Pinoy Mental Health Blog

Ano ang Psychotherapy? (Unang Bahagi)

by , on
Oct 14, 2018

Ang psychotherapy o talk therapy ay isang mabisang paraan ng gamutan sa maraming mental health conditions. Ito ay maaring magdulot ng pagbuti ng pakikisalamuha sa iba, pagbawas ng stress na nararanasan, at mas malalim na pagkilala sa sarili. Nangangailangan ito ng motibasyon, disiplina, trabaho sa panig na pasyente, pamilya, at doktor, upang maging epektibo. Ang isang pasyente ay makikinabang dito depende sa lala ng karamadaman, abilidad na magmuni muni tungkol sa sarili at motibasyon na isabuhay ang mga natutunan sa therapy.

Kailangan tandaan na maaring maungkat ang mga hindi magandang ala-ala habang nasa psychotherapy katulad ng guilt, anxiety, nalimutan ng galit, at lungkot lalo na sa mga unang yugto ng psychotherapy. Kapag nakakaramdam ng mga hindi magandang pakiramdam, importante na ito ay ipaalam sa iyong psychotherapist para ito ay mabigyan ng tamang konteksto at ma-process.

Tandaan, ang tinutukoy kong psychotherapy dito ay ang pormal na mga klase ng psychotherapy na may specific na pamamaraan at technique. Maraming klase ng psychotherapy (See below). Kung sa unang pag-uusap niyo ng iyong doktor ay nagpayo siya sa iyo at may mga itinuro siya sa iyong ilang paraan para gumaang ang iyong pakiramdam, ito ay maaring mapabilang sa tinatawag na brief therapy/crisis intervention o kadalasan, supportive psychotherapy. 

Ano ang ginagawa sa psychotherapy?

Isipin na parating may 3 bahagi ang kahit anong klase ng psychotherapy. Una, ang assessment na bahagi. Dito, kinukuhaan ng background na impormasyon ng therapist ang pasyente. Maari itong magfocus sa mga pangyayari na kasalukuyang nararanasan sa pasyente o magfocus naman sa mga nangyari sa nakalipas ng pasyente. Maaari itong magtagal ng isa hanggang maraming sessions depende sa lalim ng pagkolekta ng impormasyon na kinakailangan. Maaari ring magbigay ng interpretasyon at kuro-kuro ang therapist sa mga ibabahagi ng pasyente at kadalasan magkakaroon na ng mas malalim na pagkilala ang pasyente sa kanilang sarili. Maaari ring madiskubre ng pasyente sa paglalahad ng kanilang talambuhay o kasalukuyang mga karanasan na iba na ang pananaw nila ngayon sa kanilang mga karanasan kumpara noong panahon na naganap ito. Sa ikalawang bahagi, mag se-set ng goals/objectives (layunin) ang therapist at pasyente. Ano ang mga tratrabahuhin nila para isaayos at baguhin. Ikatlo, ay ang mismong mga sessions kung saan isasakatuparan ang mga napagusapang mga plano at layunin. May iba ibang paraan, technique, of methodology ng psychotherapy. Ito ay tatalakayin ng mas malalim sa mga susunod na bahagi. Kadalasan meron ding tinatawag na “termination phase” or pagtatapos na bahagi kung saan binabalikan kung nangyari o nakamit ba ang mga layunin ng psychotherapy at inihahanda ang pasyente sa paghihiwalay nila ng landas ng therapist.

Lahat ba ng Mental Health Condition ay maaring gamitan ng psychotherapy?

Hindi. Ginagawa ang ang psychotherapy sa tamang oras at sa tamang kondisyon ng pag-iisip ng pasyente. Kailangang handa ang isip ng pasyente (receptive) na gawin ang proseso ng psychotherapy. Karaniwan, may mga panuntunan (requirement) na hinahanap ang therapist/psychiatrist upang masabi na ang pasyente ay makikinabang sa gagawing psychotherapy.

