Ang psychotherapy o talk therapy ay isang mabisang paraan ng gamutan sa maraming mental health conditions. Ito ay maaring magdulot ng pagbuti ng pakikisalamuha sa iba, pagbawas ng stress na nararanasan, at mas malalim na pagkilala sa sarili. Nangangailangan ito ng motibasyon, disiplina, trabaho sa panig na pasyente, pamilya, at doktor, upang maging epektibo. Ang isang pasyente ay makikinabang dito depende sa lala ng karamadaman, abilidad na magmuni muni tungkol sa sarili at motibasyon na isabuhay ang mga natutunan sa therapy.
Kailangan tandaan na maaring maungkat ang mga hindi magandang ala-ala habang nasa psychotherapy katulad ng guilt, anxiety, nalimutan ng galit, at lungkot lalo na sa mga unang yugto ng psychotherapy. Kapag nakakaramdam ng mga hindi magandang pakiramdam, importante na ito ay ipaalam sa iyong psychotherapist para ito ay mabigyan ng tamang konteksto at ma-process.
Tandaan, ang tinutukoy kong psychotherapy dito ay ang pormal na mga klase ng psychotherapy na may specific na pamamaraan at technique. Maraming klase ng psychotherapy (See below). Kung sa unang pag-uusap niyo ng iyong doktor ay nagpayo siya sa iyo at may mga itinuro siya sa iyong ilang paraan para gumaang ang iyong pakiramdam, ito ay maaring mapabilang sa tinatawag na brief therapy/crisis intervention o kadalasan, supportive psychotherapy.
Isipin na parating may 3 bahagi ang kahit anong klase ng psychotherapy. Una, ang assessment na bahagi. Dito, kinukuhaan ng background na impormasyon ng therapist ang pasyente. Maari itong magfocus sa mga pangyayari na kasalukuyang nararanasan sa pasyente o magfocus naman sa mga nangyari sa nakalipas ng pasyente. Maaari itong magtagal ng isa hanggang maraming sessions depende sa lalim ng pagkolekta ng impormasyon na kinakailangan. Maaari ring magbigay ng interpretasyon at kuro-kuro ang therapist sa mga ibabahagi ng pasyente at kadalasan magkakaroon na ng mas malalim na pagkilala ang pasyente sa kanilang sarili. Maaari ring madiskubre ng pasyente sa paglalahad ng kanilang talambuhay o kasalukuyang mga karanasan na iba na ang pananaw nila ngayon sa kanilang mga karanasan kumpara noong panahon na naganap ito. Sa ikalawang bahagi, mag se-set ng goals/objectives (layunin) ang therapist at pasyente. Ano ang mga tratrabahuhin nila para isaayos at baguhin. Ikatlo, ay ang mismong mga sessions kung saan isasakatuparan ang mga napagusapang mga plano at layunin. May iba ibang paraan, technique, of methodology ng psychotherapy. Ito ay tatalakayin ng mas malalim sa mga susunod na bahagi. Kadalasan meron ding tinatawag na “termination phase” or pagtatapos na bahagi kung saan binabalikan kung nangyari o nakamit ba ang mga layunin ng psychotherapy at inihahanda ang pasyente sa paghihiwalay nila ng landas ng therapist.
Hindi. Ginagawa ang ang psychotherapy sa tamang oras at sa tamang kondisyon ng pag-iisip ng pasyente. Kailangang handa ang isip ng pasyente (receptive) na gawin ang proseso ng psychotherapy. Karaniwan, may mga panuntunan (requirement) na hinahanap ang therapist/psychiatrist upang masabi na ang pasyente ay makikinabang sa gagawing psychotherapy.
