Pinoy Mental Health Blog

Pag-Record/Video ng inyong Session

by , on
Nov 29, 2017

Nung isang araw nakita ko na lamang na ang session ay vinivideo ng isang miyembro or attendee ng isang family session. Naisip ko bigla ang mga implikasyon ng pangyayaring iyon at ako ay nag-research at nag-basa tungkol dito.

Pwede bang irecord mo ang iyong psychotherapy o counseling session?

Oo. Kung iyon ay isang bagay na napag usapan ninyo ng inyong therapist at napagkasunduan.

Ano ang mga advantages ng pag-record ng iyong session?

Maari itong makatulong na mabuksan ang isipan ng mga mahal mo sa buhay kung kulang sila sa pagtanggap sa iyong karamdaman kung mapapanood nila kung anong nangyayari sa iyong session.

Ang mga session ay maaring mabalikan ng mga pasyente para ma-review at mausisa lalo na kung may desisyong gustong gawin.

Ano ang mga alituntunin o gabay na dapat mong gawin para mapanatiling isang okey na bagay ang pag-rerecord ng iyong session?

Unang-una, sabihin niyo sa inyong therapist na nais niyong i-record ang session. Kailangan ninyong pag usapan kung aling mga parte ng session ang maari at hindi niyo maaring i-record sapagkat may mga sensitibong bagay na hindi na dapat pa talaga i-record tulad ng physical exam o usapan tungkol sa seks.

Dapat ang pag-record ay obvious at hindi patago. Ito ay nagiging ugat ng pagkawala ng tiwala. At ang tiwala ay importante sa relasyon ng isang therapist at pasyente.

Kailangan rin ninyong mapagkasunduan kung payag ang parehong panig na i-post ang recording sa social media o sa internet sapagkat sinisira nito ang kasunduan ng confidentiality. Kung mangyari ito, mas mabuti minsan na magpalit ng therapist o huwag ituloy ang therapy. Maari rin itong hilingin ng therapist sa inyo sapagkat sinira ninyo ang mga kasunduan ng relationship na iyon.

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Self-Harm at Suicide

by , on
Oct 16, 2017

Galing ang salitang Suicide sa mga Latin na kataga na nangangahulugang: [sui] – sarili/pansarili at [cida] – ang pumatay/ang kumitil. Literal na ang ibig sabihin ay ang pag-kitil ng sariling buhay. Ang mga taong sumasagi sa isip ang suicide ay pwedeng, iniisip lamang ito, at iniisip ng matagal, minsan buong buhay, ngunit hindi ito magawa o gagawin, at ang iba naman na nagagawa ito sa isang-kisap mata lang. Ang importanteng maintindihan tungkol sa suicide ay: (1) Una, madalas, ito ay dulot ng isang mental health issue, karaniwan ay depression, at (2) Ikalawa, ito ay nagagamot sa pamamagitan ng psychotherapy (talk-therapy) at anti-depressants(gamot).

Tatlong beses na mas madalas mag-tangka ang mga babae na mag suicide kesa lalaki ngunit apat na beses na mas madalas ang mga lalaki na maisakatuparan ito. Ito ay dahilan sa paraan ng pagtatangka. Madalas ang mga kalalakihan ay gagamit ng baril, pagtalon, o pagbigti, at ang mga ito ay lubos na nakamamatay. Mas bihira ang mag-suicide sa mga teenager, ngunit sa mga nakaraang taon, pataas ng pataas ang bilang nga mga teenagers na nagkakaroon ng pagtatangka o natutuloy ang suicide. Sa mga lalaki, mataas ang bilang na natutuloy na suicide pagkatapos ng edad na 45, at sa mga babae pagkatapos ng edad 55. Ibang mga bagay na nagpapataas ng risk ng suicide ay: walang asawa (kasama ang pagiging hiwalay, diborsaydo, o balo), mataas na antas ng social status o biglang pag-baba ng social status, pagkakaroon ng mental health issue hindi lamang depression.

Ang pinakamataas na risk factor na makapagsasabi sa atin na ang isang tao ay magtatangka na mag-suicide ay ang history na nagkaroon na ng pagtatangka noon. Mas madalas na pagtatangka, mas mataas ang chance na ito ay maganap muli.

Ang mga Mood Disorders (Basahin: Ano ang Depression? Ano ang Bipolar?) ay ang pinakamadalas na dahilan na mag-suicide ang isang tao. Ang social isolation ay nagpapalala ng suicidal tendencies ng isang Depressed. Tandaan na hindi porke’t may nakapaligid na tao sa isang taong depressed ay hindi nila pakiramdam na isolated sila. Maari ring magkaroon ng suicide sa mga taong nakakaranas ng Schizophrenia (Basahin: Ano ang Schizophrenia?), kung minsan, ito ay utos ng kanilang mga bulong (hallucinations), o nagkakaroon rin sila ng depression bukod pa sa schizophrenia dahil sa isolation na kanila dinaranas. Mataas din ang bilang ng mga taong sobrang lasing o high sa drugs na nagpapakamatay. Maaring may dinadala sila ngunit hindi naman talaga magtatangka pero nung naka-inom o high at nagkasabay na sumagi sa isip nila ang suicide ay naitutuloy nila.

Bakit Nakakaisip ang Tao na Magpakamatay?