Ano ang mga ito? (1) Kapasidad na magmuni-muni tungkol sa sarili (insight and psychological mindedness) (2) Kapasidad na makaisip sa abstract level (capacity to understand metaphors and analogies) o kapasidad na mahango ang tunay kahulugan ng mga kasabihan, salawikain, mga talinhaga, at mga kasabihan; (3) Fair judgment – kapasidad na matukoy ano ang magiging posibleng mga resulta ng isang desisyon at piliin ang mas akmang aksyon; (4) Intact Reality Testing – alam at tanggap ang katotohanan at hindi; (5) Good Impulse Control – hindi mapusok; (6) Meaningful Object Relations – matatag na kakayanang mapanatiling mabuti at buo ang imahe ng mga mahal sa buhay sa loob ng isip (Basahin: Ano ang Object Relations?); (5) Acceptable level of compartmentalization – kakayanang hindi paghaluin ang mga iba’t ibang isyu na hindi magkaugnay; (6) Acceptable Level of Frustration Tolerance – kakayanan na matanggap na hindi agad nakukuha ang lahat ng isang iglap lang.

Madalas, tinitimbang ng isang therapist/psychiatrist ang kakayanan ng isang pasyente/kliyente na mag-benefit sa psychotherapy. Maari nitong baguhin ang pamamaraan base sa mga reaksyon ng pasyente sa mga ideya at test na isasagawa niya sa pamamagitan ng matalinhagang pagtatanong.

Ano ang kaibahan ng Psychiatric Consultation at Psychotherapy Session?

Ang psychotherapy ay isa sa mga paraan ng gamutan sa psychiatry/psychology. Ang panggagamot sa psychiatry ay mahahati sa tatlong aspeto: biological, psychological, at social. Ang pagbibigay ng gamot ay ang biological na parte, ang psychotherapy ay ang sa psychological, at ang mga bagay katulad ng case management (pag asikaso ng social worker ng mga bagay na makakatulong para mapabuti ang kalagayan ng pasyente sa kaniyang lugar na ginagalawan katulad ng pagtulong magkatrabaho, mailipat sa mas akmang eskwela, o mailagay sa tamang tahanan).

Sa unang pagpunta pa psychiatrist o psychologist, karaniwan isang consultation ang ginagawa. Ang layunin nito ay makabuo ng isang diagnosis o matukoy ang mga main problems na kailangang ayusin. Maaring magbigay agad ng lunas at maari ring magtagal ng ilang meeting ang pagtukoy na ito. Maari sa pagkonsulta na ito ay makapagbigay ng payo ang therapist o makapag bigay ng ilang kuro kuro tungkol sa kalagayan ng pasyente ngunit katulad ng sabi ko na, ito ay parte ng “supportive psychotherapy,” pagbibigay lamang ng suporta. Matatawag itong isang klase ng psychotherapy ngunit hindi ito nakakapagbigay ng pangmatagalan na lunas.

Sa madaling sabi, hindi ibig sabihin na nagpunta ka sa psychiatrist at kinausap ka nito ay nakapagpsychotherapy ka na. Pinaplano ito at may tukoy na proseso.

 

Sa mga susunod na bahagi, tatalakayin pa ang…

  • Ano ang mga klase ng psychotherapy?
    • Individual Psychotherapy
      • CBT
      • Psychodynamic Psychotherapy
      • Interpersonal Psychotherapy
      • Brief Interventions at Supportive Psychotherapy
    • Group Therapy
      • Group Therapy para sa Addiction
      • Couple’s Therapy
      • Family Therapy

–Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist

Mga Maling Gawi ng Pag-iisip (Cognitive Distortions)

by , on
Mar 30, 2018

Ang isang sistema na ginagamit sa talk-therapy (psychotherapy) ay ang CBT (Cognitive Behavioral Therapy). Sa CBT, binibigyang importansiya ang mga kahulugan o interpretasyon na binibigay natin sa mga: (1) bagay na nagyayari sa atin sa totoong buhay, at (2) mga bagay na nararanasan natin sa ating pagmumuni o pag-iisip. Ang mga kahulugan o interpretasyon na ito ay nagiging dahilan para makaramdam tayo ng emosyon, at ang mga emosyon na ito ay ang magiging ugat ng kung paano tayo aaksyon, gagalaw, o mag-re-react.