Ano ang mga ito? (1) Kapasidad na magmuni-muni tungkol sa sarili (insight and psychological mindedness) (2) Kapasidad na makaisip sa abstract level (capacity to understand metaphors and analogies) o kapasidad na mahango ang tunay kahulugan ng mga kasabihan, salawikain, mga talinhaga, at mga kasabihan; (3) Fair judgment – kapasidad na matukoy ano ang magiging posibleng mga resulta ng isang desisyon at piliin ang mas akmang aksyon; (4) Intact Reality Testing – alam at tanggap ang katotohanan at hindi; (5) Good Impulse Control – hindi mapusok; (6) Meaningful Object Relations – matatag na kakayanang mapanatiling mabuti at buo ang imahe ng mga mahal sa buhay sa loob ng isip (Basahin: Ano ang Object Relations?); (5) Acceptable level of compartmentalization – kakayanang hindi paghaluin ang mga iba’t ibang isyu na hindi magkaugnay; (6) Acceptable Level of Frustration Tolerance – kakayanan na matanggap na hindi agad nakukuha ang lahat ng isang iglap lang.
Madalas, tinitimbang ng isang therapist/psychiatrist ang kakayanan ng isang pasyente/kliyente na mag-benefit sa psychotherapy. Maari nitong baguhin ang pamamaraan base sa mga reaksyon ng pasyente sa mga ideya at test na isasagawa niya sa pamamagitan ng matalinhagang pagtatanong.
Ang psychotherapy ay isa sa mga paraan ng gamutan sa psychiatry/psychology. Ang panggagamot sa psychiatry ay mahahati sa tatlong aspeto: biological, psychological, at social. Ang pagbibigay ng gamot ay ang biological na parte, ang psychotherapy ay ang sa psychological, at ang mga bagay katulad ng case management (pag asikaso ng social worker ng mga bagay na makakatulong para mapabuti ang kalagayan ng pasyente sa kaniyang lugar na ginagalawan katulad ng pagtulong magkatrabaho, mailipat sa mas akmang eskwela, o mailagay sa tamang tahanan).
Sa unang pagpunta pa psychiatrist o psychologist, karaniwan isang consultation ang ginagawa. Ang layunin nito ay makabuo ng isang diagnosis o matukoy ang mga main problems na kailangang ayusin. Maaring magbigay agad ng lunas at maari ring magtagal ng ilang meeting ang pagtukoy na ito. Maari sa pagkonsulta na ito ay makapagbigay ng payo ang therapist o makapag bigay ng ilang kuro kuro tungkol sa kalagayan ng pasyente ngunit katulad ng sabi ko na, ito ay parte ng “supportive psychotherapy,” pagbibigay lamang ng suporta. Matatawag itong isang klase ng psychotherapy ngunit hindi ito nakakapagbigay ng pangmatagalan na lunas.
Sa madaling sabi, hindi ibig sabihin na nagpunta ka sa psychiatrist at kinausap ka nito ay nakapagpsychotherapy ka na. Pinaplano ito at may tukoy na proseso.
Sa mga susunod na bahagi, tatalakayin pa ang…
–Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Psychiatrist
Maraming tao ang nakakaranas ng panandaliang hirap sa pagtulog. Maaring may pagbabagong nangyari kamakailan lang sa buhay, namamahay, o may iniisip.
Iba’t ibang klase ang hirap sa pagtulog. Pwedeng: (1) hirap makatulog, pero pag nakatulog na tuloy tuloy na; (2) parating nagigising (tulog manok); o (3) nagigising ng madaling araw tapos di na makabalik sa pagtulog. Pwede ring kombinasyon ng mga ito at iyon ay minsan nangangahulugang, buong gabi ka ng di makatulog.
Maari ring ang problema ay na-iba ang iyong “body clock.” Sa umaga ka na nakakatulog.
Ito ay mga bagay na itatanong sa iyo kung ikaw ay komunsulta sa isang sleep specialist na internist o isang psychiatrist.
Pagbutihin ang iyong “sleep hygiene.” Ito ay mga habits, o gawi natin bago matulog na dapat ay papagbutihin.
Pwede uminom ng melatonin (sleepasil), iterax, o diphenhydramine kahit hindi kumonsulta. Ito ay mga over-the-counter na gamot.
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Ang isang sistema na ginagamit sa talk-therapy (psychotherapy) ay ang CBT (Cognitive Behavioral Therapy). Sa CBT, binibigyang importansiya ang mga kahulugan o interpretasyon na binibigay natin sa mga: (1) bagay na nagyayari sa atin sa totoong buhay, at (2) mga bagay na nararanasan natin sa ating pagmumuni o pag-iisip. Ang mga kahulugan o interpretasyon na ito ay nagiging dahilan para makaramdam tayo ng emosyon, at ang mga emosyon na ito ay ang magiging ugat ng kung paano tayo aaksyon, gagalaw, o mag-re-react.