Maraming theories na nagtatangka na magpaliwanag kung bakit nagpapakamatay ang isang tao. Noon, sinasabing ang suicide ay galit sa iba o sa mundo na ibinaling mo sa sarili (anger turned inward). Paano ito nangyayari? Habang tayo ay lumalaki, gumagawa tayo ng mga internal representations ng mga mahal natin sa buhay sa ating isip. Ang mga imahe na ito at konsepto ay dala dala natin buong buhay. Kapag tayo minsan ay nasasaktan ng isang tao, o isang pangyayari sa ating buhay sinasabi na gusto nating burahin o puksain ang imahe na iyon na nasa isip natin nung tao/bagay/pangyayari na iyon kaya ibinabaling natin ang galit sa ating sarili.

Sa mga mas makabagong paliwanag, hindi lang iisang dahilan ang makakapagpaliwanag kung bakit nagpapakamatay o nagsu-suicide ang isang tao. Madalas, ang mga nagtatangka ay may mga nais makaganti, magkaroon ng kapangnyarihan, control, mag-parusa, mag-sisi, isang paraan ng sakripsiyo, makatakas sa problema, simpleng makatulog lang, may mailigtas, ipanganak o magsimula muli (kung naniniwala sa reincarnation), o makapiling muli ang pumanaw na mahal sa buhay. Minsan, ang mga ito ay pantasya, ngunit hindi natin masabi sa mga taong nakakaranas ng kalungkutan halimbawa na hindi nila naisin na makuha ang kanilang mga wish na ito o pantasya. Sa mga pagsasaliksik, ang pinakamadalas na dahilan o trigger ng pagpapa-kamatay lalo na sa mga matagal ng nakaka-isip na gawin ito ay ang pagka-wala ng pag-asa o hopelessness.  Importanent maiparating sa mga taong nakakaisip ng suicide na hindi pa huli at may magagawa pa sa mga suliranin na kanilang dinaranas.

Ano ang Gagawin Ko sa Kaibigan Kong Nagbahagi na Gusto Niyang Magpakamatay?

  • Huwag matakot pag-usapan ang suicide. Maling konsepto na ang pag-tatanong o pag-bring-up ng topic na ito ang magbibigay ng ideya sa tao na mag-tangka. Hindi po. Bagkus, madalas hinihintay lang ng iyong kaibigan na marinig na ok lang sa iyo na ito ay pag-usapan para makapag-share sila.
  • Ungkatin kung ano ang mga detalyadong balak niya, kung meron man. Mas konkreto ang plano ng tao, mas mataas ang chance na baka nga talaga gawin niya ito. Pagkwentuhin o pagsalitain lang sila ng pagsalitain. Baka lumipas rin ang suicidal ideations (pag-iisip tungkol sa suicide) nila.
  • Bantayan sila, huwag iwan, sabihin na hindi mo sila iiwan hanggat may iba na silang makakasama. Hindi masama na ma-asiwa o makaramdam na hindi mo alamg ang iyong gagawin ngunit malaki na iyong naitutulong sa hindi pag-iwan ng iyong kaibigan.
  • Samahan sa kaniyang mga pinagkakatiwalaang family member o therapist. May pagkakataon na ang mismong pamilya ng isang taong suicidal ay hindi supportive sa kanila. Samahan sila at bigyang-diin ang importansya ng bagay na nangyayari.

Ano ang Deliberate Self-Harm?

Ang Deliberate Self-Harm (Pananakit ng Sarili) o tinatawag ding Parasuicidal Behavior ay mga taong sinasaktan ang sarili ngunit hindi naman talaga gusto mamatay. Ang karaniwan gawin ay ang paghiwa sa sarili (cutting behavior). Madalas sabihin ng mga taong gumagawa ng self-harm na hindi sila nakakaramdam ng sakit at ginagawa nila ito upang: makaramdam, maalis ang tension, maalis ang galit sa sarili (bilang parausa) o sa iba. Mataas ang tsansa(chance) na merong personality disorder (Basahin: Ano ang Personality Disorder) ang mga taong gumagawa ng self-harmful behavior.

Ano Ang Gagawing Ko Sa Kaibigan Kong May Self-Harming Behvior?

Ipayo na siya ay magpunta sa Psychiatrist/Psychologist upang mag-psychotherapy (Basahin: Ano ang Psychotherapy?).

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Mga Karaniwang Gamot sa Psychiatry

by , on
Oct 16, 2017

Under Construction.

Ano ang mga karaniwang ginagamit na gamot at ano ang mga mabuti at di mabuti (side effects) na naidudulot nila?

Paalala: ang layunin ng akda na ito ay magkaroon ng kaalaman ang mga taong may karamdamang pang-kaisipan at kanilang mga caregivers, hindi para gawin silang eksperto sa mga psychiatric medications.

Mga Grupo ng Psychiatric Medications

Ang mga psychiatric medications ay maigrugrupo sa ilang pamilya. Ngunit (at importante itong maintindihan) hindi nangangahulugan na ito ay maari lamang gamitin sa ganoong pamilya rin ng mga karamdaman. Bakit? Ang mga gamot ay kumakabit sa mga bahagi ng utak na parang susian (ang gamot ang susi) o keyhole upang ibukas ang pinto o isara ang pinto para dumaloy ang signal. Ang mga susian na ito sa utak ay tinatawag na receptors. Ang ibat ibang klaseng susian na ito ay nagkalat sa utak. Minsan ang ibang gamot ay kaya rin kumabit sa susian ng ibang sakit kaya sila rin ay ginagamit.

Ang mga grupo ng gamot na ating tatalakayin ay:

  • Anti Psychotics
  • Anti Depressants
  • Mood Stabilizers
  • Pampatulog

Anti Psychotics

Layunin: mawala o mabawasan ang psychosis – hallucination (Basahin:) at delusions.