Halimbawa, sinabi ng iyong boyfriend na: “Medyo sunog yung hotdog, ano. Pero masarap gusto ko ‘to tustado!” Halimbawa ng mga maari natin maisip kung mali ang gawi natin:

  • Wala na talaga akong nagawang tama.
  • Sabi niya sunog ako magluto?
  • Hihiwalayan niya na ako dahil dito.

Ang mga bagay na ito ay tinatawang sa CBT na Cognitive Distortions o mga maling gawi ng pag-iisip o pag-bibigay-kahulugan. Ang mga cognitive distortions na ito may maaring magdulot na tayo ay: maainis, madepress, magalit, atbp. Ang mga maling gawi na ito ay natutunan natin at hindi naman natin sinasadya o ginugustong isipin talaga pero naging gawi na nga natin. Dahil ito ay gawi lamang pwede itong mai-tama.

Ang mga Cognitive distortions na ito ay maaring ma-correct/mai-tama sa pamamagitan ng pag-pansin sa ating mga gawi, paglilista, at pag-mu-muni-muni kung paano natin ito maitatama.

Ang mga pinakamadalas na maling gawi ng pagbibigay-kahulugan ay:

  1. “Wala na talaga akong nagawang tama” – BLACK and WHITE THINKING – pag-grupo sa mga bagay sa dalawang mag-kasalungat na pagpipiliian lamang. Gusto niya ako vs galit siya sa akin; Lahat ng gawa ko tama vs lahat na lang mali; matalino siya vs bobo siya. Sa totong buhay maraming mga bagay na hindi mailalagay sa black o white lang, minsan may nakakalimutan tayo o sasabihin natin minsan “tao lang…” hindi natin kailangan maisip na bobo tayo o wala na tayong ginawang tama dahil lang sa nagkakamali tayo.
  2. “Sabi niya sunog ako magluto” – FILTERING – maling gawi na kung saan napapansin lang ang negatibong aspeto at doon lang nag-fofocus. Sabi sa halimbawa sa taas, gusto niya ang tostado pero ang narinig lang ng girlfriend na sinabing sunog ang luto niya.
  3. “Hihiwalayan na ako nito” – CATASTROPHIZING – parating worst-case scenario ang palagay nating mangyayari.

Ang tatlong ito ang mga pinakamadalas natin gawing mga pilipino na maling gawi ng pag-iisip. Ilan pa sa mga Cognitive distortions na ginagawa natin ay:

  1. OVERGENERALIZATION – pag nangyari minsan, parati na lang natin feeling mangyayari ulit sa bawat pagkakataon. Madalas ang mga taong nagkakaroon ng anxiety ay nag-iisip ng ganito. “Hihimatayin ako dun…”
  2. JUMPING TO CONCLUSION – wala pa nga sinasabi pero may interpretasyon na o kahulugan na sa atin. Sa halimbawa sa taas, kunwari walang sinabi si boyfriend, pero nag-isip pa rin siya paulit-ulit na: “sasabihin nito sunog ang luto ko, sasabihin nito…”
  3. DISQUALIFYING THE POSITIVE – sabi ni boyfriend “wow, gusto ko to” tapos ang maiisip pa rin ni girlfriend “nagiging mabait lang siya…”
  4. EMOTIONAL REASONING – “feeling ko ang loser ko, therefore, loser ako.” “nagagalit ako ibig sabihin may ginawa ka ngang mali.” Dahil lamang sa nararamdaman natin nag-co-conclude na tama iyon.
  5. SHOULD STATEMENTS – “DAPAT” “dapat ginawa ko yung hiling niya” “dapat hindi siya masyadong demanding” “dapat huwag siya masyadong sakim”
  6. PERSONALIZATION – bumagsak ang kapatid mo sa school, “wala kong kwentang kuya/ate/nanay/tatay” Inaako mo ang mga pagkakamali ng iba. Hindi lahat ng bagay na mangyayari na mabuti o masama ay sadyang dahil lamang sa iyo kungdi sa maraming kadahilanan.

