Ang psychotherapy o talk therapy ay isang mabisang paraan ng gamutan sa maraming mental health conditions. Ito ay maaring magdulot ng pagbuti ng pakikisalamuha sa iba, pagbawas ng stress na nararanasan, at mas malalim na pagkilala sa sarili. Nangangailangan ito ng motibasyon, disiplina, trabaho sa panig na pasyente, pamilya, at doktor, upang maging epektibo. Ang isang pasyente ay makikinabang dito depende sa lala ng karamadaman, abilidad na magmuni muni tungkol sa sarili at motibasyon na isabuhay ang mga natutunan sa therapy.
Kailangan tandaan na maaring maungkat ang mga hindi magandang ala-ala habang nasa psychotherapy katulad ng guilt, anxiety, nalimutan ng galit, at lungkot lalo na sa mga unang yugto ng psychotherapy. Kapag nakakaramdam ng mga hindi magandang pakiramdam, importante na ito ay ipaalam sa iyong psychotherapist para ito ay mabigyan ng tamang konteksto at ma-process.
Tandaan, ang tinutukoy kong psychotherapy dito ay ang pormal na mga klase ng psychotherapy na may specific na pamamaraan at technique. Maraming klase ng psychotherapy (See below). Kung sa unang pag-uusap niyo ng iyong doktor ay nagpayo siya sa iyo at may mga itinuro siya sa iyong ilang paraan para gumaang ang iyong pakiramdam, ito ay maaring mapabilang sa tinatawag na brief therapy/crisis intervention o kadalasan, supportive psychotherapy.
Isipin na parating may 3 bahagi ang kahit anong klase ng psychotherapy. Una, ang assessment na bahagi. Dito, kinukuhaan ng background na impormasyon ng therapist ang pasyente. Maari itong magfocus sa mga pangyayari na kasalukuyang nararanasan sa pasyente o magfocus naman sa mga nangyari sa nakalipas ng pasyente. Maaari itong magtagal ng isa hanggang maraming sessions depende sa lalim ng pagkolekta ng impormasyon na kinakailangan. Maaari ring magbigay ng interpretasyon at kuro-kuro ang therapist sa mga ibabahagi ng pasyente at kadalasan magkakaroon na ng mas malalim na pagkilala ang pasyente sa kanilang sarili. Maaari ring madiskubre ng pasyente sa paglalahad ng kanilang talambuhay o kasalukuyang mga karanasan na iba na ang pananaw nila ngayon sa kanilang mga karanasan kumpara noong panahon na naganap ito. Sa ikalawang bahagi, mag se-set ng goals/objectives (layunin) ang therapist at pasyente. Ano ang mga tratrabahuhin nila para isaayos at baguhin. Ikatlo, ay ang mismong mga sessions kung saan isasakatuparan ang mga napagusapang mga plano at layunin. May iba ibang paraan, technique, of methodology ng psychotherapy. Ito ay tatalakayin ng mas malalim sa mga susunod na bahagi. Kadalasan meron ding tinatawag na “termination phase” or pagtatapos na bahagi kung saan binabalikan kung nangyari o nakamit ba ang mga layunin ng psychotherapy at inihahanda ang pasyente sa paghihiwalay nila ng landas ng therapist.
Hindi. Ginagawa ang ang psychotherapy sa tamang oras at sa tamang kondisyon ng pag-iisip ng pasyente. Kailangang handa ang isip ng pasyente (receptive) na gawin ang proseso ng psychotherapy. Karaniwan, may mga panuntunan (requirement) na hinahanap ang therapist/psychiatrist upang masabi na ang pasyente ay makikinabang sa gagawing psychotherapy.
Ano ang mga ito? (1) Kapasidad na magmuni-muni tungkol sa sarili (insight and psychological mindedness) (2) Kapasidad na makaisip sa abstract level (capacity to understand metaphors and analogies) o kapasidad na mahango ang tunay kahulugan ng mga kasabihan, salawikain, mga talinhaga, at mga kasabihan; (3) Fair judgment – kapasidad na matukoy ano ang magiging posibleng mga resulta ng isang desisyon at piliin ang mas akmang aksyon; (4) Intact Reality Testing – alam at tanggap ang katotohanan at hindi; (5) Good Impulse Control – hindi mapusok; (6) Meaningful Object Relations – matatag na kakayanang mapanatiling mabuti at buo ang imahe ng mga mahal sa buhay sa loob ng isip (Basahin: Ano ang Object Relations?); (5) Acceptable level of compartmentalization – kakayanang hindi paghaluin ang mga iba’t ibang isyu na hindi magkaugnay; (6) Acceptable Level of Frustration Tolerance – kakayanan na matanggap na hindi agad nakukuha ang lahat ng isang iglap lang.
Madalas, tinitimbang ng isang therapist/psychiatrist ang kakayanan ng isang pasyente/kliyente na mag-benefit sa psychotherapy. Maari nitong baguhin ang pamamaraan base sa mga reaksyon ng pasyente sa mga ideya at test na isasagawa niya sa pamamagitan ng matalinhagang pagtatanong.
Ang psychotherapy ay isa sa mga paraan ng gamutan sa psychiatry/psychology. Ang panggagamot sa psychiatry ay mahahati sa tatlong aspeto: biological, psychological, at social. Ang pagbibigay ng gamot ay ang biological na parte, ang psychotherapy ay ang sa psychological, at ang mga bagay katulad ng case management (pag asikaso ng social worker ng mga bagay na makakatulong para mapabuti ang kalagayan ng pasyente sa kaniyang lugar na ginagalawan katulad ng pagtulong magkatrabaho, mailipat sa mas akmang eskwela, o mailagay sa tamang tahanan).