Mga karaniwang halimbawa: Risperidone, Olanzapine, Clozapine, Aripiprazole, Amisulpride

Iba pang gamit: maari rin gamitin ang mga antipsychotics sa: autism at adhd, dementia, mga nag dedeliryo, bipolar at depressed kung kailangan kontrolin ang kanilang pagiging agresibo o pag may kaunting hallucination na nahahalo o bilang pampatulog.

Ang mga anti Psychotics ay kumakapit sa mga dopamine receptors(susian) para isara ang pinto at hindi makapasok ang dopamine.

Ang dopamine ay isang “neurotransmitter.” Ang mga neurotransmitter ay chemical na ginagamit ng utak para magpadala ng signal. Kunwari may nililigawan ka papadalan mo ng bulaklak. Alam niya na may ibig sabihin iyon. Sinasabing sobra ang dopamine sa ilang parte ng utak kung may psychosis. Ang antipsychotics ay ipipinid ang pinto para hindi makaraan ang dopamine at makapagdulot ng psychosis.

Ano ang kaibahan ng mga iba’t ibang anti Psychotics?

Risperidone – mataas ang dopamine activity. Maaring gamitin sa mga bata at matanda sa mababang dose kumpara sa ibang mga ka-grupo nito.

Olanzapine – nakakaantok, nakakataba, nakaka lakas kumain, nakaka lala ng diabetes, maaring makapag trigger ng epilepsy

Clozapine – karaniwang nirereserba sa mga malalang kaso ng psychosis o matagal ng karamdaman na nakasubok na ng ibang gamot na nabawasan na ng bisa. Ginagamit din sa mga suicidal. Nakaka-antok, nakakataba, at nakaka-lakas kumain rin.

Aripiprazole – swabe ang epekto sa dopamine. Bahagya lamang “mag-sara” ng pinto.

Amisulpride

Anti-Depressants

Layunin: tumaas ang mood

Mga Karaniwang Halimbawa: Escitalopram, Sertraline, Fluoxetine, Paroxetine

Iba pang gamit: Ginagamit din ang mga gamot na ito sa Anxiety(Nerbiyos) at OCD (Obsessive Compulsive Disorder)

Ang mga anti-depressants ay kumakapit sa Serotonin receptors. Ang serotonin ay sinasabing mababa sa ilang lugar sa utak kung ang tao ay depressed. Tumataas ang availability ng serotonin sa utak sa pamamagitan ng mga makabagong anti-depressants. Ang mahirap ay mabagal bago ito tumalab, mga 2 hanggang 3 linggo bago magsimulang tumalab ang mga gamot na ito. Magtataka ang mga pasyente kung hindi maipapaliwanag kung bakit matagal bago makaramdam ng ginhawa.

Ano ang kaibahan ng mga anti-depressants?

Escitalopram – mas safe sa mga matatanda o maraming iniinom na gamot, mas konti ang inter-aksyon sa ibang mga gamot.

Sertraline – ginagamit rin sa anxiety

Fluoxetine – matagal ang buhay (duration of action)

Paroxetine – nakaka-antok

Mood Stabilizers

Layunin: dalhin sa gitna ang mood. Hindi masyadong low-batt (depressed), hindi rin hyper (manic)

Mga Karaniwang Halimbawa: Lithium, Valproate (Divalproex Sodium or Sodium Valproate+Valproic Acid), Lamotrigine

Iba pang gamit: Kombulsyon o epilepsy

Hindi pa matukoy ang partikular na mekanismo bakit gumagana ang mga mood stabilizer. Basta, gumagana sila.

Matagal din sila bago gumana. Ang mga taong sobrang hyper (Basahin: Ano ang Bipolar?) minsan tatagal ng 3 linggo o isang buwan bago humupa ng lubos ang sumpong. Madalas kapag matindi ang sumpong sasabayan ng antipsychotic ang mood stabilizer para mas mabilis humupa ang sumpong, pag kalmado na ang pasyente, iiwanan na lang ang mood stabilizer para gawing maintenance.

Lithium – madaling magkaroon ng side-effect kung di pag-iingatan ang pag-inom. Dapat i-test ang dugo kung tama ang levels tuwing magche-check up para masiguradong tama ang levels. Iwasan ma-dehydrate dahil lalabas din ang mga side effects tulad ng pag sakit ng tiyan (karaniwang unang lalabas), pagkahilo, panginginig, pagkatuyo ng bibig, pagsusuka, di mapakali.

Valproate/Valproic – ito ay makikita sa dalawang formulation: ang Divalproex at and Sodium Valproate. Pareho lamang ito. Magkaiba lamang ng paraan ng pag-absorb. Bawal sa buntis ang Valproic lalo na sa unang ilang buwan, mag-dudulot ito na maging abnormal ang pag-develop ng baby. Safe ito sa mga hindi buntis, hindi lang safe para kay baby.

Lamotrigine – sinasabing mabuti sa mga bipolar depressed. May possibleng side effect na parang nalalaglag ang balat mula sa katawan. Ipapaliwanag ito sa iyo ng doktor.

Pampatulog

Layunin: kumalma ka o makatulog ka

Mga Karaniwang Halimbawa: Zolpidem (Stillnox), Diazepam (Valium), Clonazepam(Rivotril), Alprazolam(Xanor), Bromazepam(Lexotan), —vs—Diphenhydramine(Benadryl), Melatonin (Sleepasil)

Iba pang gamit: para sa nerbiyos, o para sa kombulsyon

Bukod sa Diphenhydramine at Melatonin sa itaas, ang mga binanggit ko ay talagang pampatulog. May mga gamot na may side effect na bahagyang nakaka-antok at ito ay maaring gamitin kahit walang pagkonsulta sa doktor. Ang mga halimbawa ko ay kailangan ng espesyal na reseta para mabili.