Halimbawa, sinabi ng iyong boyfriend na: “Medyo sunog yung hotdog, ano. Pero masarap gusto ko ‘to tustado!” Halimbawa ng mga maari natin maisip kung mali ang gawi natin:
Ang mga bagay na ito ay tinatawang sa CBT na Cognitive Distortions o mga maling gawi ng pag-iisip o pag-bibigay-kahulugan. Ang mga cognitive distortions na ito may maaring magdulot na tayo ay: maainis, madepress, magalit, atbp. Ang mga maling gawi na ito ay natutunan natin at hindi naman natin sinasadya o ginugustong isipin talaga pero naging gawi na nga natin. Dahil ito ay gawi lamang pwede itong mai-tama.
Ang mga Cognitive distortions na ito ay maaring ma-correct/mai-tama sa pamamagitan ng pag-pansin sa ating mga gawi, paglilista, at pag-mu-muni-muni kung paano natin ito maitatama.
Ang mga pinakamadalas na maling gawi ng pagbibigay-kahulugan ay:
Ang tatlong ito ang mga pinakamadalas natin gawing mga pilipino na maling gawi ng pag-iisip. Ilan pa sa mga Cognitive distortions na ginagawa natin ay:
Paano natin maitatama ang mga ito? Dapat tayo ay mag-lista sa araw-araw ng ating mga pagmumuni muni. Pagkatapos, lagyan natin kung anong cognitive distortion ang ginagawa natin at kung ano ang nararamdaman natin dahil doon. Pagakatapos mag-iisip tayo ng alternatibong paraan ng pag-iisip na mas healthy at makakabuti sa pakiramdam natin at pansinin kung pag ganoon ba ang inisip natin ay hindi na tayo makakaramdam ng masama.
“Marami pa namang pagkakataon sa susunod na makakapagluto ako ng hotdog, mas pag-bubutihin ko na”
“Gusto pala niya ng tustado, tatanungin ko kung gaano ka tustado ang gusto niya”
“Iba-iba pala ang gusto ng tao hahaha yung dati kong boyfriend ayaw ng sunog, ito gusto naman sunog hihihi…”
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Karaniwan sinasabi na kapag nagpapatingin sa isang mental health professional ay “baliw” ang isang tao. “May tama” “May sayad,” at iba pa. Pero, ano nga ba yung ibig sabihin ng baliw??
Ang pinaka tinutukoy ng katagang baliw karaniwan ay ang mga pasyente na may Schizophrenia na malala (Basahin: Ano ang Schizophrenia?). Sila yung mga taong pwedeng maging taong grasa kung di magamot. Sila yung may pscyhotic symptoms na malala.
Ang dalawang pinaka karaniwang halimbawa ng psychotic symptoms ay:
Una, hallucinations – may nakikita o naririnig, o nararanasan na sila lamang ang nakakaramdam. Maaring may naririnig silang boses na nagsasabi ng mga insulto sa kanila o di kaya sinasabing papatayin sila kaya sila naprapraning. (Basahin: Mga halimbawa ng hallucinations) Minsan dahil dito nagkakaroon sila nitong pangalawang psychotic symptom na ang tawag ay…
Ikalawa, delusions. Ang delusions ay mga paniniwalang hindi totoo pero kumbinsidong kumbinsido ang taong meron nito. Halimbawa, pinipilit nila na may masamang balak ang kapit bahay sa kanila o di kaya siya ay pinag uusapan ng lahat ng tao. Karaniwan malalaman na ito ay delusions dahil sa tindi ng pagtatanggol nila ng paniniwalang ito. Ipipilit talaga nila na ito ay tunay. (Basahin: Iba’t-ibang klase ng Delusions)
Pag hindi nagamot, maaring lumala ang psychosis at sila yung tatawaging baliw.
Nakikita ang psychosis sa Schizophrenia. Maari rin ito makita sa depression at bipolar kung sobrang malala ng mood disorder.
(Basahin: Ano ang Depression? Ano ang Bipolar?)