Sa unang pagpunta pa psychiatrist o psychologist, karaniwan isang consultation ang ginagawa. Ang layunin nito ay makabuo ng isang diagnosis o matukoy ang mga main problems na kailangang ayusin. Maaring magbigay agad ng lunas at maari ring magtagal ng ilang meeting ang pagtukoy na ito. Maari sa pagkonsulta na ito ay makapagbigay ng payo ang therapist o makapag bigay ng ilang kuro kuro tungkol sa kalagayan ng pasyente ngunit katulad ng sabi ko na, ito ay parte ng “supportive psychotherapy,” pagbibigay lamang ng suporta. Matatawag itong isang klase ng psychotherapy ngunit hindi ito nakakapagbigay ng pangmatagalan na lunas.
Sa madaling sabi, hindi ibig sabihin na nagpunta ka sa psychiatrist at kinausap ka nito ay nakapagpsychotherapy ka na. Pinaplano ito at may tukoy na proseso.
Sa mga susunod na bahagi, tatalakayin pa ang…
–Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist
Sino-sino ang may karapatan magkaroon ng PWD ID?
————————————————————————————————–
Para sa mga taong nakakaranas ng mga Mental Health Conditions (Karamdamang Pang-kaisipan), marami ang nagtatanong kung maari ba silang makakuha ng Medical Certificate/Abstract para manging supporting document upang makahingi sila ng PWD ID. Maraming mga impormasyon ang kailangan malaman tungkol sa bagay na ito.
Sa kasalukuyan, sa ating bansa, walang panuntunan (criteria) para ispesipiko na masabi kung anong mga karamdaman na pang-kaisipan o lala (severity) ng mga ito na maaring ma-deklara na disabled. Dahil dito, sa susunod na convention ng mga psychiatrist, ito ay pag-uusapan at pag-meemeetingan upang magkaroon ng pamantayan at uniformity sa pag-issue ng medical certificate for psychosocial disability.
Ang ilan sa mga hindi opisyal na pamantayan na ginagamit ng doktor sa pag-assess kung ang isang tao ay may psychosocial disability ay:
Personally at bilang propesyonal, dahil walang panuntunan, ginagamit ko ang score na 51 pababa bilang na maaaring ma-konsidera na may psychosocial disability.
Sa pagsalin sa Pilipino:
51-60 Katamtamang mga Sintomas – Katamtamang kapansanan sa sa pakikisalamuha, trabaho o eskwela (halimbawa: kaunti ang kaibigan, parating nagkakaproblema sa mga katrabaho)
41-50 Seryosong mga sintomas (suicidal, malalang obsessional na mga ritwal) o seryosong kapansanan sa social, trabaho o eskwela (walang kaibigan, hindi mapanatili ang trabaho/parating natatanggal, o hindi talaga makapagtrabaho)
31-40 Kaunting problema sa pagtanggap ng realidad at hirap makipag-usap (illogical, hindi maintindihan, kakaiba ang pananalita, hindi maalagaan ang sarili, hindi makapagtrabaho)
21-30 Halos lahat ng kinikilos ay dulot ng mga delusyon, bulong o, malalang kapansanan sa komunikasyon, pagdedesisyon, o hindi na maka gawa kahit mga simpleng bagay (halimbawa: nasa kama lang buong araw)
11-20 Kaunting panganib na masaktan ang sarili o iba dahil hindi alam ang ginagawa o suicidal o bayolente o wala talagang kakayanan na makipag komunikasyon, paminsan-minsan na hindi mapangalagaan ang pansariling kalinisan
1-10 Lubos na panganib na masaktan ang sarili o ibang tao, madalas na hindi napapangalagaan ang sariling kalinisan.
Malinaw naman siguro kung bakit ang score na 50 pababa ay maaring i-consider na psychosocially disabled.
Sa bagong DSM-5 (ito ay libro kung saan nakikita ang mga pangalan at depinisyon ng mga mental health conditions) merong bagong scale o sukatan na ginagamit para masukat ang disability. Ito ay ang WHODAS 2.0 o WHO Disability Assessment Scale | Link |
Sa aking palagay, ang score na equivalent sa moderate at mas malala pa ay ang maari ring masabing psychosocially disabled.
TANDAAN, hindi base ang pagkadeklara ng psychosocial disability sa ilang mga diagnosis ng mental health conditions kungdi sa level ng functionality ng mga taong dumadanas dito.
Ang mga karaniwang mga karamdaman na nabibigyan ng psychosocial disability ay: Intellectual Disability ( Dating Mental Retardation), Severe/Malalang Schizophrenia, Depression at Bipolar.
Ayon sa depinisyon ng UN | Reference | ang psychosocial disability ay naglalarawan sa mga nararanasan ng tao na may kakulangan o kapansanan na may kinalaman sa kanilang kaisipan na nagdudulot upang mawala/mabawasan ang kakayanan nila na makapag-isip ng malinaw, mapangalagaan ang sarili, at pamahalaan ang kanilang buhay. (Ako lamang ang nag-salin nito)
Maaring uriin ang psychosocial disability bilang: permanente o temporary at Lubos o Bahagya.
Sa kasalukuyan, hindi required na uriin kung anong uri ng kapansanan ang meron ang pinagkakalooban ng PWD ID, dahil dito, karaniwan, nagiging permanent disability ID ang naibibigay sa mga tao samantalang may mga ilan na pansamantala lang ang kanilang kasalukuyang kalagayan at dapat lang na baguhin ang kanilang mga estado at karapatan. Ako ay naniniwala na dapat higpitan ang pag-issue at tagal ng validity ng PWD ID upang maproteksyonan ang mga taong talagang deserving ng karapatan ng PWD ID.