Ang mababang dose ng mga gamot na ito ay pampakalma ang mas mataas na dose naman ay pampatulog. Pag ikaw ay umasa lamang sa pampatulog at hindi ginamot ang totoong dahilan ng insomnia o anxiety, hindi mo na matitigilang ang pag-gamit nito at katagalan ay di na ito tatalab. Importante ang pag-uusap niyo ng doktor paano malulunasan ng tuluyan ang nararamdaman mo.

Nagkaka-iba lamang ang mga gamot na ito sa tagal ng epekto nila (ilang oras). Alam ng doktor mo ang akma sa iyo na gamot.

Ang dipehnhydramine ay anti-allergy na gamot na nakaka-antok kaya pwedeng gamitin na pampatulog. Ito ay over-the-counter na gamot.

Ang melatonin ay isang chemical na meron tayo sa utak, habang umaandar ang oras, dumadami ito sa ating utak habang papa-gabi. Pag sapat na ang dami nito, aantukin tayo. Isa itong supplement at over-the-counter na mabibili. Kung hindi melatonin ang problema mo, siyempre hindi ito tatalab.

PAALALANG MULI: Ang mga paliwanag ay payak/simple. Hindi layunin ng akda na ito na maging detalyado at maipaliwanag ng husto ang mga bagay bagay tungkol sa psychiatric medications.

Mga Side-Effects ng Gamot

Tandaan, sa pagbabasa ng pabalat ng gamot, maraming nakalistang side-effects ng mga gamot. Madalas rin tanungin ng mga pasyente at kasama nila ano ang mga side-effects ng isang partikular na gamot. Hindi awtomatiko na mararanasan ng bawat pasyente ang mga nakalistang side-effects.

HINDI AWTOMATIKO NA MARARANASAN NG BAWAT PASYENTE ANG MGA NAKALISTANG SIDE-EFFECTS.

Ito ay mga “possibleng” side-effects lamang. Sa mga pag-aaral iba-iba ang porsyento/chance/tsansa na lumabas ang mga ito at ito ay depende sa maraming kadahilanan.

Hiyang-Hiyang sa Gamot

Totoo ito. Ang tawag sa konseptong ito ay “pharmacogenomics.” Ibig sabihin, maaring kahit parehong generic minsan may partikular na “brand” o gamot na mas “hiyang” sa iyo. Ibig sabihin din, kung ikaw ay may kamag-anak na may kaparehong sakit at gumana ang isang gamot sa kaniya, mataas ang porsyento na tatalab din ito sa iyo. Dapat rin tandaan na kung may ok na brand sa iyo ng gamot, huwag papalit palit ang bibilin mo hanggat maari.

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD, DSBPP
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Psychiatry at Mga Pelikula

by , on
Oct 15, 2017

Ilan sa mga pelikula na ito ay may tema na tungkol sa mga karamdamang pang-kaisipan. Ilan ito sa mga minumungkahi ko sa mga estudiante ko na panoorin para mapag isipan nila ang mga tungkol sa iba’t-ibang aspeto ng psychiatry at psychology.

Brothers (2009) – Jake Gyllenhaal, Natalie Portman, at Toby Maguire – Istorya tungkol sa isang sundalo na naging prisoner-of-war (POW) sa middle east. Pag balik niya, nakaranas siya ng PTSD o post-traumatic stress disorder. Kitang-kita sa pag-ganap ni Toby Maguire kung ano ang mga nararanasan ng mga taong dumanas ng traumatic life events.

Silver Linings Playbook

Ipagpapatuloy…

Paano Malalaman kung “Mature” ang Isang Tao? Pt.2

by , on
Sep 28, 2017

Ikalawang Bahagi – –

Basahin: Paano Malalaman Kung “Mature” ang Isang Tao?

Relationships – Pakikipag-kapwa

Sa usapin tungkol sa Relationships, hindi lamang ito tumutukoy sa mga romantic relationships kungdi sa pakikipag-kapwa sa lahat o ang kapasidad na bumuo ng relasyon sa kaibigan, mga acquaintances (kakilala pero hindi malapit), at kasama nga rin ang mga romantikong relasyon/pag-ibig.

Sa aspetong ito, ang mga bagay na ito ang importanteng isaalang-alang:

  1. Trust – Tiwala
  2. Sense of Self and Others –
  3. Security – Seguridad
  4. Intimacy – Pagiging Malapit
  5. Mutuality – Pagbabahagi ng Patas

Trust

Importante sa pakikipag-kapwa ang abilidad na magtiwala sa iba. Ang tiwala ay natututunan natin simula noong tayo ay sanggol pa.

Sense of Self & Other

Ang isang taong mature ay may kakayanan at nakaka-intindi na siya at ang iba ay merong mabuti at hindi magandang mga ugali. Madalas, nakikita natin ang iba o ang ating sarili mismo na “masama talaga ako,” “wala na akong nagawang maganda,” o ang iba, “demonyo ka, wala ka na nagawang maganda,” ngunit sa totoo lang, ang isang tao ay binubuo na meron parehong maganda at hindi mabuting mga ugali at aspeto.