Hindi lahat ng nagpupunta sa psychiatrist ay baliw. Tulad ng hindi lahat ng nagpupunta sa internist ay may cancer. Maraming sakit ang ginagamot ng internist, surgeon, ENT, at Ophtha. Yung mag-asawang may problema sa kanilang lovelife dumudulog sa psychiatrist para sa couples therapy. Di naman sila baliw. Yung matandang may memory gap o nag-uulyanin di naman baliw pero pasyente rin namin. Yung millenial na hirap mag-adjust sa bagong trabaho at sabay na nag-aaral di baliw pero tinutulungan din namin. Yung pulis na may nerbiyos di rin baliw, pasyente rin namin.
Ang mga taong nagsasabing baliw ang nagpupunta sa mental health professional ay dapat turuan upang hindi sila manatiling ignorante dito. Huwag agad pagbintangan na makitid ang utak bagkus bigyan ng pagkakataon na mapaliwanagan. Pabasa ninyo kaya ito sa kanila.
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Galing ang salitang Suicide sa mga Latin na kataga na nangangahulugang: [sui] – sarili/pansarili at [cida] – ang pumatay/ang kumitil. Literal na ang ibig sabihin ay ang pag-kitil ng sariling buhay. Ang mga taong sumasagi sa isip ang suicide ay pwedeng, iniisip lamang ito, at iniisip ng matagal, minsan buong buhay, ngunit hindi ito magawa o gagawin, at ang iba naman na nagagawa ito sa isang-kisap mata lang. Ang importanteng maintindihan tungkol sa suicide ay: (1) Una, madalas, ito ay dulot ng isang mental health issue, karaniwan ay depression, at (2) Ikalawa, ito ay nagagamot sa pamamagitan ng psychotherapy (talk-therapy) at anti-depressants(gamot).
Tatlong beses na mas madalas mag-tangka ang mga babae na mag suicide kesa lalaki ngunit apat na beses na mas madalas ang mga lalaki na maisakatuparan ito. Ito ay dahilan sa paraan ng pagtatangka. Madalas ang mga kalalakihan ay gagamit ng baril, pagtalon, o pagbigti, at ang mga ito ay lubos na nakamamatay. Mas bihira ang mag-suicide sa mga teenager, ngunit sa mga nakaraang taon, pataas ng pataas ang bilang nga mga teenagers na nagkakaroon ng pagtatangka o natutuloy ang suicide. Sa mga lalaki, mataas ang bilang na natutuloy na suicide pagkatapos ng edad na 45, at sa mga babae pagkatapos ng edad 55. Ibang mga bagay na nagpapataas ng risk ng suicide ay: walang asawa (kasama ang pagiging hiwalay, diborsaydo, o balo), mataas na antas ng social status o biglang pag-baba ng social status, pagkakaroon ng mental health issue hindi lamang depression.
Ang pinakamataas na risk factor na makapagsasabi sa atin na ang isang tao ay magtatangka na mag-suicide ay ang history na nagkaroon na ng pagtatangka noon. Mas madalas na pagtatangka, mas mataas ang chance na ito ay maganap muli.
Ang mga Mood Disorders (Basahin: Ano ang Depression? Ano ang Bipolar?) ay ang pinakamadalas na dahilan na mag-suicide ang isang tao. Ang social isolation ay nagpapalala ng suicidal tendencies ng isang Depressed. Tandaan na hindi porke’t may nakapaligid na tao sa isang taong depressed ay hindi nila pakiramdam na isolated sila. Maari ring magkaroon ng suicide sa mga taong nakakaranas ng Schizophrenia (Basahin: Ano ang Schizophrenia?), kung minsan, ito ay utos ng kanilang mga bulong (hallucinations), o nagkakaroon rin sila ng depression bukod pa sa schizophrenia dahil sa isolation na kanila dinaranas. Mataas din ang bilang ng mga taong sobrang lasing o high sa drugs na nagpapakamatay. Maaring may dinadala sila ngunit hindi naman talaga magtatangka pero nung naka-inom o high at nagkasabay na sumagi sa isip nila ang suicide ay naitutuloy nila.