Depende sa lugar, minsan may dagdag na benepisyo. Ang ilan sa importanteng mga benepisyo ay:
Magpunta sa inyong attending doktor, madalas kailangan iyong nakakita na sa inyo ng matagal. TANDAAN: Hindi mag-iissue ang doktor ng medical certificate para sa kapansanan sa pag-iisip na isang beses lang kayo nakausap.
Dalhin ang Medical Certificate sa Barangay at kumuha ng Barangay Certificate at tanungin ang mga susunod na hakbang.
Dalhin ang mga dokumento at 2 piraso na 1×2 ID Picture sa munisipyo/city hall/DSWD at magfill up ng form.
WALANG BAYAD ANG APPLICATION!
Sa kasalukuyan, kada 3 taon ang renewal ng PWD ID.
============
Karagdagang Sangunian (References):
============
PAALALA at DISCLAIMER : Sa layuning maging payak at simple ang mga paliwanag dito, ang references na ginamit ko ay kung maari ay simple rin katulad ng wikipedia. Ang impormasyon dito ay hindi para sa mga propesyonal. Maaring na-oover simplify minsan ang mga paliwanag upang ito ay maadaling maintindihan. Pasintabi po.
============
Sulat ni:
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist
Centuria Medical Makati
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
Veterans Memorial Medical Center
The (Financial) Burden of Mental Health Care in the Philippines
Sensitibong topic parati at madalas nahihiya ang mga tao na magtanong kung magkano ba talaga ang kailangan para mapangalagaan ang kanilang kalusugang pang-kaisipan(Mental Health). Madalas, ako mismo ang nagbribring up at direktang nagtatanong kapag patapos na ang unang konsultasyon, at naibahagi ko na ang nirerekomenda kong strategy ng gamutan, kung ang gamot ba na aking napili ay “affordable” para sa pasyente.
Magkano ba talaga ang kailangan para makapagpacheck-up ng mental health. Ang simpleng sagot: DEPENDE sa setting.
Nakakalungkot lang kung minsan na ang mga taong may kapasidad naman magbayad at nakakagastos para sa mga bagay na mukhang di naman kasing importante ng kanilang Mental Health, ay umaagaw ng oras sa mga totoong indigent na pasyente sa mga government OPD. Sila pa karaniwan ang kumakain ng maraming oras kumpara sa mga totoong nangangailangan ng libreng serbisyo ng gobyerno.
Marami ang nangangamba na mahal ang gamot na para sa depression, o schizophrenia, at iba pang mental health conditions. Marahil, totoo ito sa puntong, kadalasan kinakailangan na inumin ng matagal na panahon (buwan) o minsan gawing maintenance ang mga gamot na ito, ngunit, ang kadalasan kong sinasabi sa aking mga pasyente: “Ano ba ang halaga ng iyong Peace of Mind?” Isa pa, marami ng available na Generic brands na epektibo naman at ligtas. Sinasabi ko rin nga sa aking mga pasyente: “Minsan mas hiyang pa ang isang tao sa mas affordable na brand. Que colgate o happee toothpaste pareho lang pong nakakalinis ng ipin.”
Mga halimbawa ng mga gamot:
Importante ring malaman ng mga pasyente at kamag-anak na pwedeng humingi ng tulong para sa gamot sa mga iba’t-ibang ahensiya katulad ng DSWD, PCSO, o mga lokal na pamahalaan. Namamahagi sila ng voucher na pwede ninyo ibili ng gamot. Kailangan lang ninyo ng medical abstract mula sa inyong mga doktor at certificate of indigency galing sa inyong barangay.
Pahabol na payo: Huwag mahiyang magtanong sa inyong doktor tungkol sa mga halaga ng gamot na nirereseta sa inyo, tanungin kung may mairerekomenda ba na mas affordable at epektibo naman na version. Pag follow-up banggitin kung ano ang brand na nabili niyo o nirekomenda ng pharmacist sa inyong doktor. Magtanong. Hindi po maooffend ang inyong doktor sa mga tanong tungkol sa presyo. Naiintindihan po namin ang kalagayan ng lahat. Trabaho po namin yun.
Edit #1: July 22, 2018
Kung sa pagkakataon na kailanganin ma-admit para obserbahan o para mapa-hupa ang sumpong ng ibang mental health conditions, karaniwang may gastos din.
–Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist
Sinalin ko sa Tagalog ang Mga Karapatan ng mga Mental Health Patients sa ilalim ng Philippine Mental Health Act:
CHAPTER II
MGA KARAPATAN NG PASYENTE AT IBA PA
Section 5. Mga Karapatan ng Service Users (Pasyente). Ang mga Service Users ay makakatamasa ng pantay at walang halong diskriminasyon na mga karapatang ginagarantiya ng Saligang Batas ng Pilipinas, ng UN Universal Declaration of Human Rights, ng Rights and the Convention on the Rights of Persons with Disabilities, at iba pang mga naaayon na International at Regional Human Rights Conventions and Declarations, kabilang ang mga sumusunod:
Basahin: RA 11036 Philippine Mental Health Act
=================================
Sinalin sa Filipino (Tagalog) ni Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
=================================
Maraming tao ang nakakaranas ng panandaliang hirap sa pagtulog. Maaring may pagbabagong nangyari kamakailan lang sa buhay, namamahay, o may iniisip.
Iba’t ibang klase ang hirap sa pagtulog. Pwedeng: (1) hirap makatulog, pero pag nakatulog na tuloy tuloy na; (2) parating nagigising (tulog manok); o (3) nagigising ng madaling araw tapos di na makabalik sa pagtulog. Pwede ring kombinasyon ng mga ito at iyon ay minsan nangangahulugang, buong gabi ka ng di makatulog.