Sa mga taong may sapat na maturity, nakikita nila ang mga tao na merong sariling mga paniniwala, damdamin, emosyon, pangangailangan, at mga dahilan kung bakit nila ginagawa ang mga ginagawa nila. May mga pagkakataon na hindi natin naiintindihan kung bakit ayaw sumama sa libangan natin ang ating mga kaibigan o mahal sa buhay. “Bakit ayaw niya ako samahan manood ng horror movie?” Nakakalimutan natin na sila ay hiwalay na tao at hindi umiikot ang mundo sa atin. Sila ay may mga sariling hilig at damdamin. Ang isang mature na tao ay naiisip at natatanggap ito, at hindi sila madaling masasaktan, at maari nilang maisip, “baka takot siya sa horror, hindi siya nag-eenjoy.

Security

Ito ay tumutukoy sa pagkaka-intindi na kahit:

  • wala sa paligid ang iyong kaibigan o mahal sa buhay
  • may hindi pagkakaunawaan
  • may iba pang hindi ok sa relasyon

hindi nito ibig sabihin na maglalaho o awtomatikong masisira ang relasyon.

Kung ang tao ay may karakter na pagiging secured, karaniwan sila ay kayang magpanatili ng relasyon kahit na meron isa o ilang bagay na hindi nila partikular na gusto tungkol sa isang tao. Meron silang ilang mga relasyon mapa-kaibigan, pag-ibig, o acquaintance na tumagal, at naglalaan sila ng panahon at enerhiya sa pakikipag-kapwa para mapanatili ang kanilang relasyon.

Intimacy – Pagiging Malapit

Ang pagiging malapit na tinutukoy sa intimacy ay hindi lamang sa aspetong sekswal kungdi ang abilidad natin na makapag-bahagi tungkol sa ating sarili, sa ating mga nararamdaman, sa ating mga karanasan, mga gusto at minimithi, at mga kabiguan (disappointments).

Kung ang relasyon natin sa isang kaibigan o mahal sa buhay halimbawa ay mature, nasa level ito na nakakapagbahagian tayo ng ilang bagay tungkol sa ating sarili. May mga pagkakataon na isang aspeto lang ang ating naibabahagi, halimbawa, mga karanasan natin naikwekwento natin sa mga kaibigan, at ang iba naman ay naibabahagi natin sa ating romantic partner, at ito ay ok lang. Siempre, ang pagiging malapit natin sa iba ay nakasaalang-alang sa level ng tiwala natin sa tao. Kasama ang kapasidad nating kumilatis kung katiwa-tiwala ang isang tao para tayo ay makipag-kapwa sa kanila kung tayo ay magbabahagi ng tungkol sa ating sarili at sa level of maturity natin bilang isang tao.

Mutuality

May mga taong “take ng take,” sa isang relasyon. Karaniwan sa mga taong ito na mababa ang kapasidad na makaramdam kung ano naiisip at nararamdaman ng iba (empathy). May mga taong bigay rin naman ng bigay. Pareho itong hindi “matured” o “healthy.” Ang isang relasyon ay dapat may balanseng pagtanggap at pagbibigay.

Tinitimbang natin sa pangkabuuan ang mga tinatalakay natin tungkol sa ating sarili at relasyon at ang mga susunod pa nating tatalakayin kung ang isang tao ay may sapat na maturity o wala. Walang iisang criteria o pamantayan o bilang para masabi na ikaw ay matured o hindi kungdi, kung mas maraming bagay na nagtuturo na ikaw ay may maturity, ikaw ay matured. Maari rin na halimbawa ikaw ay matured sa iyong pagkakakilala sa sarili ngunit kulang sa maturity sa pakikipagkapwa.

Sa susunod, tatalakayin pa nating ang iba pang mga aspeto.

Abangan: Huling Bahagi – – Adapting, Cognition, Work & Play

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Paano Malalaman kung “Mature” ang Isang Tao?

by , on
Sep 23, 2017

Unang Bahagi – – Madalas, masasabihan ka ng iyong SO (significant other, kasintahan, ano man ang gusto mong itawag dun), “immature ka kasi!” Ano ba ang batayan kung ang isang tao ay “mature.”

Ang mga sumusunod po ang ginagamit kong batayan kapag sinusuri ko ang ugali ng pasyente/kliyente:

  • Self – “sarili,” o pagkakakilala sa sarili
  • Relationships – pakikipag kapwa (hindi lamang eksklusibo sa romantikong relasyon)
  • Adapting – pagbagay sa sitwasyon
  • Cognition – pag-intindi o pag-“interpret” sa mga naoobserbahan sa loob at labas ng sarili
  • Work & Play – pagiging productive/silbi at paglilibang

Talakayin po natin ang una…

Self – “sarili,” o pagkaka-kilala sa sarili

May dalawang bagay po na importante kung ating pinaguusapan ang ating sarili, una, ay yung pagkaka-kilala mismo natin sa ating sarili, at pangalawa, yung pag-control natin ng ating self-esteem (pagpapahalaga sa sarili).

1. Ang pagkaka-kilala natin sa ating sarili

Ito ay pwede rin nating tawaging – Identity. Ikaw ba ay sigurado sa iyong pagkaka-kilala sa iyong sarili? Karaniwan, kung ikaw ay sigurado, ginagamit mo ito sa mga desisyon na ginagawa mo sa buhay. Halimbawa, nakikita mo ang iyong sarili bilang isang mapagkawang-gawa gusto parati tumulong sa iba kaya pinili mo maging social worker. Kung hindi ka sigurado sa iyong pagkakakilala sa sarili mo, maari itong maging dahilan kaya di ka makapili ng gusto mong gawin sa buhay, o magkaroon ng isang desisyon, isa sa mga tanda ng pagiging immature. Kung kilala mo talaga ang sarili mo na ikaw ang tipong hindi komportable sa mga sosyalan, hindi mo ilalagay ang sarili mo sa sitwasyon na iyon at hindi ka rin manghihinayang na hindi ka nakasama.