Maraming theories na nagtatangka na magpaliwanag kung bakit nagpapakamatay ang isang tao. Noon, sinasabing ang suicide ay galit sa iba o sa mundo na ibinaling mo sa sarili (anger turned inward). Paano ito nangyayari? Habang tayo ay lumalaki, gumagawa tayo ng mga internal representations ng mga mahal natin sa buhay sa ating isip. Ang mga imahe na ito at konsepto ay dala dala natin buong buhay. Kapag tayo minsan ay nasasaktan ng isang tao, o isang pangyayari sa ating buhay sinasabi na gusto nating burahin o puksain ang imahe na iyon na nasa isip natin nung tao/bagay/pangyayari na iyon kaya ibinabaling natin ang galit sa ating sarili.
Sa mga mas makabagong paliwanag, hindi lang iisang dahilan ang makakapagpaliwanag kung bakit nagpapakamatay o nagsu-suicide ang isang tao. Madalas, ang mga nagtatangka ay may mga nais makaganti, magkaroon ng kapangnyarihan, control, mag-parusa, mag-sisi, isang paraan ng sakripsiyo, makatakas sa problema, simpleng makatulog lang, may mailigtas, ipanganak o magsimula muli (kung naniniwala sa reincarnation), o makapiling muli ang pumanaw na mahal sa buhay. Minsan, ang mga ito ay pantasya, ngunit hindi natin masabi sa mga taong nakakaranas ng kalungkutan halimbawa na hindi nila naisin na makuha ang kanilang mga wish na ito o pantasya. Sa mga pagsasaliksik, ang pinakamadalas na dahilan o trigger ng pagpapa-kamatay lalo na sa mga matagal ng nakaka-isip na gawin ito ay ang pagka-wala ng pag-asa o hopelessness. Importanent maiparating sa mga taong nakakaisip ng suicide na hindi pa huli at may magagawa pa sa mga suliranin na kanilang dinaranas.
Ang Deliberate Self-Harm (Pananakit ng Sarili) o tinatawag ding Parasuicidal Behavior ay mga taong sinasaktan ang sarili ngunit hindi naman talaga gusto mamatay. Ang karaniwan gawin ay ang paghiwa sa sarili (cutting behavior). Madalas sabihin ng mga taong gumagawa ng self-harm na hindi sila nakakaramdam ng sakit at ginagawa nila ito upang: makaramdam, maalis ang tension, maalis ang galit sa sarili (bilang parausa) o sa iba. Mataas ang tsansa(chance) na merong personality disorder (Basahin: Ano ang Personality Disorder) ang mga taong gumagawa ng self-harmful behavior.
Ipayo na siya ay magpunta sa Psychiatrist/Psychologist upang mag-psychotherapy (Basahin: Ano ang Psychotherapy?).
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Under Construction.
Ano ang mga karaniwang ginagamit na gamot at ano ang mga mabuti at di mabuti (side effects) na naidudulot nila?
Ang mga psychiatric medications ay maigrugrupo sa ilang pamilya. Ngunit (at importante itong maintindihan) hindi nangangahulugan na ito ay maari lamang gamitin sa ganoong pamilya rin ng mga karamdaman. Bakit? Ang mga gamot ay kumakabit sa mga bahagi ng utak na parang susian (ang gamot ang susi) o keyhole upang ibukas ang pinto o isara ang pinto para dumaloy ang signal. Ang mga susian na ito sa utak ay tinatawag na receptors. Ang ibat ibang klaseng susian na ito ay nagkalat sa utak. Minsan ang ibang gamot ay kaya rin kumabit sa susian ng ibang sakit kaya sila rin ay ginagamit.
Ang mga grupo ng gamot na ating tatalakayin ay:
Layunin: mawala o mabawasan ang psychosis – hallucination (Basahin:) at delusions.
Mga karaniwang halimbawa: Risperidone, Olanzapine, Clozapine, Aripiprazole, Amisulpride
Iba pang gamit: maari rin gamitin ang mga antipsychotics sa: autism at adhd, dementia, mga nag dedeliryo, bipolar at depressed kung kailangan kontrolin ang kanilang pagiging agresibo o pag may kaunting hallucination na nahahalo o bilang pampatulog.
Ang mga anti Psychotics ay kumakapit sa mga dopamine receptors(susian) para isara ang pinto at hindi makapasok ang dopamine.