Maari ring ang problema ay na-iba ang iyong “body clock.” Sa umaga ka na nakakatulog.
Ito ay mga bagay na itatanong sa iyo kung ikaw ay komunsulta sa isang sleep specialist na internist o isang psychiatrist.
Pagbutihin ang iyong “sleep hygiene.” Ito ay mga habits, o gawi natin bago matulog na dapat ay papagbutihin.
Pwede uminom ng melatonin (sleepasil), iterax, o diphenhydramine kahit hindi kumonsulta. Ito ay mga over-the-counter na gamot.
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Karaniwan sinasabi na kapag nagpapatingin sa isang mental health professional ay “baliw” ang isang tao. “May tama” “May sayad,” at iba pa. Pero, ano nga ba yung ibig sabihin ng baliw??
Ang pinaka tinutukoy ng katagang baliw karaniwan ay ang mga pasyente na may Schizophrenia na malala (Basahin: Ano ang Schizophrenia?). Sila yung mga taong pwedeng maging taong grasa kung di magamot. Sila yung may pscyhotic symptoms na malala.
Ang dalawang pinaka karaniwang halimbawa ng psychotic symptoms ay:
Una, hallucinations – may nakikita o naririnig, o nararanasan na sila lamang ang nakakaramdam. Maaring may naririnig silang boses na nagsasabi ng mga insulto sa kanila o di kaya sinasabing papatayin sila kaya sila naprapraning. (Basahin: Mga halimbawa ng hallucinations) Minsan dahil dito nagkakaroon sila nitong pangalawang psychotic symptom na ang tawag ay…
Ikalawa, delusions. Ang delusions ay mga paniniwalang hindi totoo pero kumbinsidong kumbinsido ang taong meron nito. Halimbawa, pinipilit nila na may masamang balak ang kapit bahay sa kanila o di kaya siya ay pinag uusapan ng lahat ng tao. Karaniwan malalaman na ito ay delusions dahil sa tindi ng pagtatanggol nila ng paniniwalang ito. Ipipilit talaga nila na ito ay tunay. (Basahin: Iba’t-ibang klase ng Delusions)
Pag hindi nagamot, maaring lumala ang psychosis at sila yung tatawaging baliw.
Nakikita ang psychosis sa Schizophrenia. Maari rin ito makita sa depression at bipolar kung sobrang malala ng mood disorder.
(Basahin: Ano ang Depression? Ano ang Bipolar?)
Hindi lahat ng nagpupunta sa psychiatrist ay baliw. Tulad ng hindi lahat ng nagpupunta sa internist ay may cancer. Maraming sakit ang ginagamot ng internist, surgeon, ENT, at Ophtha. Yung mag-asawang may problema sa kanilang lovelife dumudulog sa psychiatrist para sa couples therapy. Di naman sila baliw. Yung matandang may memory gap o nag-uulyanin di naman baliw pero pasyente rin namin. Yung millenial na hirap mag-adjust sa bagong trabaho at sabay na nag-aaral di baliw pero tinutulungan din namin. Yung pulis na may nerbiyos di rin baliw, pasyente rin namin.
Ang mga taong nagsasabing baliw ang nagpupunta sa mental health professional ay dapat turuan upang hindi sila manatiling ignorante dito. Huwag agad pagbintangan na makitid ang utak bagkus bigyan ng pagkakataon na mapaliwanagan. Pabasa ninyo kaya ito sa kanila.
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Galing ang salitang Suicide sa mga Latin na kataga na nangangahulugang: [sui] – sarili/pansarili at [cida] – ang pumatay/ang kumitil. Literal na ang ibig sabihin ay ang pag-kitil ng sariling buhay. Ang mga taong sumasagi sa isip ang suicide ay pwedeng, iniisip lamang ito, at iniisip ng matagal, minsan buong buhay, ngunit hindi ito magawa o gagawin, at ang iba naman na nagagawa ito sa isang-kisap mata lang. Ang importanteng maintindihan tungkol sa suicide ay: (1) Una, madalas, ito ay dulot ng isang mental health issue, karaniwan ay depression, at (2) Ikalawa, ito ay nagagamot sa pamamagitan ng psychotherapy (talk-therapy) at anti-depressants(gamot).
Tatlong beses na mas madalas mag-tangka ang mga babae na mag suicide kesa lalaki ngunit apat na beses na mas madalas ang mga lalaki na maisakatuparan ito. Ito ay dahilan sa paraan ng pagtatangka. Madalas ang mga kalalakihan ay gagamit ng baril, pagtalon, o pagbigti, at ang mga ito ay lubos na nakamamatay. Mas bihira ang mag-suicide sa mga teenager, ngunit sa mga nakaraang taon, pataas ng pataas ang bilang nga mga teenagers na nagkakaroon ng pagtatangka o natutuloy ang suicide. Sa mga lalaki, mataas ang bilang na natutuloy na suicide pagkatapos ng edad na 45, at sa mga babae pagkatapos ng edad 55. Ibang mga bagay na nagpapataas ng risk ng suicide ay: walang asawa (kasama ang pagiging hiwalay, diborsaydo, o balo), mataas na antas ng social status o biglang pag-baba ng social status, pagkakaroon ng mental health issue hindi lamang depression.
Ang pinakamataas na risk factor na makapagsasabi sa atin na ang isang tao ay magtatangka na mag-suicide ay ang history na nagkaroon na ng pagtatangka noon. Mas madalas na pagtatangka, mas mataas ang chance na ito ay maganap muli.