Isa pang bagay ay ang mga pantasya (fantasy) mo patungkol sa iyong sarili. Normal na magkaroon ng pantasya tungkol sa iyong sarili. Ang mga pantasyang ito tungkol sa ating sarili ang nagbibigay sa atin ng aliw, comfort, mga goals(layunin), at escape (panandaling pagtakas sa realidad). Ang tanda kung ikaw ay mature o immature ay kung ang iyong mga pantasya ay katulad o kahanay, o magkadugtong sa iyong identity. Sa halimbawa kong unang nabanggit, pantasya mo kunwari na kilalanin ka o bigyan ng Nobel Peace Prize katulad ni Mother Theresa sa pagiging social worker. Magkadugtong ang mga pantasya mo at kung ano ang tunay na pagkakakilala mo sa iyong sarili. Kung ikaw ay immature, maaring pantasya mo pa rin maging si spider man. 🙂

2. Pag-control ng ating self-esteem (Pagpapahalaga sa sarili)

Una, isa sa mga tanda ng maturity ay ang kahinaan o tibay sa mga banta laban sa self-esteem. Halimbawa may magsabi sa iyo na “ang pangit ng gawa mo…” ikaw ba ay mawawalan agad ng pagpapahalaga sa sarili o medyo matibay ang iyong loob?

Kung magkaroon ng pagkakataon na may mga ganoong banta, ano ang iyong nagiging paraan ng pag-adapt? Ito yung mga tinatawag na defense mechanisms (Basahin: Ano yung mga Defense Mechanisms?) May mga paraan na matatawag nating mature na mga paraan ng pag-adapt – – halimbawa, magsisipag ka sa trabaho o eskwela, o itututok mo ang sarili mo sa pag-gygym, magiging mas competitive o magiging less competitive ka, o tatawa ka na lang kasama nila sa gawa mo. May mga paraan din na hindi masyadong mature — halimbawa, magagalit ka at magyayabang na “hindi ang ganda nga nito!”, magdadabog ka dun sa taong nagsabing pangit ang gawa mo, o di kaya aawayin mo yung katulong niyo dun mo ipapasa ang iyong inis.

Karaniwan kung may nakikita tayo sa iba na bagay o kakayanan na atin din gusto para sa ating sarili, nakakaramdam tayo ng inggit. Kung nakakaramdam ka na gusto mo maging katulad ng taong iyon o magakaroon din ng meron siya, o kahit higit pa, ok lang ‘yon, hindi yun immature. Pero kung nakakaramdam ka na gusto mong sirain siya para makalampas, yun ang emotional immaturity.

Isa pa sa mga tanda ay kung paano natin ginagamit ang ibang tao para mapanatili natin ang ating self-esteem. Tanda ng maturity ang kakayanan mo mapanatili ang iyong self-esteem kahit hindi parati kang nabibigyan ng papuri patungkol sa iyong sarili. Siempre, kung puro batikos ang iyong maririnig, may masama itong epekto. Ang punto ko ay karaniwan sa mga kulang sa maturity ay ang parati nilang kailangan mabigyan ng papuri para mapanatili ang integridad ng kanilang self-esteem. At pag nawala ang mga ito, guguho ang kanilang identity at self-esteem.

Unang bahagi pa lang po ng topic na ito, sa susunod, tatalakayin ko ang… Relationships (pakikipag kapwa).

Ito po ba ay isang interesting na topic para sa inyo? Welcome po ang feedback at mga tanong, ipadala lamang sa email na nasa ibaba.

Basahin: Ikalawang Bahagi – Relationships

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Ano ang Dementia?

by , on
Sep 23, 2017

Ano ang Dementia?

Ang Dementia ay isang kataga (medical term) na ginagamit para ilarawan ang isang tao na nakakaranas ng mga pagkukulang sa kanilang kapasidad na mag-isip, pinaka karaniwang halimbawa ay ang kakulangan sa pag-alala sa mga bagay-bagay (memory problem).

Ilan sa mga kapasidad na maaring mapektuhan sa Dementia ay:

Learning and Memory – Pagkatuto at memorya
Complex Attention – mga bagay na may kinalaman sa atensyon, katulad ng pananatili ng atensyon sa ginagawa o yung kakayanan na may gawin na dalawang bagay pero mapanatili ang iyong atensyon sa kanila
Executive Functions – mga tungkulin ng ating utak na medyo high-level katulad ng pag-plaplano, pagkalkula (calculate), pag-adapt sa mga sitwasyon
Language – pakikipag komunikasyon o pakikipag-usap
Perceptual-Motor – kakayanan na gamitin ang nakikita sa mga ginagawa, o koordinasyon, halimbawa yung pananahi, pag-suot ng damit, mga simpleng bagay pero kapag nagkaroon ka ng problema sa isip, pwedeng hindi mo na ito magawa
Social Cognition – abilidad na makita kung ano ang nararamdaman ng iba o maisip kahit papaano ang kanilang iniisip.

Isa sa mga pinakamadalas at pina-karaniwan na kakulangan na nangyayari ay sa memorya. Isa sa mga pinaka-karaniwan na sakit ay ang Alzheimer, madalas itong tinatawag na pag-uulyanin.

Basahin: Ano ang Alzheimer Disease?

Maaari ring mag sanhi ng Dementia ang: aksidente na malakas na pagkabagok ng ulo, o paulit-ulit na pagkabagok (katulad ng mga boksingero), o di kaya ay stroke.

Nagagamot po ba ang Dementia?