Ang dopamine ay isang “neurotransmitter.” Ang mga neurotransmitter ay chemical na ginagamit ng utak para magpadala ng signal. Kunwari may nililigawan ka papadalan mo ng bulaklak. Alam niya na may ibig sabihin iyon. Sinasabing sobra ang dopamine sa ilang parte ng utak kung may psychosis. Ang antipsychotics ay ipipinid ang pinto para hindi makaraan ang dopamine at makapagdulot ng psychosis.
Ano ang kaibahan ng mga iba’t ibang anti Psychotics?
Risperidone – mataas ang dopamine activity. Maaring gamitin sa mga bata at matanda sa mababang dose kumpara sa ibang mga ka-grupo nito.
Olanzapine – nakakaantok, nakakataba, nakaka lakas kumain, nakaka lala ng diabetes, maaring makapag trigger ng epilepsy
Clozapine – karaniwang nirereserba sa mga malalang kaso ng psychosis o matagal ng karamdaman na nakasubok na ng ibang gamot na nabawasan na ng bisa. Ginagamit din sa mga suicidal. Nakaka-antok, nakakataba, at nakaka-lakas kumain rin.
Aripiprazole – swabe ang epekto sa dopamine. Bahagya lamang “mag-sara” ng pinto.
Amisulpride
Layunin: tumaas ang mood
Mga Karaniwang Halimbawa: Escitalopram, Sertraline, Fluoxetine, Paroxetine
Iba pang gamit: Ginagamit din ang mga gamot na ito sa Anxiety(Nerbiyos) at OCD (Obsessive Compulsive Disorder)
Ang mga anti-depressants ay kumakapit sa Serotonin receptors. Ang serotonin ay sinasabing mababa sa ilang lugar sa utak kung ang tao ay depressed. Tumataas ang availability ng serotonin sa utak sa pamamagitan ng mga makabagong anti-depressants. Ang mahirap ay mabagal bago ito tumalab, mga 2 hanggang 3 linggo bago magsimulang tumalab ang mga gamot na ito. Magtataka ang mga pasyente kung hindi maipapaliwanag kung bakit matagal bago makaramdam ng ginhawa.
Ano ang kaibahan ng mga anti-depressants?
Escitalopram – mas safe sa mga matatanda o maraming iniinom na gamot, mas konti ang inter-aksyon sa ibang mga gamot.
Sertraline – ginagamit rin sa anxiety
Fluoxetine – matagal ang buhay (duration of action)
Paroxetine – nakaka-antok
Layunin: dalhin sa gitna ang mood. Hindi masyadong low-batt (depressed), hindi rin hyper (manic)
Mga Karaniwang Halimbawa: Lithium, Valproate (Divalproex Sodium or Sodium Valproate+Valproic Acid), Lamotrigine
Iba pang gamit: Kombulsyon o epilepsy
Hindi pa matukoy ang partikular na mekanismo bakit gumagana ang mga mood stabilizer. Basta, gumagana sila.
Matagal din sila bago gumana. Ang mga taong sobrang hyper (Basahin: Ano ang Bipolar?) minsan tatagal ng 3 linggo o isang buwan bago humupa ng lubos ang sumpong. Madalas kapag matindi ang sumpong sasabayan ng antipsychotic ang mood stabilizer para mas mabilis humupa ang sumpong, pag kalmado na ang pasyente, iiwanan na lang ang mood stabilizer para gawing maintenance.
Lithium – madaling magkaroon ng side-effect kung di pag-iingatan ang pag-inom. Dapat i-test ang dugo kung tama ang levels tuwing magche-check up para masiguradong tama ang levels. Iwasan ma-dehydrate dahil lalabas din ang mga side effects tulad ng pag sakit ng tiyan (karaniwang unang lalabas), pagkahilo, panginginig, pagkatuyo ng bibig, pagsusuka, di mapakali.
Valproate/Valproic – ito ay makikita sa dalawang formulation: ang Divalproex at and Sodium Valproate. Pareho lamang ito. Magkaiba lamang ng paraan ng pag-absorb. Bawal sa buntis ang Valproic lalo na sa unang ilang buwan, mag-dudulot ito na maging abnormal ang pag-develop ng baby. Safe ito sa mga hindi buntis, hindi lang safe para kay baby.