Ang mga Mood Disorders (Basahin: Ano ang Depression? Ano ang Bipolar?) ay ang pinakamadalas na dahilan na mag-suicide ang isang tao. Ang social isolation ay nagpapalala ng suicidal tendencies ng isang Depressed. Tandaan na hindi porke’t may nakapaligid na tao sa isang taong depressed ay hindi nila pakiramdam na isolated sila. Maari ring magkaroon ng suicide sa mga taong nakakaranas ng Schizophrenia (Basahin: Ano ang Schizophrenia?), kung minsan, ito ay utos ng kanilang mga bulong (hallucinations), o nagkakaroon rin sila ng depression bukod pa sa schizophrenia dahil sa isolation na kanila dinaranas. Mataas din ang bilang ng mga taong sobrang lasing o high sa drugs na nagpapakamatay. Maaring may dinadala sila ngunit hindi naman talaga magtatangka pero nung naka-inom o high at nagkasabay na sumagi sa isip nila ang suicide ay naitutuloy nila.
Maraming theories na nagtatangka na magpaliwanag kung bakit nagpapakamatay ang isang tao. Noon, sinasabing ang suicide ay galit sa iba o sa mundo na ibinaling mo sa sarili (anger turned inward). Paano ito nangyayari? Habang tayo ay lumalaki, gumagawa tayo ng mga internal representations ng mga mahal natin sa buhay sa ating isip. Ang mga imahe na ito at konsepto ay dala dala natin buong buhay. Kapag tayo minsan ay nasasaktan ng isang tao, o isang pangyayari sa ating buhay sinasabi na gusto nating burahin o puksain ang imahe na iyon na nasa isip natin nung tao/bagay/pangyayari na iyon kaya ibinabaling natin ang galit sa ating sarili.
Sa mga mas makabagong paliwanag, hindi lang iisang dahilan ang makakapagpaliwanag kung bakit nagpapakamatay o nagsu-suicide ang isang tao. Madalas, ang mga nagtatangka ay may mga nais makaganti, magkaroon ng kapangnyarihan, control, mag-parusa, mag-sisi, isang paraan ng sakripsiyo, makatakas sa problema, simpleng makatulog lang, may mailigtas, ipanganak o magsimula muli (kung naniniwala sa reincarnation), o makapiling muli ang pumanaw na mahal sa buhay. Minsan, ang mga ito ay pantasya, ngunit hindi natin masabi sa mga taong nakakaranas ng kalungkutan halimbawa na hindi nila naisin na makuha ang kanilang mga wish na ito o pantasya. Sa mga pagsasaliksik, ang pinakamadalas na dahilan o trigger ng pagpapa-kamatay lalo na sa mga matagal ng nakaka-isip na gawin ito ay ang pagka-wala ng pag-asa o hopelessness. Importanent maiparating sa mga taong nakakaisip ng suicide na hindi pa huli at may magagawa pa sa mga suliranin na kanilang dinaranas.
Ang Deliberate Self-Harm (Pananakit ng Sarili) o tinatawag ding Parasuicidal Behavior ay mga taong sinasaktan ang sarili ngunit hindi naman talaga gusto mamatay. Ang karaniwan gawin ay ang paghiwa sa sarili (cutting behavior). Madalas sabihin ng mga taong gumagawa ng self-harm na hindi sila nakakaramdam ng sakit at ginagawa nila ito upang: makaramdam, maalis ang tension, maalis ang galit sa sarili (bilang parausa) o sa iba. Mataas ang tsansa(chance) na merong personality disorder (Basahin: Ano ang Personality Disorder) ang mga taong gumagawa ng self-harmful behavior.
Ipayo na siya ay magpunta sa Psychiatrist/Psychologist upang mag-psychotherapy (Basahin: Ano ang Psychotherapy?).
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Under Construction.
Ano ang mga karaniwang ginagamit na gamot at ano ang mga mabuti at di mabuti (side effects) na naidudulot nila?
Ang mga psychiatric medications ay maigrugrupo sa ilang pamilya. Ngunit (at importante itong maintindihan) hindi nangangahulugan na ito ay maari lamang gamitin sa ganoong pamilya rin ng mga karamdaman. Bakit? Ang mga gamot ay kumakabit sa mga bahagi ng utak na parang susian (ang gamot ang susi) o keyhole upang ibukas ang pinto o isara ang pinto para dumaloy ang signal. Ang mga susian na ito sa utak ay tinatawag na receptors. Ang ibat ibang klaseng susian na ito ay nagkalat sa utak. Minsan ang ibang gamot ay kaya rin kumabit sa susian ng ibang sakit kaya sila rin ay ginagamit.
Ang mga grupo ng gamot na ating tatalakayin ay:
Layunin: mawala o mabawasan ang psychosis – hallucination (Basahin:) at delusions.
Mga karaniwang halimbawa: Risperidone, Olanzapine, Clozapine, Aripiprazole, Amisulpride
Iba pang gamit: maari rin gamitin ang mga antipsychotics sa: autism at adhd, dementia, mga nag dedeliryo, bipolar at depressed kung kailangan kontrolin ang kanilang pagiging agresibo o pag may kaunting hallucination na nahahalo o bilang pampatulog.
Ang mga anti Psychotics ay kumakapit sa mga dopamine receptors(susian) para isara ang pinto at hindi makapasok ang dopamine.
Ang dopamine ay isang “neurotransmitter.” Ang mga neurotransmitter ay chemical na ginagamit ng utak para magpadala ng signal. Kunwari may nililigawan ka papadalan mo ng bulaklak. Alam niya na may ibig sabihin iyon. Sinasabing sobra ang dopamine sa ilang parte ng utak kung may psychosis. Ang antipsychotics ay ipipinid ang pinto para hindi makaraan ang dopamine at makapagdulot ng psychosis.