Depende po sa kung ano ang dahilan ng dementia.  Tatalakayin ko po isa-isa ang mga karaniwang dahilan ng Dementia.

Namamana po ba ang Dementia?

Depende din po sa kung anong klaseng Dementia ang dumapo. Ang Alzheimer po halimbawa ay mataas ang tsansa na magkaroon rin sa mga salinlahi o next generation ng ganoong sakit.

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Ano ang Panic Disorder?

by , on
Sep 19, 2017

Ano ang Panic Disorder?

Ang Panic Disorder ay isang karamdamang pang-kaisipan (mental disorder) kung saan may paulit-ulit o pasumpong-sumpong na atake ng panic — Panic Attacks (sobrang nerbiyos). Isa itong uri ng Anxiety Disorder (Basahin: Ano ang Anxiety Disorder?). Ang Panic attack ay karaniwang biglang darating ng isang bugso, palala ng palala sa ilang minuto lang, na parang pakiramdam mo ay aatakihin ka na o mamatay.

Karaniwan, may kaakibat pa itong ibang pisikal na sintomas tulad ng: palpitations (kumakabog ang dibdib, nararamdaman ang tibok ng puso, mabilis ang tibok); pinagpapawisan ng malamig/malapot, nanginginig/nangangatog; hindi makahinga; sumasakit ang dibdib/nagsisikip ang dibdib; parang nasusuka o sumasakit ang tiyan; parang hihimatayin; nanlalamig; namamanhid ang ilang bahagi ng katawan; at parang nangingilo ang mga kamay o paa. Karaniwan rin, pakiramdam mo para ka ng “mababaliw” o “bibigay na” o “feeling ko mamatay na ako.” Karaniwan, apat dito sa nakalista ay meron sa isang taong nagkakaroon ng panic attack.

Kapag nagkakaroon ka ng mga ganitong atake, lalo na kung dumadalas na, nag-aalala ka parati kung kailan ito ulit darating at gumagawa ka ng mga paraan dahil natatakot ka na dumating ito. Minsan ayaw mo na lumabas dahil baka atakihin ka kung saan na walang makakatulong sa iyo.

Ano ang kaibahan ng Panic Disorder sa ibang mga Anxiety Disorder?

Karaniwan, walang trigger ang mga panic attack talagang dumarating lang ito ng pabugso-bugso ng walang trigger o ispesipikong (specific) dahilan.

Marami bang tao ang may Panic Disorder?

Opo. Nakakagulat na maraming Pilipino na may Panic Disorder, matapang lang ata tayo o takot kumonsulta kaya madalas kung kaya pa hindi pupunta sa doktor. Kahit mga lalaki ay nagkakaroon rin nito. May mga pasyente po akong mga messenger, pintor, at mga nagoopisina na may panic disorder.

Nagagamot po ba ang Panic Disorder?

Oo. Sa pamamagitan ng gamot (anti-anxiety) at psychotherapy. Hindi po agad-agad nawawala ang mga sintomas pero mataas ang tsansa ikaw ay gumaling.

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Ano ang Anxiety Disorder?

by , on
Sep 19, 2017

Ano ang Anxiety Disorder?

Ang Anxiety Disorder ay isang grupo ng karamdamang pang-kaisipan (Mental Disorder) kung saan ang tao ay nakakaramdam ng pagkabalisa, kaba o nerbiyos (nervousness) sa mga bagay na maaring nakikita o nararanasan sa totoong buhay, o mga bagay na paulit-ulit nilang naiisip.

Maraming mga karamdaman na kabilang sa grupo ng Anxiety Disorders. Ang mga halimbawa ay: Social Anxiety (Takot na makisalamuha sa ibang tao o mag-tanghal — halimbawa: mag-recite sa harap ng klase); Phobia (nakaka-paralisang takot sa isang bagay — halimbawa: Phobia sa paglangoy); o Panic Disorder (sobrang balisa o kaba na umaatake na lang bigla). Isa isa nating tatalakayin ang mga ito sa iba pang mga posts.

Basahin: Ano ang Panic Disorder?
Basahin: Ano ang Social Anxiety?
Basahin: Ano ang Phobia?

Kailangan ko na bang magpunta sa Psychiatrist?

Kung ang nararamdaman mong kaba ay nakaka-apekto sa mga gawain mo sa araw-araw (halimbawa: di ka na makasakay ng jeep dahil sa takot na atakihin ka ng nerbiyos), mas makakabuti na kumonsulta ka sa mental health professional para ikaw ay matulungan.

Nagagamot ba ang Anxiety Disorder?

Oo. Maraming paraan na ito ay magamot. Ang kombinasyon ng oral medications (tableta, etc) at psychotherapy lalo na ang CBT (Cognitive Behavioral Therapy, isang pamamaraan ng psychotherapy, ay maganda ang epekto para matalo ng isang tao ang kanyang anxiety).

Baliw ba ang mga taong May Anxiety?

Hindi po. Malayong-malayo po sa baliw. (Basahin: Ano ba yung baliw?!)

Nakakahawa po ba ang Anxiety Disorder?

Hindi.

Namamana po ba ang Anxiety Disorder?

Karaniwan, marami sa pamilya ang nerbiyoso rin. Hindi namamana ang sakit mismo kungdi ang potensyal. Mataas ang tsansa (chance) kung meron kang first-degree relative (magulang, kapatid) na merong diagnosed na Anxiety Disorder. Dahil may genetic component (Lahi) ang Anxiety Disorder, kung may partikular na gamot na hiyang sa iyong kamag-anak na may Anxiety, mataas ang tsansa na ito ay maging epektibo rin sa iyo.