Lamotrigine – sinasabing mabuti sa mga bipolar depressed. May possibleng side effect na parang nalalaglag ang balat mula sa katawan. Ipapaliwanag ito sa iyo ng doktor.
Layunin: kumalma ka o makatulog ka
Mga Karaniwang Halimbawa: Zolpidem (Stillnox), Diazepam (Valium), Clonazepam(Rivotril), Alprazolam(Xanor), Bromazepam(Lexotan), —vs—Diphenhydramine(Benadryl), Melatonin (Sleepasil)
Iba pang gamit: para sa nerbiyos, o para sa kombulsyon
Bukod sa Diphenhydramine at Melatonin sa itaas, ang mga binanggit ko ay talagang pampatulog. May mga gamot na may side effect na bahagyang nakaka-antok at ito ay maaring gamitin kahit walang pagkonsulta sa doktor. Ang mga halimbawa ko ay kailangan ng espesyal na reseta para mabili.
Ang mababang dose ng mga gamot na ito ay pampakalma ang mas mataas na dose naman ay pampatulog. Pag ikaw ay umasa lamang sa pampatulog at hindi ginamot ang totoong dahilan ng insomnia o anxiety, hindi mo na matitigilang ang pag-gamit nito at katagalan ay di na ito tatalab. Importante ang pag-uusap niyo ng doktor paano malulunasan ng tuluyan ang nararamdaman mo.
Nagkaka-iba lamang ang mga gamot na ito sa tagal ng epekto nila (ilang oras). Alam ng doktor mo ang akma sa iyo na gamot.
Ang dipehnhydramine ay anti-allergy na gamot na nakaka-antok kaya pwedeng gamitin na pampatulog. Ito ay over-the-counter na gamot.
Ang melatonin ay isang chemical na meron tayo sa utak, habang umaandar ang oras, dumadami ito sa ating utak habang papa-gabi. Pag sapat na ang dami nito, aantukin tayo. Isa itong supplement at over-the-counter na mabibili. Kung hindi melatonin ang problema mo, siyempre hindi ito tatalab.
Tandaan, sa pagbabasa ng pabalat ng gamot, maraming nakalistang side-effects ng mga gamot. Madalas rin tanungin ng mga pasyente at kasama nila ano ang mga side-effects ng isang partikular na gamot. Hindi awtomatiko na mararanasan ng bawat pasyente ang mga nakalistang side-effects.
Ito ay mga “possibleng” side-effects lamang. Sa mga pag-aaral iba-iba ang porsyento/chance/tsansa na lumabas ang mga ito at ito ay depende sa maraming kadahilanan.
Totoo ito. Ang tawag sa konseptong ito ay “pharmacogenomics.” Ibig sabihin, maaring kahit parehong generic minsan may partikular na “brand” o gamot na mas “hiyang” sa iyo. Ibig sabihin din, kung ikaw ay may kamag-anak na may kaparehong sakit at gumana ang isang gamot sa kaniya, mataas ang porsyento na tatalab din ito sa iyo. Dapat rin tandaan na kung may ok na brand sa iyo ng gamot, huwag papalit palit ang bibilin mo hanggat maari.
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
Nakakalungkot ang balita na pumanaw ang magaling na food at travel celebrity na si Anthony Bourdain sa suicide. Noong 2016, binahagi ni Bourdain ang kaniyang karanasan sa Depression.
Ang depression ay karamdamang pang-kaisipan (mental disorder) kung saan ang tao ay nakakaranas ng depressed mood (lungkot na malalim at hindi lumilipas). Ang depressed mood na ito ay maaring sinasabi ng tao na nakakaranas nito kahit hindi obvious sa hitsura nila o maari rin namang na-oobserbahan lang ng mga taong nakapaligid sa kaniya.