Ano ang kaibahan ng mga iba’t ibang anti Psychotics?
Risperidone – mataas ang dopamine activity. Maaring gamitin sa mga bata at matanda sa mababang dose kumpara sa ibang mga ka-grupo nito.
Olanzapine – nakakaantok, nakakataba, nakaka lakas kumain, nakaka lala ng diabetes, maaring makapag trigger ng epilepsy
Clozapine – karaniwang nirereserba sa mga malalang kaso ng psychosis o matagal ng karamdaman na nakasubok na ng ibang gamot na nabawasan na ng bisa. Ginagamit din sa mga suicidal. Nakaka-antok, nakakataba, at nakaka-lakas kumain rin.
Aripiprazole – swabe ang epekto sa dopamine. Bahagya lamang “mag-sara” ng pinto.
Amisulpride
Layunin: tumaas ang mood
Mga Karaniwang Halimbawa: Escitalopram, Sertraline, Fluoxetine, Paroxetine
Iba pang gamit: Ginagamit din ang mga gamot na ito sa Anxiety(Nerbiyos) at OCD (Obsessive Compulsive Disorder)
Ang mga anti-depressants ay kumakapit sa Serotonin receptors. Ang serotonin ay sinasabing mababa sa ilang lugar sa utak kung ang tao ay depressed. Tumataas ang availability ng serotonin sa utak sa pamamagitan ng mga makabagong anti-depressants. Ang mahirap ay mabagal bago ito tumalab, mga 2 hanggang 3 linggo bago magsimulang tumalab ang mga gamot na ito. Magtataka ang mga pasyente kung hindi maipapaliwanag kung bakit matagal bago makaramdam ng ginhawa.
Ano ang kaibahan ng mga anti-depressants?
Escitalopram – mas safe sa mga matatanda o maraming iniinom na gamot, mas konti ang inter-aksyon sa ibang mga gamot.
Sertraline – ginagamit rin sa anxiety
Fluoxetine – matagal ang buhay (duration of action)
Paroxetine – nakaka-antok
Layunin: dalhin sa gitna ang mood. Hindi masyadong low-batt (depressed), hindi rin hyper (manic)
Mga Karaniwang Halimbawa: Lithium, Valproate (Divalproex Sodium or Sodium Valproate+Valproic Acid), Lamotrigine
Iba pang gamit: Kombulsyon o epilepsy
Hindi pa matukoy ang partikular na mekanismo bakit gumagana ang mga mood stabilizer. Basta, gumagana sila.
Matagal din sila bago gumana. Ang mga taong sobrang hyper (Basahin: Ano ang Bipolar?) minsan tatagal ng 3 linggo o isang buwan bago humupa ng lubos ang sumpong. Madalas kapag matindi ang sumpong sasabayan ng antipsychotic ang mood stabilizer para mas mabilis humupa ang sumpong, pag kalmado na ang pasyente, iiwanan na lang ang mood stabilizer para gawing maintenance.
Lithium – madaling magkaroon ng side-effect kung di pag-iingatan ang pag-inom. Dapat i-test ang dugo kung tama ang levels tuwing magche-check up para masiguradong tama ang levels. Iwasan ma-dehydrate dahil lalabas din ang mga side effects tulad ng pag sakit ng tiyan (karaniwang unang lalabas), pagkahilo, panginginig, pagkatuyo ng bibig, pagsusuka, di mapakali.
Valproate/Valproic – ito ay makikita sa dalawang formulation: ang Divalproex at and Sodium Valproate. Pareho lamang ito. Magkaiba lamang ng paraan ng pag-absorb. Bawal sa buntis ang Valproic lalo na sa unang ilang buwan, mag-dudulot ito na maging abnormal ang pag-develop ng baby. Safe ito sa mga hindi buntis, hindi lang safe para kay baby.
Lamotrigine – sinasabing mabuti sa mga bipolar depressed. May possibleng side effect na parang nalalaglag ang balat mula sa katawan. Ipapaliwanag ito sa iyo ng doktor.
Layunin: kumalma ka o makatulog ka
Mga Karaniwang Halimbawa: Zolpidem (Stillnox), Diazepam (Valium), Clonazepam(Rivotril), Alprazolam(Xanor), Bromazepam(Lexotan), —vs—Diphenhydramine(Benadryl), Melatonin (Sleepasil)
Iba pang gamit: para sa nerbiyos, o para sa kombulsyon
Bukod sa Diphenhydramine at Melatonin sa itaas, ang mga binanggit ko ay talagang pampatulog. May mga gamot na may side effect na bahagyang nakaka-antok at ito ay maaring gamitin kahit walang pagkonsulta sa doktor. Ang mga halimbawa ko ay kailangan ng espesyal na reseta para mabili.
Ang mababang dose ng mga gamot na ito ay pampakalma ang mas mataas na dose naman ay pampatulog. Pag ikaw ay umasa lamang sa pampatulog at hindi ginamot ang totoong dahilan ng insomnia o anxiety, hindi mo na matitigilang ang pag-gamit nito at katagalan ay di na ito tatalab. Importante ang pag-uusap niyo ng doktor paano malulunasan ng tuluyan ang nararamdaman mo.
Nagkaka-iba lamang ang mga gamot na ito sa tagal ng epekto nila (ilang oras). Alam ng doktor mo ang akma sa iyo na gamot.
Ang dipehnhydramine ay anti-allergy na gamot na nakaka-antok kaya pwedeng gamitin na pampatulog. Ito ay over-the-counter na gamot.