Paano natin maitatama ang mga ito? Dapat tayo ay mag-lista sa araw-araw ng ating mga pagmumuni muni. Pagkatapos, lagyan natin kung anong cognitive distortion ang ginagawa natin at kung ano ang nararamdaman natin dahil doon. Pagakatapos mag-iisip tayo ng alternatibong paraan ng pag-iisip na mas healthy at makakabuti sa pakiramdam natin at pansinin kung pag ganoon ba ang inisip natin ay hindi na tayo makakaramdam ng masama.

“Marami pa namang pagkakataon sa susunod na makakapagluto ako ng hotdog, mas pag-bubutihin ko na”

“Gusto pala niya ng tustado, tatanungin ko kung gaano ka tustado ang gusto niya”

“Iba-iba pala ang gusto ng tao hahaha yung dati kong boyfriend ayaw ng sunog, ito gusto naman sunog hihihi…”

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Self-Harm at Suicide

by , on
Oct 16, 2017

Galing ang salitang Suicide sa mga Latin na kataga na nangangahulugang: [sui] – sarili/pansarili at [cida] – ang pumatay/ang kumitil. Literal na ang ibig sabihin ay ang pag-kitil ng sariling buhay. Ang mga taong sumasagi sa isip ang suicide ay pwedeng, iniisip lamang ito, at iniisip ng matagal, minsan buong buhay, ngunit hindi ito magawa o gagawin, at ang iba naman na nagagawa ito sa isang-kisap mata lang. Ang importanteng maintindihan tungkol sa suicide ay: (1) Una, madalas, ito ay dulot ng isang mental health issue, karaniwan ay depression, at (2) Ikalawa, ito ay nagagamot sa pamamagitan ng psychotherapy (talk-therapy) at anti-depressants(gamot).

Tatlong beses na mas madalas mag-tangka ang mga babae na mag suicide kesa lalaki ngunit apat na beses na mas madalas ang mga lalaki na maisakatuparan ito. Ito ay dahilan sa paraan ng pagtatangka. Madalas ang mga kalalakihan ay gagamit ng baril, pagtalon, o pagbigti, at ang mga ito ay lubos na nakamamatay. Mas bihira ang mag-suicide sa mga teenager, ngunit sa mga nakaraang taon, pataas ng pataas ang bilang nga mga teenagers na nagkakaroon ng pagtatangka o natutuloy ang suicide. Sa mga lalaki, mataas ang bilang na natutuloy na suicide pagkatapos ng edad na 45, at sa mga babae pagkatapos ng edad 55. Ibang mga bagay na nagpapataas ng risk ng suicide ay: walang asawa (kasama ang pagiging hiwalay, diborsaydo, o balo), mataas na antas ng social status o biglang pag-baba ng social status, pagkakaroon ng mental health issue hindi lamang depression.

Ang pinakamataas na risk factor na makapagsasabi sa atin na ang isang tao ay magtatangka na mag-suicide ay ang history na nagkaroon na ng pagtatangka noon. Mas madalas na pagtatangka, mas mataas ang chance na ito ay maganap muli.

Ang mga Mood Disorders (Basahin: Ano ang Depression? Ano ang Bipolar?) ay ang pinakamadalas na dahilan na mag-suicide ang isang tao. Ang social isolation ay nagpapalala ng suicidal tendencies ng isang Depressed. Tandaan na hindi porke’t may nakapaligid na tao sa isang taong depressed ay hindi nila pakiramdam na isolated sila. Maari ring magkaroon ng suicide sa mga taong nakakaranas ng Schizophrenia (Basahin: Ano ang Schizophrenia?), kung minsan, ito ay utos ng kanilang mga bulong (hallucinations), o nagkakaroon rin sila ng depression bukod pa sa schizophrenia dahil sa isolation na kanila dinaranas. Mataas din ang bilang ng mga taong sobrang lasing o high sa drugs na nagpapakamatay. Maaring may dinadala sila ngunit hindi naman talaga magtatangka pero nung naka-inom o high at nagkasabay na sumagi sa isip nila ang suicide ay naitutuloy nila.