Kaakibat nito, ang iba pang karaniwang sintomas na: (1) walang-gana sa mga dati na nilang kinatutuwaang gawain, (2) nawawalan ng timbang kahit hindi nag di-diet (o kabaligtaran, nananaba), (3) hindi makatulog (o tulog ng tulog buong araw), (4) ayaw kumilos, nakatulala (o kabaligtaran rin, di mapakali), (5) walang enerhiya o parating pagod ang pakiramdam, (6) pakiramdam nila wala silang silbi o halaga o sila ay guilty na sila ang may kasalanan ng lahat, (7) hirap mag-concentrate o hirap magdesisyon, at (8) nakakaisip ng tungkol sa kamatayan o nakakaisip na gusto na nilang mamatay (Basahin: Ano ang gagawin ko sa kaibigan kong gusto ng mamatay?). Ang mga sintomas na ito ay nararanasan halos araw-araw sa loob ng dalawang linggo.
Ang mga taong nakakaranas ng sintomas na ito ay madalas na nahihinto sa karaniwan nilang gawain. Halimbawa, sa trabaho, eskwela, o napapansin ng mga pamilya at kaibigan na hindi na nila nagagampanan ang kanilang mga karaniwang responsibilidad. Isa ito sa mga nag uudyok sa mga kaibigan at kamag-anak na patignan nila ang pasyente.
Ang mga taong nakakaranas ng depressed mood lamang ay masasabing merong Major Depressive Disorder o Major Depression. Kung ang tao ay nakaranas ng Mania (Basahin: Ano ang Bipolar) noon at ngayon naman ay depression, sila ay Bipolar. Kung ang tao naman ay unang nagpunta sa doktor na may depression ngunit sa kanilang history ay may mga pangyayari na maaring parang sintomas ng Mania, maari rin silang ma-diagnose na Bipolar.
Sa pamamagitan ng mga anti-depressants, maaring maibalik sila sa dati nilang gawain. Ang mga anti-depressants ay karaniwang matagal bago tumalab, tatlong linggo o hanggang isang buwan bago makaramdam ng pagbabago ang mga pasyenteng umiinom ng anti-depressants.
Ang mga taong may Major Depression ay fully functional (parang walang kahit anong mental health issues) kung sila ay nasa remission – “ok sila” (Basahin: Ano ang Relapse vs. Remission?). Hindi katulad ng karamdamang katulad ng Schizophrenia kung saan may naiiwang lamat sa tao ang sakit. Malaki ang matutulong ng Psychotherapy (Basahin: Ano ang Psychotherapy) o “talk-therapy” sa Depression. Ang pagkakaintindi ng lahat ng aspeto ng buhay o makilala ng lubos ang ating sarili at ano ang pinagmumulan ng ating mga iniisip ay malaki ang maitutulong sa pagbawi ng lakas, sigla, at kalusugang pang-kaisipan (mental health).
Hindi.
Mataas ang potensyal ng mga taong may kamag-anak sa first degree (magulang, kapatid, anak) na magkaroon din ng Major Depression. Hindi awtomatikong magkakaroon ng Major Depression ang mga may kamag-anak na Depressed ngunit mataas ang kanilang tsansa (chance) na magkaroon nito lalo kung may magyaring mga stressful sa kanila.
Anthony Bourdain revealed he suffered from depression during a 2016 episode of ‘Parts Unkown‘ – – in which he said something as simple as a bad burger could send him into a downward spiral.
Bourdain addressed the issue while visiting Argentina — a country that fascinated him because it embraced psychoanalysis and mental health treatment.
The episode featured several scenes of Bourdain speaking with his therapist and addressing real issues in his life. And, even though it seems like a joke at first, it becomes clear he’s not kidding around.
When asked what brought him into the office, Bourdain says … “I will find myself in an airport, for instance, and I’ll order an airport hamburger. It’s an insignificant thing, it’s a small thing, it’s a hamburger, but it’s not a good one. Suddenly I look at the hamburger and I find myself in a spiral of depression that can last for days.”
He goes on to explain how he often feels alone.
“I feel kind of like a freak and I feel very isolated. I communicate for a living but I’m terrible at communicating with people I care about.”
The episode ended with Bourdain saying he has positive moments too.
“There’s the evil cheeseburger that sets me off. Suddenly I’m super depressed for days. It’s like that with the good stuff too. I have a couple of happy minutes there where I’m thinking, life is pretty good.” — From TMZ Website
================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================
(c) 2018 Chris Alipio
Design by ThemeShift.