Ang melatonin ay isang chemical na meron tayo sa utak, habang umaandar ang oras, dumadami ito sa ating utak habang papa-gabi. Pag sapat na ang dami nito, aantukin tayo. Isa itong supplement at over-the-counter na mabibili. Kung hindi melatonin ang problema mo, siyempre hindi ito tatalab.
Tandaan, sa pagbabasa ng pabalat ng gamot, maraming nakalistang side-effects ng mga gamot. Madalas rin tanungin ng mga pasyente at kasama nila ano ang mga side-effects ng isang partikular na gamot. Hindi awtomatiko na mararanasan ng bawat pasyente ang mga nakalistang side-effects.
Ito ay mga “possibleng” side-effects lamang. Sa mga pag-aaral iba-iba ang porsyento/chance/tsansa na lumabas ang mga ito at ito ay depende sa maraming kadahilanan.
Totoo ito. Ang tawag sa konseptong ito ay “pharmacogenomics.” Ibig sabihin, maaring kahit parehong generic minsan may partikular na “brand” o gamot na mas “hiyang” sa iyo. Ibig sabihin din, kung ikaw ay may kamag-anak na may kaparehong sakit at gumana ang isang gamot sa kaniya, mataas ang porsyento na tatalab din ito sa iyo. Dapat rin tandaan na kung may ok na brand sa iyo ng gamot, huwag papalit palit ang bibilin mo hanggat maari.
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Ikalawang Bahagi – –
Basahin: Paano Malalaman Kung “Mature” ang Isang Tao?
Sa usapin tungkol sa Relationships, hindi lamang ito tumutukoy sa mga romantic relationships kungdi sa pakikipag-kapwa sa lahat o ang kapasidad na bumuo ng relasyon sa kaibigan, mga acquaintances (kakilala pero hindi malapit), at kasama nga rin ang mga romantikong relasyon/pag-ibig.
Sa aspetong ito, ang mga bagay na ito ang importanteng isaalang-alang:
Trust
Importante sa pakikipag-kapwa ang abilidad na magtiwala sa iba. Ang tiwala ay natututunan natin simula noong tayo ay sanggol pa.
Ang isang taong mature ay may kakayanan at nakaka-intindi na siya at ang iba ay merong mabuti at hindi magandang mga ugali. Madalas, nakikita natin ang iba o ang ating sarili mismo na “masama talaga ako,” “wala na akong nagawang maganda,” o ang iba, “demonyo ka, wala ka na nagawang maganda,” ngunit sa totoo lang, ang isang tao ay binubuo na meron parehong maganda at hindi mabuting mga ugali at aspeto.
Sa mga taong may sapat na maturity, nakikita nila ang mga tao na merong sariling mga paniniwala, damdamin, emosyon, pangangailangan, at mga dahilan kung bakit nila ginagawa ang mga ginagawa nila. May mga pagkakataon na hindi natin naiintindihan kung bakit ayaw sumama sa libangan natin ang ating mga kaibigan o mahal sa buhay. “Bakit ayaw niya ako samahan manood ng horror movie?” Nakakalimutan natin na sila ay hiwalay na tao at hindi umiikot ang mundo sa atin. Sila ay may mga sariling hilig at damdamin. Ang isang mature na tao ay naiisip at natatanggap ito, at hindi sila madaling masasaktan, at maari nilang maisip, “baka takot siya sa horror, hindi siya nag-eenjoy.”
Ito ay tumutukoy sa pagkaka-intindi na kahit:
hindi nito ibig sabihin na maglalaho o awtomatikong masisira ang relasyon.
Kung ang tao ay may karakter na pagiging secured, karaniwan sila ay kayang magpanatili ng relasyon kahit na meron isa o ilang bagay na hindi nila partikular na gusto tungkol sa isang tao. Meron silang ilang mga relasyon mapa-kaibigan, pag-ibig, o acquaintance na tumagal, at naglalaan sila ng panahon at enerhiya sa pakikipag-kapwa para mapanatili ang kanilang relasyon.
Ang pagiging malapit na tinutukoy sa intimacy ay hindi lamang sa aspetong sekswal kungdi ang abilidad natin na makapag-bahagi tungkol sa ating sarili, sa ating mga nararamdaman, sa ating mga karanasan, mga gusto at minimithi, at mga kabiguan (disappointments).
Kung ang relasyon natin sa isang kaibigan o mahal sa buhay halimbawa ay mature, nasa level ito na nakakapagbahagian tayo ng ilang bagay tungkol sa ating sarili. May mga pagkakataon na isang aspeto lang ang ating naibabahagi, halimbawa, mga karanasan natin naikwekwento natin sa mga kaibigan, at ang iba naman ay naibabahagi natin sa ating romantic partner, at ito ay ok lang. Siempre, ang pagiging malapit natin sa iba ay nakasaalang-alang sa level ng tiwala natin sa tao. Kasama ang kapasidad nating kumilatis kung katiwa-tiwala ang isang tao para tayo ay makipag-kapwa sa kanila kung tayo ay magbabahagi ng tungkol sa ating sarili at sa level of maturity natin bilang isang tao.
May mga taong “take ng take,” sa isang relasyon. Karaniwan sa mga taong ito na mababa ang kapasidad na makaramdam kung ano naiisip at nararamdaman ng iba (empathy). May mga taong bigay rin naman ng bigay. Pareho itong hindi “matured” o “healthy.” Ang isang relasyon ay dapat may balanseng pagtanggap at pagbibigay.
Tinitimbang natin sa pangkabuuan ang mga tinatalakay natin tungkol sa ating sarili at relasyon at ang mga susunod pa nating tatalakayin kung ang isang tao ay may sapat na maturity o wala. Walang iisang criteria o pamantayan o bilang para masabi na ikaw ay matured o hindi kungdi, kung mas maraming bagay na nagtuturo na ikaw ay may maturity, ikaw ay matured. Maari rin na halimbawa ikaw ay matured sa iyong pagkakakilala sa sarili ngunit kulang sa maturity sa pakikipagkapwa.