Bakit Nakakaisip ang Tao na Magpakamatay?

Maraming theories na nagtatangka na magpaliwanag kung bakit nagpapakamatay ang isang tao. Noon, sinasabing ang suicide ay galit sa iba o sa mundo na ibinaling mo sa sarili (anger turned inward). Paano ito nangyayari? Habang tayo ay lumalaki, gumagawa tayo ng mga internal representations ng mga mahal natin sa buhay sa ating isip. Ang mga imahe na ito at konsepto ay dala dala natin buong buhay. Kapag tayo minsan ay nasasaktan ng isang tao, o isang pangyayari sa ating buhay sinasabi na gusto nating burahin o puksain ang imahe na iyon na nasa isip natin nung tao/bagay/pangyayari na iyon kaya ibinabaling natin ang galit sa ating sarili.

Sa mga mas makabagong paliwanag, hindi lang iisang dahilan ang makakapagpaliwanag kung bakit nagpapakamatay o nagsu-suicide ang isang tao. Madalas, ang mga nagtatangka ay may mga nais makaganti, magkaroon ng kapangnyarihan, control, mag-parusa, mag-sisi, isang paraan ng sakripsiyo, makatakas sa problema, simpleng makatulog lang, may mailigtas, ipanganak o magsimula muli (kung naniniwala sa reincarnation), o makapiling muli ang pumanaw na mahal sa buhay. Minsan, ang mga ito ay pantasya, ngunit hindi natin masabi sa mga taong nakakaranas ng kalungkutan halimbawa na hindi nila naisin na makuha ang kanilang mga wish na ito o pantasya. Sa mga pagsasaliksik, ang pinakamadalas na dahilan o trigger ng pagpapa-kamatay lalo na sa mga matagal ng nakaka-isip na gawin ito ay ang pagka-wala ng pag-asa o hopelessness.  Importanent maiparating sa mga taong nakakaisip ng suicide na hindi pa huli at may magagawa pa sa mga suliranin na kanilang dinaranas.

Ano ang Gagawin Ko sa Kaibigan Kong Nagbahagi na Gusto Niyang Magpakamatay?

  • Huwag matakot pag-usapan ang suicide. Maling konsepto na ang pag-tatanong o pag-bring-up ng topic na ito ang magbibigay ng ideya sa tao na mag-tangka. Hindi po. Bagkus, madalas hinihintay lang ng iyong kaibigan na marinig na ok lang sa iyo na ito ay pag-usapan para makapag-share sila.
  • Ungkatin kung ano ang mga detalyadong balak niya, kung meron man. Mas konkreto ang plano ng tao, mas mataas ang chance na baka nga talaga gawin niya ito. Pagkwentuhin o pagsalitain lang sila ng pagsalitain. Baka lumipas rin ang suicidal ideations (pag-iisip tungkol sa suicide) nila.
  • Bantayan sila, huwag iwan, sabihin na hindi mo sila iiwan hanggat may iba na silang makakasama. Hindi masama na ma-asiwa o makaramdam na hindi mo alamg ang iyong gagawin ngunit malaki na iyong naitutulong sa hindi pag-iwan ng iyong kaibigan.
  • Samahan sa kaniyang mga pinagkakatiwalaang family member o therapist. May pagkakataon na ang mismong pamilya ng isang taong suicidal ay hindi supportive sa kanila. Samahan sila at bigyang-diin ang importansya ng bagay na nangyayari.

Ano ang Deliberate Self-Harm?