 

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================

Ano ang Depression?

by , on
Sep 10, 2017

Nakakalungkot ang balita na pumanaw ang magaling na food at travel celebrity na si Anthony Bourdain sa suicide. Noong 2016, binahagi ni Bourdain ang kaniyang karanasan sa Depression.

Ano ang Depression?

Ang depression ay karamdamang pang-kaisipan (mental disorder) kung saan ang tao ay nakakaranas ng depressed mood (lungkot na malalim at hindi lumilipas). Ang depressed mood na ito ay maaring sinasabi ng tao na nakakaranas nito kahit hindi obvious sa hitsura nila o maari rin namang na-oobserbahan lang ng mga taong nakapaligid sa kaniya.

Kaakibat nito, ang iba pang karaniwang sintomas na: (1) walang-gana sa mga dati na nilang kinatutuwaang gawain, (2) nawawalan ng timbang kahit hindi nag di-diet (o kabaligtaran, nananaba), (3) hindi makatulog (o tulog ng tulog buong araw), (4) ayaw kumilos, nakatulala (o kabaligtaran rin, di mapakali), (5) walang enerhiya o parating pagod ang pakiramdam, (6) pakiramdam nila wala silang silbi o halaga o sila ay guilty na sila ang may kasalanan ng lahat, (7) hirap mag-concentrate o hirap magdesisyon, at (8) nakakaisip ng tungkol sa kamatayan o nakakaisip na gusto na nilang mamatay (Basahin: Ano ang gagawin ko sa kaibigan kong gusto ng mamatay?). Ang mga sintomas na ito ay nararanasan halos araw-araw sa loob ng dalawang linggo.

Ang mga taong nakakaranas ng sintomas na ito ay madalas na nahihinto sa karaniwan nilang gawain. Halimbawa, sa trabaho, eskwela, o napapansin ng mga pamilya at kaibigan na hindi na nila nagagampanan ang kanilang mga karaniwang responsibilidad. Isa ito sa mga nag uudyok sa mga kaibigan at kamag-anak na patignan nila ang pasyente.

Ang mga taong nakakaranas ng depressed mood lamang ay masasabing merong Major Depressive Disorder o Major Depression. Kung ang tao ay nakaranas ng Mania (Basahin: Ano ang Bipolar) noon at ngayon naman ay depression, sila ay Bipolar. Kung ang tao naman ay unang nagpunta sa doktor na may depression ngunit sa kanilang history ay may mga pangyayari na maaring parang sintomas ng Mania, maari rin silang ma-diagnose na Bipolar.

Nagagamot ba ang Depression?

Sa pamamagitan ng mga anti-depressants, maaring maibalik sila sa dati nilang gawain. Ang mga anti-depressants ay karaniwang matagal bago tumalab, tatlong linggo o hanggang isang buwan bago makaramdam ng pagbabago ang mga pasyenteng umiinom ng anti-depressants.

Ang mga taong may Major Depression ay fully functional (parang walang kahit anong mental health issues) kung sila ay nasa remission – “ok sila” (Basahin: Ano ang Relapse vs. Remission?). Hindi katulad ng karamdamang katulad ng Schizophrenia kung saan may naiiwang lamat sa tao ang sakit. Malaki ang matutulong ng Psychotherapy (Basahin: Ano ang Psychotherapy) o “talk-therapy” sa Depression. Ang pagkakaintindi ng lahat ng aspeto ng buhay o makilala ng lubos ang ating sarili at ano ang pinagmumulan ng ating mga iniisip ay malaki ang maitutulong sa pagbawi ng lakas, sigla, at kalusugang pang-kaisipan (mental health).

Nakakahawa ba ang Depression?

Hindi.

Namamana ba ang Depression?

Mataas ang potensyal ng mga taong may kamag-anak sa first degree (magulang, kapatid, anak) na magkaroon din ng Major Depression. Hindi awtomatikong magkakaroon ng Major Depression ang mga may kamag-anak na Depressed ngunit mataas ang kanilang tsansa (chance) na magkaroon nito lalo kung may magyaring mga stressful sa kanila.

 

Anthony Bourdain revealed he suffered from depression during a 2016 episode of ‘Parts Unkown‘ – – in which he said something as simple as a bad burger could send him into a downward spiral.

Bourdain addressed the issue while visiting Argentina — a country that fascinated him because it embraced psychoanalysis and mental health treatment.

The episode featured several scenes of Bourdain speaking with his therapist and addressing real issues in his life. And, even though it seems like a joke at first, it becomes clear he’s not kidding around.

When asked what brought him into the office, Bourdain says … “I will find myself in an airport, for instance, and I’ll order an airport hamburger. It’s an insignificant thing, it’s a small thing, it’s a hamburger, but it’s not a good one. Suddenly I look at the hamburger and I find myself in a spiral of depression that can last for days.”

He goes on to explain how he often feels alone.

“I feel kind of like a freak and I feel very isolated. I communicate for a living but I’m terrible at communicating with people I care about.”

The episode ended with Bourdain saying he has positive moments too.

“There’s the evil cheeseburger that sets me off. Suddenly I’m super depressed for days. It’s like that with the good stuff too. I have a couple of happy minutes there where I’m thinking, life is pretty good.” — From TMZ Website

================================================
Likha ni :
Christopher P. Alipio, MD
Acute Psychiatric Unit
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
================================================
May katanungan ka ba tungkol sa mga Mental Disorders o Mental Health? Ipadala sa pinoymhblog@gmail.com at subukan natin sagutin at talakayin.
================================================