Sa susunod, tatalakayin pa nating ang iba pang mga aspeto.
Abangan: Huling Bahagi – – Adapting, Cognition, Work & Play
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Unang Bahagi – – Madalas, masasabihan ka ng iyong SO (significant other, kasintahan, ano man ang gusto mong itawag dun), “immature ka kasi!” Ano ba ang batayan kung ang isang tao ay “mature.”
Ang mga sumusunod po ang ginagamit kong batayan kapag sinusuri ko ang ugali ng pasyente/kliyente:
Talakayin po natin ang una…
Self – “sarili,” o pagkaka-kilala sa sarili
May dalawang bagay po na importante kung ating pinaguusapan ang ating sarili, una, ay yung pagkaka-kilala mismo natin sa ating sarili, at pangalawa, yung pag-control natin ng ating self-esteem (pagpapahalaga sa sarili).
1. Ang pagkaka-kilala natin sa ating sarili
Ito ay pwede rin nating tawaging – Identity. Ikaw ba ay sigurado sa iyong pagkaka-kilala sa iyong sarili? Karaniwan, kung ikaw ay sigurado, ginagamit mo ito sa mga desisyon na ginagawa mo sa buhay. Halimbawa, nakikita mo ang iyong sarili bilang isang mapagkawang-gawa gusto parati tumulong sa iba kaya pinili mo maging social worker. Kung hindi ka sigurado sa iyong pagkakakilala sa sarili mo, maari itong maging dahilan kaya di ka makapili ng gusto mong gawin sa buhay, o magkaroon ng isang desisyon, isa sa mga tanda ng pagiging immature. Kung kilala mo talaga ang sarili mo na ikaw ang tipong hindi komportable sa mga sosyalan, hindi mo ilalagay ang sarili mo sa sitwasyon na iyon at hindi ka rin manghihinayang na hindi ka nakasama.
Isa pang bagay ay ang mga pantasya (fantasy) mo patungkol sa iyong sarili. Normal na magkaroon ng pantasya tungkol sa iyong sarili. Ang mga pantasyang ito tungkol sa ating sarili ang nagbibigay sa atin ng aliw, comfort, mga goals(layunin), at escape (panandaling pagtakas sa realidad). Ang tanda kung ikaw ay mature o immature ay kung ang iyong mga pantasya ay katulad o kahanay, o magkadugtong sa iyong identity. Sa halimbawa kong unang nabanggit, pantasya mo kunwari na kilalanin ka o bigyan ng Nobel Peace Prize katulad ni Mother Theresa sa pagiging social worker. Magkadugtong ang mga pantasya mo at kung ano ang tunay na pagkakakilala mo sa iyong sarili. Kung ikaw ay immature, maaring pantasya mo pa rin maging si spider man. 🙂
2. Pag-control ng ating self-esteem (Pagpapahalaga sa sarili)
Una, isa sa mga tanda ng maturity ay ang kahinaan o tibay sa mga banta laban sa self-esteem. Halimbawa may magsabi sa iyo na “ang pangit ng gawa mo…” ikaw ba ay mawawalan agad ng pagpapahalaga sa sarili o medyo matibay ang iyong loob?
Kung magkaroon ng pagkakataon na may mga ganoong banta, ano ang iyong nagiging paraan ng pag-adapt? Ito yung mga tinatawag na defense mechanisms (Basahin: Ano yung mga Defense Mechanisms?) May mga paraan na matatawag nating mature na mga paraan ng pag-adapt – – halimbawa, magsisipag ka sa trabaho o eskwela, o itututok mo ang sarili mo sa pag-gygym, magiging mas competitive o magiging less competitive ka, o tatawa ka na lang kasama nila sa gawa mo. May mga paraan din na hindi masyadong mature — halimbawa, magagalit ka at magyayabang na “hindi ang ganda nga nito!”, magdadabog ka dun sa taong nagsabing pangit ang gawa mo, o di kaya aawayin mo yung katulong niyo dun mo ipapasa ang iyong inis.
Karaniwan kung may nakikita tayo sa iba na bagay o kakayanan na atin din gusto para sa ating sarili, nakakaramdam tayo ng inggit. Kung nakakaramdam ka na gusto mo maging katulad ng taong iyon o magakaroon din ng meron siya, o kahit higit pa, ok lang ‘yon, hindi yun immature. Pero kung nakakaramdam ka na gusto mong sirain siya para makalampas, yun ang emotional immaturity.
Isa pa sa mga tanda ay kung paano natin ginagamit ang ibang tao para mapanatili natin ang ating self-esteem. Tanda ng maturity ang kakayanan mo mapanatili ang iyong self-esteem kahit hindi parati kang nabibigyan ng papuri patungkol sa iyong sarili. Siempre, kung puro batikos ang iyong maririnig, may masama itong epekto. Ang punto ko ay karaniwan sa mga kulang sa maturity ay ang parati nilang kailangan mabigyan ng papuri para mapanatili ang integridad ng kanilang self-esteem. At pag nawala ang mga ito, guguho ang kanilang identity at self-esteem.
Unang bahagi pa lang po ng topic na ito, sa susunod, tatalakayin ko ang… Relationships (pakikipag kapwa).
Ito po ba ay isang interesting na topic para sa inyo? Welcome po ang feedback at mga tanong, ipadala lamang sa email na nasa ibaba.
Basahin: Ikalawang Bahagi – Relationships
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
(c) 2018 Chris Alipio
Design by ThemeShift.