Ang Deliberate Self-Harm (Pananakit ng Sarili) o tinatawag ding Parasuicidal Behavior ay mga taong sinasaktan ang sarili ngunit hindi naman talaga gusto mamatay. Ang karaniwan gawin ay ang paghiwa sa sarili (cutting behavior). Madalas sabihin ng mga taong gumagawa ng self-harm na hindi sila nakakaramdam ng sakit at ginagawa nila ito upang: makaramdam, maalis ang tension, maalis ang galit sa sarili (bilang parausa) o sa iba. Mataas ang tsansa(chance) na merong personality disorder (Basahin: Ano ang Personality Disorder) ang mga taong gumagawa ng self-harmful behavior.

Ano Ang Gagawing Ko Sa Kaibigan Kong May Self-Harming Behvior?

Ipayo na siya ay magpunta sa Psychiatrist/Psychologist upang mag-psychotherapy (Basahin: Ano ang Psychotherapy?).

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Paano Malalaman kung “Mature” ang Isang Tao? Pt.2

by , on
Sep 28, 2017

Ikalawang Bahagi – –

Basahin: Paano Malalaman Kung “Mature” ang Isang Tao?

Relationships – Pakikipag-kapwa

Sa usapin tungkol sa Relationships, hindi lamang ito tumutukoy sa mga romantic relationships kungdi sa pakikipag-kapwa sa lahat o ang kapasidad na bumuo ng relasyon sa kaibigan, mga acquaintances (kakilala pero hindi malapit), at kasama nga rin ang mga romantikong relasyon/pag-ibig.

Sa aspetong ito, ang mga bagay na ito ang importanteng isaalang-alang:

  1. Trust – Tiwala
  2. Sense of Self and Others –
  3. Security – Seguridad
  4. Intimacy – Pagiging Malapit
  5. Mutuality – Pagbabahagi ng Patas

Trust

Importante sa pakikipag-kapwa ang abilidad na magtiwala sa iba. Ang tiwala ay natututunan natin simula noong tayo ay sanggol pa.

Sense of Self & Other

Ang isang taong mature ay may kakayanan at nakaka-intindi na siya at ang iba ay merong mabuti at hindi magandang mga ugali. Madalas, nakikita natin ang iba o ang ating sarili mismo na “masama talaga ako,” “wala na akong nagawang maganda,” o ang iba, “demonyo ka, wala ka na nagawang maganda,” ngunit sa totoo lang, ang isang tao ay binubuo na meron parehong maganda at hindi mabuting mga ugali at aspeto.

Sa mga taong may sapat na maturity, nakikita nila ang mga tao na merong sariling mga paniniwala, damdamin, emosyon, pangangailangan, at mga dahilan kung bakit nila ginagawa ang mga ginagawa nila. May mga pagkakataon na hindi natin naiintindihan kung bakit ayaw sumama sa libangan natin ang ating mga kaibigan o mahal sa buhay. “Bakit ayaw niya ako samahan manood ng horror movie?” Nakakalimutan natin na sila ay hiwalay na tao at hindi umiikot ang mundo sa atin. Sila ay may mga sariling hilig at damdamin. Ang isang mature na tao ay naiisip at natatanggap ito, at hindi sila madaling masasaktan, at maari nilang maisip, “baka takot siya sa horror, hindi siya nag-eenjoy.

Security

Ito ay tumutukoy sa pagkaka-intindi na kahit:

  • wala sa paligid ang iyong kaibigan o mahal sa buhay
  • may hindi pagkakaunawaan
  • may iba pang hindi ok sa relasyon

hindi nito ibig sabihin na maglalaho o awtomatikong masisira ang relasyon.

Kung ang tao ay may karakter na pagiging secured, karaniwan sila ay kayang magpanatili ng relasyon kahit na meron isa o ilang bagay na hindi nila partikular na gusto tungkol sa isang tao. Meron silang ilang mga relasyon mapa-kaibigan, pag-ibig, o acquaintance na tumagal, at naglalaan sila ng panahon at enerhiya sa pakikipag-kapwa para mapanatili ang kanilang relasyon.

