Serbisyong legal, mula sa pribado o sa Public Attorney’s Office;
  18. Access sa kanilang record maliban kung sa palagay ng Mental Health Professional na makakasama sa service user o sa iba na malaman ang nila ang nilalaman ng kanilang record. Sa pagkakataon na hindi pahintulutan ang service user o kanilang legal representative, maari nila ito iakyat sa Internal Review Board o CHR para mapagdesisyunan;
  19. Pagbahagi ng mga karapatan na ito sa loob ng 24 hours ng admission sa paraan na maiintindihan ng nagbabasa
  20. Sa sarili o sa pamamagitan ng legal representative na makapag reklamo sa mga serbisyong natanggap, mga pag labag sa mga karapatan, pagkakaconfine ng laban sa loob;

Basahin: RA 11036  Philippine Mental Health Act

=================================

Sinalin sa Filipino (Tagalog) ni Christopher P. Alipio, MD, DSBPP

=================================