Intimacy – Pagiging Malapit

Ang pagiging malapit na tinutukoy sa intimacy ay hindi lamang sa aspetong sekswal kungdi ang abilidad natin na makapag-bahagi tungkol sa ating sarili, sa ating mga nararamdaman, sa ating mga karanasan, mga gusto at minimithi, at mga kabiguan (disappointments).

Kung ang relasyon natin sa isang kaibigan o mahal sa buhay halimbawa ay mature, nasa level ito na nakakapagbahagian tayo ng ilang bagay tungkol sa ating sarili. May mga pagkakataon na isang aspeto lang ang ating naibabahagi, halimbawa, mga karanasan natin naikwekwento natin sa mga kaibigan, at ang iba naman ay naibabahagi natin sa ating romantic partner, at ito ay ok lang. Siempre, ang pagiging malapit natin sa iba ay nakasaalang-alang sa level ng tiwala natin sa tao. Kasama ang kapasidad nating kumilatis kung katiwa-tiwala ang isang tao para tayo ay makipag-kapwa sa kanila kung tayo ay magbabahagi ng tungkol sa ating sarili at sa level of maturity natin bilang isang tao.

Mutuality

May mga taong “take ng take,” sa isang relasyon. Karaniwan sa mga taong ito na mababa ang kapasidad na makaramdam kung ano naiisip at nararamdaman ng iba (empathy). May mga taong bigay rin naman ng bigay. Pareho itong hindi “matured” o “healthy.” Ang isang relasyon ay dapat may balanseng pagtanggap at pagbibigay.

Tinitimbang natin sa pangkabuuan ang mga tinatalakay natin tungkol sa ating sarili at relasyon at ang mga susunod pa nating tatalakayin kung ang isang tao ay may sapat na maturity o wala. Walang iisang criteria o pamantayan o bilang para masabi na ikaw ay matured o hindi kungdi, kung mas maraming bagay na nagtuturo na ikaw ay may maturity, ikaw ay matured. Maari rin na halimbawa ikaw ay matured sa iyong pagkakakilala sa sarili ngunit kulang sa maturity sa pakikipagkapwa.

Sa susunod, tatalakayin pa nating ang iba pang mga aspeto.

Abangan: Huling Bahagi – – Adapting, Cognition, Work & Play

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Paano Malalaman kung “Mature” ang Isang Tao?

by , on
Sep 23, 2017

Unang Bahagi – – Madalas, masasabihan ka ng iyong SO (significant other, kasintahan, ano man ang gusto mong itawag dun), “immature ka kasi!” Ano ba ang batayan kung ang isang tao ay “mature.”

Ang mga sumusunod po ang ginagamit kong batayan kapag sinusuri ko ang ugali ng pasyente/kliyente:

  • Self – “sarili,” o pagkakakilala sa sarili
  • Relationships – pakikipag kapwa (hindi lamang eksklusibo sa romantikong relasyon)
  • Adapting – pagbagay sa sitwasyon
  • Cognition – pag-intindi o pag-“interpret” sa mga naoobserbahan sa loob at labas ng sarili
  • Work & Play – pagiging productive/silbi at paglilibang

Talakayin po natin ang una…

Self – “sarili,” o pagkaka-kilala sa sarili

May dalawang bagay po na importante kung ating pinaguusapan ang ating sarili, una, ay yung pagkaka-kilala mismo natin sa ating sarili, at pangalawa, yung pag-control natin ng ating self-esteem (pagpapahalaga sa sarili).

1. Ang pagkaka-kilala natin sa ating sarili

Ito ay pwede rin nating tawaging – Identity. Ikaw ba ay sigurado sa iyong pagkaka-kilala sa iyong sarili? Karaniwan, kung ikaw ay sigurado, ginagamit mo ito sa mga desisyon na ginagawa mo sa buhay. Halimbawa, nakikita mo ang iyong sarili bilang isang mapagkawang-gawa gusto parati tumulong sa iba kaya pinili mo maging social worker. Kung hindi ka sigurado sa iyong pagkakakilala sa sarili mo, maari itong maging dahilan kaya di ka makapili ng gusto mong gawin sa buhay, o magkaroon ng isang desisyon, isa sa mga tanda ng pagiging immature. Kung kilala mo talaga ang sarili mo na ikaw ang tipong hindi komportable sa mga sosyalan, hindi mo ilalagay ang sarili mo sa sitwasyon na iyon at hindi ka rin manghihinayang na hindi ka nakasama.

Isa pang bagay ay ang mga pantasya (fantasy) mo patungkol sa iyong sarili. Normal na magkaroon ng pantasya tungkol sa iyong sarili. Ang mga pantasyang ito tungkol sa ating sarili ang nagbibigay sa atin ng aliw, comfort, mga goals(layunin), at escape (panandaling pagtakas sa realidad). Ang tanda kung ikaw ay mature o immature ay kung ang iyong mga pantasya ay katulad o kahanay, o magkadugtong sa iyong identity. Sa halimbawa kong unang nabanggit, pantasya mo kunwari na kilalanin ka o bigyan ng Nobel Peace Prize katulad ni Mother Theresa sa pagiging social worker. Magkadugtong ang mga pantasya mo at kung ano ang tunay na pagkakakilala mo sa iyong sarili. Kung ikaw ay immature, maaring pantasya mo pa rin maging si spider man. 🙂

2. Pag-control ng ating self-esteem (Pagpapahalaga sa sarili)

Una, isa sa mga tanda ng maturity ay ang kahinaan o tibay sa mga banta laban sa self-esteem. Halimbawa may magsabi sa iyo na “ang pangit ng gawa mo…” ikaw ba ay mawawalan agad ng pagpapahalaga sa sarili o medyo matibay ang iyong loob?

Kung magkaroon ng pagkakataon na may mga ganoong banta, ano ang iyong nagiging paraan ng pag-adapt? Ito yung mga tinatawag na defense mechanisms (Basahin: Ano yung mga Defense Mechanisms?) May mga paraan na matatawag nating mature na mga paraan ng pag-adapt – – halimbawa, magsisipag ka sa trabaho o eskwela, o itututok mo ang sarili mo sa pag-gygym, magiging mas competitive o magiging less competitive ka, o tatawa ka na lang kasama nila sa gawa mo. May mga paraan din na hindi masyadong mature — halimbawa, magagalit ka at magyayabang na “hindi ang ganda nga nito!”, magdadabog ka dun sa taong nagsabing pangit ang gawa mo, o di kaya aawayin mo yung katulong niyo dun mo ipapasa ang iyong inis.

Karaniwan kung may nakikita tayo sa iba na bagay o kakayanan na atin din gusto para sa ating sarili, nakakaramdam tayo ng inggit. Kung nakakaramdam ka na gusto mo maging katulad ng taong iyon o magakaroon din ng meron siya, o kahit higit pa, ok lang ‘yon, hindi yun immature. Pero kung nakakaramdam ka na gusto mong sirain siya para makalampas, yun ang emotional immaturity.

Isa pa sa mga tanda ay kung paano natin ginagamit ang ibang tao para mapanatili natin ang ating self-esteem. Tanda ng maturity ang kakayanan mo mapanatili ang iyong self-esteem kahit hindi parati kang nabibigyan ng papuri patungkol sa iyong sarili. Siempre, kung puro batikos ang iyong maririnig, may masama itong epekto. Ang punto ko ay karaniwan sa mga kulang sa maturity ay ang parati nilang kailangan mabigyan ng papuri para mapanatili ang integridad ng kanilang self-esteem. At pag nawala ang mga ito, guguho ang kanilang identity at self-esteem.

Unang bahagi pa lang po ng topic na ito, sa susunod, tatalakayin ko ang… Relationships (pakikipag kapwa).

Ito po ba ay isang interesting na topic para sa inyo? Welcome po ang feedback at mga tanong, ipadala lamang sa email na nasa ibaba.

Basahin: Ikalawang Bahagi – Relationships

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================